Ang breastfeeding ay isa sa pinakamahalagang gawain ng mga ina matapos nilang manganak. At kapag nagpapadede, ang iyong mga kinakain ay magsisilbing nutrisyon para kay baby. Siyempre, upang maging masustansiya ang iyong gatas, mahalagang kumain ng tama. Bukod sa mga pagkain na dapat mong iwasan, kailangan alam mo rin ang mga dapat kainin ng nagpapadede.
Kailangan ko ba ng karagdagang calories?
Pagdating sa mga dapat kainin ng nagpapadede, kailangan nilang magdagdag ng 450 hanggang 500 calories upang gumawa ng sapat na breast milk. Kaya mahalagang makuha ang calories na ito sa pagkain ng tama. Kapag umabot na sa 6 na buwan ang baby, maaari nang magbawas ng calories ang mga ina. Ito ay dahil sa solid food na nagbibigay ng karagdagang nutrisyon sa mga baby.
Ano ang mga dapat kainin ng nagpapadede?
Heto ang iyong magiging diet kapag nagpapadede:
- Kumain ng protein-rich foods tulad ng lean meat, manok, itlog, low-mercury seafood, at gatas.
- Magdagdag ng gulay sa iyong mga ulam.
- Kumain ng 2 serving ng prutas kada araw. Mainam ang abokado kapag nagpapadede dahil marami itong nutrisyon at healthy fats.
- Kumain ng whole-grain na tinapay, pasta, cereal, o kaya oatmeal araw-araw.
- Kung ikaw ay vegetarian, kumain ng mga gulay na nagbibigay ng nutrisyon na tulad ng sa karne. Kung ikaw naman ay vegan, uminom ng B12 supplements para hindi magkaroon ng B12 deficiency ang iyong baby.
- Ugaliing uminom ng tubig. Nakakauhaw ang pagpapadede, kaya’t mahalaga ang madalas na pag-inom ng tubig buong araw.
Nakakatikim rin ng iba’t-ibang mga flavors ang baby depende sa iyong kinakain. Kaya makatutulong ang pagkain ng masustansyang ulam upang masanay si baby sa iba’t ibang lasa ng pagkain.
Puwede ba akong uminom ng alcohol at caffeine habang nagpapadede?
Alcohol. Ang pag-inom ng alak ay hindi ipinagbabawal dahil hindi naman ito humahalo sa breastmilk. Pero mahalagang umiwas sa pag-pump o kaya pagpapadede 2-3 oras matapos mong uminom ng alak. Ibig sabihin, kung kailangan mo maglabas ng gatas sa loob ng 2-3 oras na ito, kailangan mo mag “pump and dump” (itapon ang breast milk).
Caffeine. Posibleng magkaroon ng kaunting caffeine ang iyong gatas, ngunit madalas ay hindi naman ito nakakaapekto sa mga baby. Ngunit kung napapansin mo na hindi nakakatulog si baby, posible na sensitibo sila sa caffeine. Kung kinakailangan mo talagang uminom ng kape, puwedeng sumubok ng mga decaffeinated na inumin upang masiguradong walang caffeine ang gatas na iniinom ni baby.
Posible bang magkaroon ng allergy dahil sa kinakain ko?
Posibleng magkaroon ng allergic reaction ang mga baby depende sa iyong mga kinakain. Mga bagay tulad ng gatas, isda at mga lamang dagat, mani, itlog, at wheat ay posibleng maging sanhi ng allergic reaction.
Kung nagkakaroon si baby ng mga pantal, rashes, o pagtatae, pati na rin kung inuubo, posibleng mayroon siyang allergy. Para malaman kung saan siya allergic, magtanggal ng mga pagkain sa iyong diet at obserbahan ang epekto kay baby. Mas mainam kung makausap mo ang kaniyang pediatrician para sa diagnosis.
Anong mga pagkain ang nagpaparami ng gatas?
Bukod sa masustansiyang pagkain, kailangan rin ng mga ina ng pagkain na makapagpaparami ng kanilang gatas. Ilan sa mga pagkaing ito ay:
Oatmeal
Ang oatmeal ay isa sa mga dapat kainin ng nagpapadede. Ang whole grain na ito ay mataas sa iron, na sinasabing nakakapagparami ng milk supply. Subukang kumain ng oatmeal tuwing umaga, o kaya naman ay kumain ng lactation oatmeal cookies sa meryenda.
Bawang
Maraming ina ang nagsasabi na nakatutulong raw ang bawang sa pagpaparami ng gatas. Bagama’t walang gaanong pag-aaral na sumusuporta dito, posible na ang amoy ng bawang ay nakakapagpagana kay baby upang dumede, na nakatutulong sa pagpaparami ng gatas.
Malunggay
Moringa or malunggay ay ang pinakakilalang pamparami ng gatas sa Pilipinas. Ang mga dahon nito ay tinatawag na galactagogues, o nakatutulong sa milk production. Madali rin itong ihalo sa iba’t-ibang mga pagkain. Bukod dito, nakakabili rin ng mga pagkain na may malunggay supplements sa mga supermarket.
Luya
Bukod sa napakaraming health benefits ng luya, mainam rin ito pagdating sa pagpaparami ng gatas. Ang pinakasimpleng paraan upang makuha ang benepisyo nito ay sa pag-inom ng salabat. Kung nais mong pasarapin, maari kang magdagdag ng honey at lemon o calamansi.
Green papaya
Papayang hilaw o green papaya ay isa ring galactagogue na nakatutulong magpataas ng oxytocin. Ang oxytocin ay isang hormone na nakakatulong sa pagpaparami ng gatas.
Fennel
Ang fennel ay mayroong phytoestrogens, na isang uri ng hormon na katulad ng estrogen. Nakatutulong ang hormone na ito sa paggawa ng breast milk.
Key Takeaways
Madalas na inaalala ng mga first-time moms kung ano ang kanilang kakainin. Bagama’t wala naman gaanong ipinagbabawal sa mga ina, mahalaga na siguraduhing masustansiya ang iyong mga kinakain. Tandaan, ang kinakain mo ay kinakain rin ng iyong baby.
Kung ikaw ay nahihirapan na magpadede, o kaya hindi sapat ang iyong supply, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa iyong doktor.
Alamin ang ibang kaalaman tungkol sa breastfeeding, dito.
[embed-health-tool-bmr]