Kahit pa gusto nating tuklasin ng ating mga anak ang iba’t ibang texture at lasa ng pagkain, mayroon pa ring mga alituntunin na dapat sundin. Halimbawa, may mga pagkaing bawal sa toddler dahil malaki ang posibilidad na mabulunan sila. Bukod dyan, dapat nating limitahan ang pagbibigay sa kanila ng mga pagkain. Maaari kasi itong magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan sa bandang huli ang labis-labis na pagkain. Mga magulang, mag-ingat sa paghahain ng mga sumusunod na pagkaing bawal sa toddler.
Mga pagkaing bawal sa toddler
Napakapsimple lang ng paraan ng pagpapakain ng iyong anak sa ganitong edad. Sa sandaling ihain mo sa kanila ang pagkain, ilalagay nila ito kaagad sa kanilang bibig. Hindi na nila tinitingnan kung malambot ba o naluto ba ito nang maayos. Nakatuon lamang sila sa lasa.
Dahil dito, hindi dapat kumain ang mga bata ng mga pagkaing maaari silang mabulunan. Kabilang dito ang:
- Marshmallow
- Piraso ng peanut butter
- Madudulas na pagkain tulad ng mga ubas, buong hotdog, at mga kendi
- Pagkaing mahirap nguyain tulad ng malalaking piraso ng karne, isda, at manok
- Maliliit at matitigas na pagkaing madaling ilagay sa bibig ngunit mahirap nguyain tulad ng popcorn, hilaw na carrot, at mga pasas. Durugin muna ang mani bago ihain sa kanila.
Iwasan ang pagbibigay sa kanila ng mga kendi sa ngayon, at palaging putulin o hiwain ang mga pagkain sa maliliit na piraso bago ito ihain sa kanila.
Mga pagkaing bawal sa toddler: Maaalat
Hindi dapat nakakakain ng higit sa 2 grams ng asin araw-araw ang mga batang nasa edad 1 hanggang 3 taon. Maaari itong makasama sa kanilang mga bato. At dahil ilang pagkain na ang likas na naglalaman ng asin, hindi na dapat kumakain ang mga bata ng mga pagkaing may added sodium.
Dahil dito, narito ang mga maaalat na pagkaing bawal sa toddler:
- Processed meat, kabilang ang mga sausage at bacon
- Mga pre-pack na pagkain
- Chips at crackers
- Ilang uri ng keso
At sa halip na lagyan ng asin ang kanilang pagkain, subukang gumamit ng herbs at mga pampalasa.
Mga pagkaing bawal sa toddler: Matatamis
Bukod sa epekto nito sa kanilang blood sugar level, maaari ding maging sanhi ng pagkabulok ng ngipin ang mga pagkaing mataas sa asukal. Bagamat puwede pa ring bigyan ng matamis ang iyong anak paminsan-minsan, siguraduhing limitado lang ang pagkain nila ng matatamis. Bukod pa rito, magbigay lang ng matatamis sa tamang oras ng pagkain at huwag itong gamitin bilang premyo kapalit ng mabuting asal.
Mga pagkaing mataas sa saturated fats
Hindi dapat kumain ng mga pagkaing mataas sa saturated fats ang mga bata. Maaari itong makaapekto sa kanilang cholesterol levels at maging dahilan kalaunan ng mga problema sa kalusugan ng kanilang puso.
Hangga’t maaari, limitahan ang pagkonsumo nila ng mga sumusunod na pagkain:
- Processed meat
- Matabang bahagi ng mga karne
- Mga pastry, tulad ng mga pie at croissant
- Ice cream
- Milkshake
- Butter at margarine
Ugaliing basahin ang mga label sa pagkain at suriin ang dami ng saturated fats sa produkto.
Para sa mapagkukunan ng healthy fats para sa iyong anak, subukan ang avocado, mga mani, at buto. Gayundin, tandaang maaari ding makaimpluwensiya sa kanilang fat intake ang paraan ng paghahanda sa pagkain at mantikang ginamit sa pagluluto.
Mga hilaw at hindi gaanong luto na itlog
Tandaan, iwasang bigyan ang iyong anak ng mga pagkaing may sangkap na hilaw na itlog gaya ng homemade mayonnaise at hilaw na cake batter. Lutuin ang mga itlog hanggang maging solid ang puti at pula ng itlog.
Ilang uri ng isda
Alam mo bang naglalaman ang ilang uri ng isda ng mataas na level ng mercury na maaaring makaapekto nang masama sa paglaki ng iyong anak? Halimbawa ng isda na maaaring may mataas na mercurial content ang swordfish at marlin. Alamin pa ang iba pang impormasyon tungkol sa low-mercury seafood dito sa Pilipinas.
Ilang uri ng keso
Maaaring magandang parte ng diet ng iyong anak ang keso dahil puno ito ng protein, calcium, at vitamins. Gayunpaman, maaaring magdulot ng listeria infection ang ilang uri ng keso. Lalo na ang mga mold-ripened at mga gawa sa unpasteurized milk. Maaari itong humantong sa pagsakit ng ulo, lagnat, kombulsyon, at stiff neck.
Sa kadahilanang ito, kabilang sa mga pagkaing bawal sa toddler ang mga pagkaing tulad ng brie at camembert. Sa kabilang banda, karaniwang pinahihintulutan ang cottage cheese, cheddar cheese, at cream cheese.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa Nutrisyon ng Bata dito.