Alam mo ba na ang astigmatism ay napakakaraniwang kondisyon sa mata? Ayon sa mga ulat isa sa tatlong tao ang maaaring may ilang antas ng astigmatism. Dahil dito, posibleng mayroon ka rin nito, at hindi mo lang alam. Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang tungkol sa mga senyales ng astigmatism at paraan ng paggamot.
Ano ang Astigmatism?
Ang astigmatism ay isang uri ng refractive error, ang pinakakaraniwang uri ng problema sa paningin.
Kapag may refractive error ka, ibig sabihin, nahihirapan kang makakita nang malinaw dahil ang liwanag ay hindi naka-focus nang tama sa retina. Ang nearsightedness at farsightedness ay mga halimbawa rin ng refractive errors.
Sa kaso ng astigmatism, may isyu sa curvature ng cornea (transparent na ibabaw ng mata) o ng lens.
Tingnan ang mga mata bilang bola ng basketball. Kapag may astigmatism ka, ang hugis ng cornea o lens (o pareho) ay tulad ng itlog o bola ng football. Dahil sa hindi tipikal na kurbadang ito, ang liwanag ay hindi pantay na naikakalat. Nagiging sanhi ito ng malabong paningin sa lahat ng distansya.
Ano ang mga Senyales ng Astigmatism?
Ngayon na mas alam mo na kung anong nangyayari kapag may refractive errors, talakayin natin ang astigmatism.
Malamang na may astigmatism ka kapag nakararanas ka ng mga sumusunod na senyales at sintomas:
Kung may astigmatism ka, maaari kang magkaroon ng malabong paningin. Nangyayari ang paglabo ng paningin na ito sa lahat ng distansya. Ngunit pwedeng mag-iba depende sa direksyon ng bagay.
Halimbawa, ang mga pahalang na linya ay maaaring mas malinaw ngunit ang mga patayong linya ay tila wala sa pokus.
-
Eye strain at Pananakit ng Ulo
Maaaring mahirap na iugnay kaagad sa astigmatism ang eye strain at pananakit ng ulo. Kung tutuusin, karaniwan ang pananakit ng ulo at ang eye strain ay maaaring mangyari dahil sa sobrang gamit ng iyong mga mata.
-
Pag-squint Para Makita nang Malinaw ang mga Bagay
Isa sa mga senyales ng astigmatism ay ang pag-squint ng mata upang makita nang malinaw ang mga bagay. Dahil hindi ka aware dito, maging mas maingat sa paraan ng pagtingin mo sa mga bagay.
Mahalaga: Ang ganitong mga senyales at sintomas ay hindi awtomatikong nagsasabi na may astigmatism ka. Kailangan mong bumisita sa isang ophthalmologist para sa tamang pagsusuri.
Mga Dapat Malaman Sa Pagbisita Sa Doktor
Maaaring napansin mo na ikaw ay may senyales ng astigmatism at nagpasya kang bumisita sa isang ophthalmologist. Ano ang dapat malaman?
Una, asahan ang isang tipikal na visual acuity test. Hihilingin sa iyo na tingnan ang mga numero,letra,at mga bagay sa mga partikular na distansya. Pagkatapos, maaaring hilingin ng doktor na sumailalim ka sa ilan pang mga test at gamitin ang ilan pang mga instrumento. Kabilang sa mga ito ang:
- Keratometer upang matukoy ang hugis (curvature) ng iyong cornea
- Corneal topography, na gumagawa ng contour map ng cornea — kapaki-pakinabang ito para sa mga contact lens
- Phoropter, na gumagamit ng serye ng mga lente upang suriin kung alin ang nagbibigay ng pinakamalinaw na paningin
Sa mga test na ito, “masusukat” ng doktor ang astigmatism mo at makakapag-prescribe ng corrective eyeglasses o contact lenses. Syempre, ang surgery, tulad ng LASIK, ay pwede ring irekomenda.
Senyales ng Astigmatism: Ano ang Magagawa Mo Sa Ngayon
Dapat kang bumisita sa isang ophthalmologist kung mayroon kang mga senyales ng astigmatism. Pansamantala, narito ang ilang tip sa pangangalaga sa bahay para sa iyo:
- Siguruhing maliwanag ang lugar kung saan ka nagbabasa.
- Kapag nagbabasa gamit ang digital devices, i-adjust ang font size para ito ay mas malaki.
- Magkaroon ng madalas na breaks. Tandaan ang 20-20-20 rule. Tuwing 20 minuto, tumitig sa isang bagay na 20 feet ang layo sa loob ng 20 segundo.
- Iwasan ang glare o nakasisilaw ng liwanag.
Panghuli, makakatulong na maging mas maingat sa iyong paningin. Suriin kung may mga pagbabago sa iyong paningin o kung bumubuti o lumalala ito sa paglipas ng panahon.
Key Takeaways
Ang mga senyales ng astigmatism ay panlalabo ng paningin, pananakit ng mata, pananakit ng ulo, at pag-squint para makakita ng malinaw. Para sa diagnosis at paggamot, komunsulta sa isang ophthalmologist. Maaari siyang magrekomenda ng corrective eye glasses, contact lens, o operasyon.
Matuto pa tungkol sa Eye Health dito.
[embed-health-tool-bmi]