Hindi na maitatanggi ang mabilis na paglaki ng iyong anak. At habang lumalaki, mas nangangailangan na siya ng higit na sustansya at nutrisyon sa katawan upang patuloy na lumaki nang malusog at malakas. Ngayong unti-unti na siyang nangingilala at nagsisimulang kumain ng mga solidong pagkain, alamin kung ano-ano ang mga pagkain para sa 1 year old baby na maaari mong ihanda para sa iyong lumalaking anak.
Ayon sa American Academy of Pediatrics, ang mga batang may edad na 12 buwang gulang ay nangangailangan ng mga sumusunod na nutrisyon sa pangaraw-araw:
Kung kaya, nararapat na maghanda ng iba’t ibang mga pagkain para sa 1 year old baby upang matamo ang mga karampatang nutrisyon.
Ano-ano ang mga Pagkain Para sa 1 Year Old Baby?
Ang iyong isang taong gulang na anak ay maaari nang kumain ng mga pagkaing inihahanda rin para sa buong pamilya. Mahalagang pakainin ang iyong anak ng iba’t ibang uri ng masustansyang pagkain sa tamang oras. Narito ang mga pagkain para sa 1 year old baby na maaari mong idagdag sa iyong meal planning:
Mga Malalambot na Gulay at Prutas
Hindi mawawala sa listahan ng mga pagkain para sa 1 year old baby ang gulay at prutas dahil sa taglay nitong iba’t ibang mga nutrisyon. Ngunit, dahil nagsisimula pa lang sila magkaroon ng mga ngipin at matutong humawak ng kanilang sariling pagkain, mainam na hatiin, i-mash, i-steam, o gawing finger food ang mga gulay at prutas para makain ito ng anak mo.
Mag-alok ng iba’t ibang klase ng mga gulay, kabilang ang mga may mapait na lasa. Ilan sa maaari mong ibigay ay ang mga sumusunod:
- Asparagus
- Broccoli
- Cauliflower
- Pechay
- Repolyo
- Kale
- Spinach
- Iba’t ibang kulay ng bell pepper (red, yellow, green)
- Karot
- Kalabasa
- Pea
- Green beans
- Courgette
- Parsnip
Ilan naman sa mga prutas na maaari mong ipakain sa kanya ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Saging
- Dalandan
- Ponkan
- Mansanas
- Mangga
- Kiwi
- Iba’t ibang klase ng berries (blueberries, rasperries, strawberries)
- Peras
- Pinya
- Melon
- Papaya
- Peach
- Plum
- Avocado
Siguraduhin lang na wala nang balat ang mga ito bago iabot sa kanya upang makain nang maayos. Maaaring ibigay ito sa kanila bilang meryenda o kung hindi naman, panghimagas matapos kumain ng meal na iyong inihanda.
Mga Starchy Foods
Bukod sa mga kilalang prutas at gulay, kabilang din sa mga pagkain para sa 1 year old baby ang mga starchy food.
Isa ang oatmeal sa madalas na unang inaalok ng mga magulang sa kanilang mga anak dahil ito ay malambot at madaling lunukin ng bata. Bukod pa rito, ito rin ay mayroong kaakibat na kahanga-hangang nutritional profile na puno ng mga sumusunod na nutrisyon:
- Carbohydrates
- Proteins
- Fiber
- Vitamins
- Minerals
- Healthy fats
Napakahalaga ng mga healthy fats para sa normal na paglaki at pag-unlad sa yugtong ito ng kanilang buhay.
Maaari ka ring maghanda ng kanin, tinapay, pasta, lugaw, patatas, o kamote upang magkaroon ng iba’t ibang klase ng starchy food sa kanyang diyeta.
Mga Pagkaing Mayaman sa Protina
Dahil patuloy ang paglaki ng iyong anak, nangangailangan na siya ng mas maraming protina sa katawan. Kabilang sa kategoryang ito ang mga pagkaing katulad ng manok, baka, baboy, isda, tokwa, maging ang ilang mga lentils.
Ang tokwa ay magandang pinagmumulan ng iron, calcium, at protina. Bukod pa rito, ang mga itlog naman, mapa-scrambled, sunny-side up, hard- o soft-cooked, ay mainam para sa kalusugan ng mata at brain development. Taglay ng mga ito ang iba pang nutrients at healthy fats na makatutulong sa pangaraw-araw. Kung kaya, ito ay madalas na inihahahain sa hapag-kainan.
Bukod sa mga pagkaing sagana sa protina, maaari mo ring dagdagan ng gatas at yogurt ang kanyang pagkain.
Ang mga toddlers ay mayroon lamang maliit na tiyan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan mong maghain ng masusustansyang mga pagkain para sa 1 year old baby. Iwasan ang mga matatamis na pagkain. Gayundin, mainam na iwasan din siyang bigyan ng mga inuming may asukal, gaya ng soda, juice, at sports drink.
Mahalagang Mensahe
Ang toddler years ay puno ng paggalugad at pagtuklas ng iyong anak. Ang pinakamagandang bagay na maaari mong gawin ay mag-alok sa iyong sanggol ng iba’t ibang pagkain mula sa bawat pangkat ng pagkain na may iba’t ibang panlasa, texture, at kulay.
Mahalaga ang paggawa ng angkop na mga pagpili ng pagkain para sa iyong anak. Ito ay marahil mas maraming paglaki ang nangyayari sa unang taon kaysa sa anumang oras sa buhay ng iyong anak.
Ang pagsisimula ng magagandang gawi sa pagkain sa maagang yugtong ito ay makatutulong sa pagtatakda ng maayos at wastong eating habits habang siya ay patuloy na lumalaki.
Alamin ang iba pa tungkol sa Nutrisyon ng Toddler dito.