Ang lagnat ang kadalasang depensa ng katawan laban sa mga pinsala sa sistema at impeksyon. Sa madaling sabi hindi ito mapanganib, maliban na lamang kung buntis ang isang tao. Sapagkat ang mga babaeng buntis ay hindi maaaring uminom ng mga gamot basta-basta, dahil sa panganib na masamang maapektuhan ang sanggol na dinadala. Kaya naman ang karaniwang tanong ng mga nagdadalang tao ay kung ano ang dapat gawin kapag nilalagnat ang buntis para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon.
Basahin mo ang artikulong ito upang malaman ang mga mahahalagang impormasyon sa lagnat ng buntis, at kung ano ang mga hakbang na pwedeng gawin.
Bakit nilalagnat ang buntis?
Maraming factor ang pwedeng maging dahilan upang lagnatin ang isang buntis, at isa na rito ang pagkakaroon nila ng hormonal imbalance at mahinang immune system sa panahon ng pagbubuntis.
Kapag ang lagnat ng isang buntis ay nagtagal maaaring sintomas na ito na mas malubhang mga impeksyon na dapat mong matukoy. Kaya naman ipinapayo ang pagpapakonsulta sa doktor para malaman ang gamot na maaari mong inumin upang mapahupa ang iyong lagnat.
Narito ang ilan pa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng lagnat ang buntis:
- Food poisoning na dala ng mga bakterya at virus
- Impeksyon
- Influenza
- Pneumonia
- Tonsillitis
- Viral Gastroenteritis (stomach virus)
- Kidney infection
Huwag mo ring kakalimutan na kung ang isang tao ay may impeksyon at sakit nagiging active ang kanilang hypothalamus. Kung saan sadyang pinapataas nito ang init ng temperatura ng katawan ng isang indibidwal para maipakita na may problema sa sistema.
Bakit mahalaga ang pagpapakonsulta sa doktor kapag nilalagnat ang buntis?
Kagaya ng nabanggit mahalaga ang konsultasyon sa doktor para malaman ang mga gamot na pwedeng inumin na hindi makakasama sa’yong baby na dinadala. At bukod sa dahilan na ito, narito pa ang mga sumusunod na rason bakit mahalaga ang pagpapakonsulta sa eksperto:
- Para malaman ang pinakaugat ng lagnat ng buntis
- Pagtukoy sa anumang impeksyon na pwedeng taglayin ng isang buntis na delikado para sa batang dinadala
Kapag nilalagnat din ang isang buntis, mainam na obserbahan mo rin ang iba pang mga sintomas na kasama nito upang maipaalam sa doktor:
- Hirap o hindi makahinga
- Sumasakit ang likod
- May pananakit ng leeg
- Kinokombulsiyon
- Abdominal pain
Ano ang dapat gawin sa lagnat ng buntis?
Hindi dapat uminom basta-basta ng gamot sa oras na makita na nilalagnat o trangkaso ang isang buntis, dahil baka makasama ito sa batang dinadala. Maaari kasi na maging sanhi ito ng pagkakaroon ng depekto ng sanggol na pinagbubuntis, o mauwi sa miscarriage. Kaya naman ipinapayo na huwag magsagawa ng self medicate at magpakonsulta na lamang sa doktor para sa wastong payo, diagnosis, at treatment.
Narito pa ang ilang mga hakbang na pwedeng gawin sa pagpapahupa ng lagnat ng buntis:
- Pag-inom ng sapat na tubig
- Magpahinga sa pamamagitan ng paghiga o pagpwesto sa komportableng posisyon
- Pagmumumog ng tubig na may kaunting asin dahil nagtataglay ng anti-inflammatory ingredient ang asin para sa lagnat
- Maglagay ng basang bimpo sa noo, at punasan ang leeg, mga braso, singit, at kilikili
- Pagsusuot ng presko at komportableng damit ng mga buntis
Huwag mo ring kakalimutan na doktor lamang ang maaaring makapagsabi ng angkop na gamot para sa’yong kasalukuyang sitwasyon. Kapag ang ugat ng lagnat ng buntis ay viral, kadalasan na kailangan lamang ng hydration ng isang buntis.
Tandaan rin na sa pagpapakonsulta sa doktor maaaring isagawa sa buntis ang mga sumusunod:
- Blood test
- Urine test
Ginagawa ang mga pagsusuri na ito para malaman kung may komplikasyon o impeksyon ang isang buntis.
Paano nagiging delekado sa sanggol na pinagbubuntis ang lagnat ng ina?
Sa oras na naging mas mataas pa sa 38.8 degrees C ang lagnat ng isang buntis, at hindi ito bumababa kahit nasa ikatlong araw na ang lagnat, maaaring may impeksyon na nilalabanan ang katawan ng isang tao. Kaugnay nito, ang mataas na lagnat ng isang ina ay mapanganib para sa central nervous system ng bata, lalo na para sa unang 6 na linggong pagbubuntis ng isang babae.
Dagdag pa rito, kapag may pagsusuka at diarrhea na kasama ang lagnat ng isang buntis may tendency na ma-dehydreate siya at magkaroon ng contractions, at preterm labor.
Ano ang dapat gawin para makaiwas sa lagnat ang buntis?
Narito ang ilang tips para maiwasan ang lagnat para sa mga buntis:
- Kumain ng mga masustansyang pagkain
- Uminom ng angkop na dami ng tubig
- Paghuhugas ng kamay upang hindi mahawa ng lagnat, sipon, at ubo
- Pag-iwas sa pakikipagsalamuha sa mga taong may sakit
- Pagsusuot ng face mask sa mga matataong lugar
- Pagpapakonsulta sa doktor para malaman ang wastong mga bakuna para sa buntis, vitamins, at gamot
Key Takeaways
[embed-health-tool-due-date]