backup og meta

Malnourished Na Bata: Mga Dapat Tandaan Ng Mga Magulang

Malnourished Na Bata: Mga Dapat Tandaan Ng Mga Magulang

Maaaring magresulta sa magkakaibang usaping pangkalusugan ang malnourished na bata, gaya ng pagkaantala sa kanilang growth at development, at mas madali na rin silang kakapitan ng mga impeksyon. Anong mga senyales ang dapat mong bantayan upang malaman kung malnourished ang bata? At ano ang magagawa mo upang maiwasan ang mga epekto ng malnutrisyon?

Ano Ang Malnutrisyon?

Bago natin talakayin ang mga senyales ng malnourished na bata, linawin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng malnutrisyon.

Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi lamang tumutukoy ang malnutrisyon sa kakulangan sa nutrisyon, sakop din nito ang sobra at hindi balanseng nutrisyon. Narito ang 3 malawak na pangkat ng malnutrisyon:

  • Undernutrition: Kabilang dito ang kulang sa timbang, wasting (low weight-for-height) at stunting (low weight-for-age).
  • Micronutrient at macronutrient deficiencies at excess
  • Sobrang timbang at obesity, at maging ang diet-related non-communicable diseases gaya ng diabetes

Ang bottom line, ang malnutrisyon ay hindi lamang tumutukoy sa kakulangan sa timbang o sa pagiging maliit ng mga bata. Kung mas mabigat ang timbang ng iyong preschooler sa normal, at kung nakararanas siya ng mga senyales ng isang micronutrient deficiency, maaari ding malnourished siya.

Malnourished Na Bata: Mga Senyales Na Dapat Bantayan

Narito ang mga senyales ng malnourished na bata na dapat bantayan ng mga magulang:

Pagbaba Ng Timbang

Isang karaniwang senyales ng malnutrisyon ay ang hindi sinasadyang pagbaba ng timbang, na kadalasang nasa 10% ng kanilang timbang.

Ang pinakamainam na paraan upang mabantayan kung nababawasan ba ng timbang ang iyong anak ay sa pamamagitan ng pagkuha ng kanyang timbang at pagtatala nito buwan-buwan sa kanyang height-for-weight growth chart. Bukod pa dyan, tingnan kung lumuluwag ang kanyang mga damit, gaya ng kung kailangan na nyang gumamit ng sinturon kahit hindi naman ito kailangan dati.

Ang pagbaba ng percentile sa weight-for-height sa kanyang growth chart ay kadalasang nangangahulugang nakararanas ang iyong anak ng acute malnutrition o low body mass index (BMI). Kadalasan itong nangyayari kapag hindi kumokonsumo ng sapat na dami ng masusustansyang pagkain o kung nagkasakit o impeksyon.

[embed-health-tool-bmi]

Sobrang Pagbigat Ng Timbang

Kung ang timbang ng iyong anak ay higit pa sa inaasahang timbang na akma sa kanyang tangkad o edad, maaari din itong isang kaso ng malnutrition.

Nangyayari ang ilang kaso ng overweight at obesity dahil ang bata ay sobra palagi kung kumain, at/o hindi nag-eehersisyo nang sapat. Pwedeng magtakda ng mealtime schedule upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkain, iwasan ang high-calorie diet, sugary foods at sweets, at pagkonsumo ng fatty foods, at tulungan silang mag-ehersisyo sa pamamagitan ng masasayang physical activities.

Stunting

Ang stunting, na kilala rin bilang pagbaba ng percentile sa height-for-age, ay pwedeng mangyari dahil sa pangmatagalan o paulit-ulit na undernutrition.

Maaaring maging mahirap tukuyin ang stunting maliban kung regular mong minomonitor ang height ng iyong anak. Kung napapansin mong bumabagal ang paglaki ng iyong anak, dalhin siya sa doktor para sa kumpirmasyon.

Kakulangan Sa Lakas

Isa sa mga senyales ng malnourished na bata ay ang mababang level ng energy. Karaniwang nakikita ito kapag mas madaling mapagod ang iyong anak kumpara sa ibang mga bata, o kung hindi siya gaanong naglalaro o gumagalaw kumpara sa kadalasan.

Madaling mapansin ang kakulangan ng lakas sa mga bata dahil natural silang mausisa at mahilig maglaro.

Iba Pang Senyales Ng Malnourished Na Bata

Bukod sa pagbaba ng timbang, sobrang pagbigat ng timbang, stunting, at mababang level ng energy, ang mga sumusunod ay maaari ding indikasyon ng malnourished na bata:

  • Walang ganang kumain
  • Panghihina at kapaguran
  • Madalas na pagkakasakit at matagal bago gumaling
  • Mga sugat na matagal maghilom
  • Hindi makapag-concentrate
  • Nilalamig
  • Maputlang balat
  • Madaling magkapasa
  • Pananakit ng kasukasuan
  • Pagnipis ng buhok
  • Pagdurugo ng gilagid
  • Night blindness (hindi makakita nang maayos sa gabi o sa madilim)
  • Mabagal na intellectual o behavioral development at poor academic performance
  • Malambot na mga buto
  • Edema o fluid retention (halimbawa nito ang edema sa mga kamay o paa, pot belly)
  • Old man facies
  • Fluid at electrolyte imbalances
  • Poor skin turgor
  • Pagkawala ng taba at skeletal muscle
  • Sunken eyes
  • Oral ulcers

Pakitandaan na ang ilang binanggit sa itaas na mga sintomas ay pwedeng tumukoy sa kakulangan ng partikular na micronutrient.

Halimbawa, ang pagdurugo ng gilagid ay maaaring indikasyon na kailangan ng iyong anak ng dagdag na vitamin C o K; ang maputlang balat ay maaaring dulot ng iron-deficiency anemia, at ang malambot na mga buto ay maaaring dahil sa kakulangan sa calcium.

Kailan Hihingi Ng Tulong Medikal

Kung may napansin ka sa alinmang senyales at sintomas na nabanggit sa itaas, agad na kausapin ang doktor ng iyong anak.

Gawin din ito kapag nag-aalala ka sa anumang aspekto ng growth at development ng iyong anak.

Key Takeaways

Ang malnutrisyon ay pangkalahatang salitang tumutukoy sa kakulangan, sobra, o hindi balanseng pagkonsumo ng nutrisyon ng isang tao.

Hindi lamang sa pagiging payat at pagkakaroon ng mababang timbang ang mga senyales ng malnourished na bata. Ang batang sobra ang timbang o obese ay pwede ring maikunsidera bilang malnourished na bata.

Sa ilang mga sitwasyon, ang mga batang may healthy weight ay nakararanas din ng malnutrition kung mayroon silang micronutrient deficiencies.

Upang maiwasan ang malnutrisyon, kailangang magkaroon ang bata ng masustansya at balanseng pagkain, at moderate physical activity. At huwag ding kalimutan na mahalaga ang regular na pagpapatingin sa pediatrician.

Matuto pa tungkol sa Nutrition ng Toddler at Preschooler dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Causes, sign and symptoms of malnutrition among the children, https://www.alliedacademies.org/articles/causes-sign-and-symptoms-of-malnutrition-among-the-children-7763.html, Accessed January 4, 2021

Symptoms – Malnutrition, https://www.nhs.uk/conditions/malnutrition/symptoms/, Accessed January 4, 2021

Malnutrition, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/malnutrition, Accessed January 4, 2021

Malnutrition, https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/malnutrition, Accessed January 4, 2021

Malnutrition, https://medlineplus.gov/ency/article/000404.htm, Accessed January 4, 2021

Kasalukuyang Version

03/28/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Ruben Macapinlac, MD, DPPS

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Anu-Ano Ang Kinakailangan Na Nutrisyon Ng Lumalaking Sanggol?

Tatlong Pangkat Ng Pagkain: Alamin Dito Ang Wastong Nutrisyon


Narebyung medikal ni

Ruben Macapinlac, MD, DPPS

Pediatrics · Philippine Pediatric Society


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement