backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Epektibo Ba ang mga Salamin Para sa Radiation? Alamin Dito!

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD · General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Fiel Tugade · a

    Epektibo Ba ang mga Salamin Para sa Radiation? Alamin Dito!

    Kung nagpaplano kang kumuha ng isang pares ng salamin para sa radiation upang maprotektahan ang iyong mga mata mula sa blue light, basahin ito. Sa artikulong ito, sasagutin natin ang tanong na ito: Mabisa ba ang paggamit ng anti-radiation glasses?

    Blue Light at Computer Radiation, Isang Paliwanag

    Habang ang blue light ay isang termino na bahagyang bago, ang computer radiation ay hindi. Sa katunayan, ang isyu tungkol dito ang nagbigay inspirasyon sa maraming mga mananaliksik upang malaman kung gaano karaming radiation ang nagmumula sa ating mga screen. Ano nga ba ang computer radiation, at paano ito naiiba sa blue light?

    Ang radiation ay isang anyo ng enerhiya na nagmumula sa parehong visible at invisible light. Ang visible light ay tumutukoy sa mga kulay tulad ng pula, kahel, dilaw, berde, at asul. Tandaan na ang mas maiinit na kulay, tulad ng pulang ilaw, ay may mas mababang enerhiya, habang ang mas malalamig na kulay, gaya ng asul na ilaw, ay may mas maraming radiation.

    At pagkatapos, siyempre, mayroong tinatawag na invisible light, na binubuo ng mga ultraviolet rays. Ang mga UV lights ay may pinakamataas na enerhiya o radiation at maaaring humantong sa mga panganib sa kalusugan, depende sa exposure. Kinabibilangan ito ng ilang mga sumusunod na kondisyon:

    • Sunburn
    • Skin cancer
    • Mga sakit sa mata 

    Eto ang ideya: ang blue light na ibinubuga ng mga digital screens ay ang pinakamalapit sa mga UV rays. Nangangahulugan ito na sa tabi ng UV rays, ang blue light ay gumagawa ng pinakamataas na radiation. Dahil dito, marami ang naniniwala na ang paggamit ng salamin para sa radiation  ay isang mabisang paraan para maprotektahan ang mata habang gumagamit ng gadgets. Ngunit epektibo ba ang mga salamin para sa radiation? Magbasa para malaman mo.

    salamin para sa radiation

    Kailangan Mo Bang Mangamba sa Computer Radiation at Blue Light?

    Ang mga device ay naglalabas ng radiation. Ngunit, hindi ito nagdadala ng sapat na enerhiya upang magdulot ng mga panganib sa kalusugan. Bukod dito, napagalaman sa mga pag-aaral na ang mga electronic gadgets ay hindi naglalabas ng mapanganib na ultraviolet rays.

    Ngunit, paano naman ang blue light?

    Ibinibigyang punto ng American Academy of Ophthalmology na walang katibayan na ang blue light mula sa mga digital na screen ay nagdudulot ng pinsala sa mata. Kung nakakaramdam ka ng ilang discomforts sa mata, tulad ng malabong paningin at pagod, pananakit ng mata, marahil ito ay dahil sa matagal na paggamit ng gadget. Sinasabi ng mga eksperto na kapag ginagamit natin ang ating mga screen, mas madalas tayong kumukurap. Ito ay maaaring humantong sa pagkapagod ng mata at pagkatuyo ng mga mata.

    Eto ang isang munting paalala: bagama’t walang siyentipikong ebidensya na ang blue light ay nakakasira sa mga mata, ipinakita ng mga pag-aaral na maaari itong makaapekto sa ating sleep-wake cycle. Sapat na para sabihin, kung gagamit ng mga gadget malapit sa oras ng  pagtulog, maaaring ito makapigil sa pagtulog.

    Sulit Ba ang mga Salamin Para sa Radiation?

    Gumagana umano ang mga salamin para sa radiation sa pamamagitan ng pagharang sa blue light na ibinubuga ng mga devices. Gayunpaman, dahil walang siyentipikong datos na nagpapaliwanag sa maaaring pinsala nito sa mata, iwiniwika ng The American Academy of Ophthalmology na hindi natin kailangan ang mga ito. Sa katunayan, hindi nila inirerekomenda ang anumang espesyal na salamin para sa radiation para sa mga taong gumagamit ng kompyuter.

    Higit pa rito, dahil ang mga salamin para sa radiation ay isang bagong uso, wala pang siyentipikong data tungkol sa mga ito. Ang kakulangan sa pag-aaral ay isang dahilan kung bakit maraming eksperto ang tutol sa paggamit ng anti-blue light glasses. Ayon sa kanila, hindi pa naman natutukoy kung ano ang mga potensyal na benepisyo at pinsala na maaaring idulot ng mga espesyal na salamin na ito sa nagsusuot.

    Epektibo Nga Ba ang mga Salamin Para sa Radiation? Ano ang Maaaring Gawin Upang Maprotektahan ang mga Mata?

    Dahil hindi pa rin natin alam kung ang paggamit ng salamin para sa radiation ay isang mabisang paraan para protektahan ang mga mata, iminumungkahi ng mga eksperto na manatili tayo sa mga natural na paraan upang mabawasan ang eyestrain. Maaari mong gawin ang mga sumusunod:

    Umupo nang maayos. Siguraduhin na ang iyong kompyuter ay nasa may kasinghaba ng iyong braso (25 pulgada) mula sa iyo. Iposisyon ang screen sa paraang nakatingin ka nang bahagya pababa.

    I-praktis ang 20-20-20 rule. Tuwing 20 minuto, ibaling ang iyong tingin sa isang lugar na 20 talampakan ang layo sa loob ng 20 segundo. Ito ay isang mahusay na pagsasanay upang i-relax ang mga mata.

    Gumamit ng eye drops. Kung nakakaranas ka ng mga tuyong mata, kausapin ang iyong doktor tungkol sa magandang eye drops na naglalaman ng artipisyal na luha.

    Gumamit ng screen filter. Maaari mong bawasan ang screen glare o harsh reflection sa pamamagitan ng paggamit ng matte screen filter. 

    I-adjust ang liwanag. Habang gumagamit ng mga electronic device, maaari mong bawasan ang pagkapagod ng mata sa pamamagitan ng pag-aayos ng liwanag sa iyong kuwarto para hindi maging nakasisilaw ang screen. Gayundin, maaari mong baguhin ang contrast sa iyong mga device.

    Key Takeaways

    Kung gayon, epektibo ba ang mga salamin para sa radiation? Wala pa tayong siyentipikong ebidensya na magpapatunay na mabisa ang mga salamin para sa radiation. Inirerekomenda ng mga eksperto na manatili tayo sa mga natural na gawi na nakababawas sa pagkapagod sa mata.

    Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan ng Mata dito

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Elfred Landas, MD

    General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


    Isinulat ni Fiel Tugade · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement