Habang patuloy na lumalaki ang mga anak, dapat lalo pang magkaroon ng kamalayan ang magulang sa kung paano suportahan ang bata. Partikular sa kanilang development at pagkamulat nila sa mundo, dahil lahat sila ay inaasahan na daraan sa iba’t ibang yugto ng buhay bago makarating sa kanilang pagiging isang adult.
Maraming teorya ang nagbabahagi ng kahalagahan ng pagsuporta sa mga bata at maging sa proseso ng pag-unlad ng isang indibidwal. Kabilang sa mga ito ang “Erik Erikson stages of psychosocial development” na dapat mong malaman bilang isang magulang at tao.
[embed-health-tool-child-growth-chart]
Basahin at matuto pa sa artikulong ito.
Paano suportahan ang bata: Sino si Erik Erikson?
Si Erik Erikson (1902-1994) ay isang German psychoanalyst na nagpasimula ng mga teorya sa larangan ng sikolohiya. Binago niya at pinalawak ang Freudian theory sa pamamagitan ng higit na pagtutok sa impluwensya ng lipunan sa personality development ng isang tao.
Ang Erik Erikson stages of psychosocial development ay sumasaklaw sa 8 yugto sa haba ng buhay ng isang indibidwal at teoryang ito itinuro niya na ang ego identity ng isang tao ay unti-unting nakukuha dahil sa pagharap sa iba’t ibang layunin at hamon habang nasa developmental period.
Ayon pa sa kanya ang challenges ay hindi dapat ituring bilang catastrophic events. Sa halip, markahan ito bilang punto ng kahinaan na dapat palakasin para mas magtagumpay sa pagresolba ng krisis sa buhay at magkaroon ng malusog na pag-unlad at pag tanda.
Narito ang Erik Erikson stages of psychosocial development na dapat mong malaman:
- Basic Trust vs. Mistrust (sa infancy)
- Autonomy vs. Shame/Doubt (sa toddler)
- Initiative vs. Guilt (sa edad ng preschool)
- Industry vs. Inferiority (sa school-age)
- Identity vs. Identity Confusion (sa adolescence)
- Intimacy vs. Isolation (sa young adulthood)
- Generativity vs. Stagnation (sa middle age)
- Integridad vs. Kawalan ng pag-asa (sa huling bahagi ng pagtanda)
Paano suportahan ang bata: Erik Erikson Stages of Psychosocial Development
Ang mga yugto ay tinalakay nang detalyado para bigyan ka at ang mga magulang ng isang mas mahusay na larawan kung ano ang nangyayari sa bawat yugto ng buhay ng isang tao.
Trust vs. Mistrust
Sa unang yugto ng Erik Erikson, ito ang panahon na dapat makakabuo ang infant ng isang mapagmahal at mapagkakatiwalaang relasyon sa mga tagapag-alaga at kanilang mga magulang. Kapag hindi na-secure ang ganitong uri ng relasyon, magkakaroon sila o madedevelop ang kawalan ng tiwala sa mga taong nasa paligid nila.
Bilang isang magulang, dapat mong mabigyan ang iyong anak ng sense of familiarity, consistency, at continuity. Dahil makakatulong ito sa pagpapahintulot sa’yong anak na magkaroon ng impresyon sa kanilang paligid at makabuo ng koneksyon sa ibang tao na nagtatatag ng pundasyon para sa isang lifelong expectation.
Autonomy vs. Shame/Doubt
Ang ikalawang yugto ng pag-unlad na ito ay nagaganap sa huling bahagi ng pagkabata at sa mga unang taon ng sanggol (1-3 taong gulang). Sa yugtong ito, ang mga bata ay nagsisimulang maisip na ang kanilang pag-uugali ang nagiging pundasyon para pagkatiwalaan sila ng kanilang mga tagapag-alaga.
Ito rin ang panahon kung saan iginigiit nila ang kanilang kalayaan sa ibang tao at alam na nila kung paano magkaroon ng sariling determinasyon. Gayunpaman, hindi maitatanggi na maliliit pa ang ating babies kaya mahirap para sa ilang magulang na pigilan sila sa gusto nilang gawin.
Dagdag pa rito, ang pagpaparusa sa’ting mga anak ay pwedeng maging dahilan ng pagdevelop ng kanilang pakiramdam ng kahihiyan at pagdududa kaya dapat maging maingat ka sa pagdidisiplina at pagpigil sa kanilang maling mga kilos at gawi.
Ang pagpayag sa’yong anak na i-explore ang kanilang sariling kapaligiran ay pwedeng makatulong sa pagbuo ng awtonomiya. Ngunit, hindi ka dapat laging umoo lamang, dapat pag-isipan mong mabuti kung makakabuti ba sa’yong anak ang mga kalayaan ibinibigay mo sa kanya. Kinakailangan na magkaroon ka ng balanseng paraan ng pagtuturo sa’yong anak sa mga hindi at dapat gawin bilang isang tao. Sapagkat kailangan nilang matutunan kung paano ang self-control at pagpapahalaga sa sarili.
Initiative vs. Guilt
Hindi magtatagal papasok din ang iyong anak sa mas malaking mundo kung saan magsisimula sila sa pagiging preschooler. Maaaring makakakuha ng iba’t ibang pag-uugali ang iyong anak sa paaralan gaya ng pagiging aktibo, purposeful, at responsable. Subalit, pwede ring maging iresponsable ang anak at makaramdam ng labis na pagkabalisa tungkol sa iba’t ibang bagay.
I-encourage sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong sumubok ng mga bagong ideya at dapat mong tanggapin ang mundo ng pantasiya na nilikha ng iyong anak habang hinihikayat ang curiosity at imahinasyon nila na gumana.
Tandaan mo rin na ang preschool years ay masasayang panahon at oras ng pagpapalawak ng kanilang mundo kaya hindi dapat maging sobrang higpit sa kanilang pag-aaral.
Industry vs. Inferiority
Pagkatapos ng preschool years, ang iyong anak ay magtutungo sa elementary school kung saan ito ang yugto na kakailanganin ng bata na dalhin ang kanilang mga pagsisikap sa buhay. Dito na rin magsisimula ang pagkakaroon nila ng atensyon sa pag-master ng mga pangunahing kaalaman at intelektwal na kasanayan.
Tandaan na sa kung sa yugtong ito ay hindi nakakasabay nang maayos ang iyong anak, maaari silang makaramdam ng kababaan ng loob at maisip nila na may kakulangan sa kanilang kakayahan. Kung saan, ito ang dahilan nila para maging mahina ang kanilang productivity sa paaralan at sa buhay.
Identity vs. Identity Confusion
Sa Erik Erikson stages of development, ang ikalimang yugtong ang pinakamahalagang punto dahil nasa yugtong ito kung kailan natututo ang isang bata na tuklasin kung sino sila — at kung ano ang gusto nila sa adolescent years.
Pwedeng humantong sa positibong pagkakakilanlan at healthy way na pag-navigate sa buhay ang pagpapahintulot sa kabataan na galugarin o i-explore ang mga tungkulin at pagkakakilanlan nila. Ngunit kung magiging mali ang pag-unlad nila sa yugtong ito, pwedeng mangingibabaw ang pagkalito ng iyong anak sa kanilang sariling pagkakakilanlan.
Intimacy vs. Isolation
Ang young adult ay nahaharap sa mga hamon ng pagbuo at pagpapanatili ng intimate relationships. Kung saan ang yugtong ito ay tungkol sa pagbuo ng mga relasyon sa mga kaibigan, kaklase, o tagapayo.
Sa yugtong ito pwede ring maganap ang paghihiwalay at pagtatapos ng mga relasyon sa bawat taong nakakasalamuha at nakakasama sa buhay.
Generativity vs. Stagnation
Ang ikapitong yugto ng Erikson’s developmental ay nagaganap sa middle adulthood. Kung saan tinukoy ni Erikson na ang generativity bilang isang “primary concern” sa pag-assist ng younger generation sa kanilang development at buhay.
Samantala ang stagnation naman ay ang pakiramdam ng walang nagawang tulong sa susunod na henerasyon.
Integridad vs. Kawalan ng pag-asa
Maaaring maranasan ng tao sa kanilang huling gulang ang ikawalo at huling yugto ng psychosocial development ni Erik Erikson. Dito pwedeng magsisimula ang magmuni-muni mo sa kung paano nangyari o natapos ang mga bagay sa iyong buhay.
Kung sa iyong pag aaral at balik tanaw ng buhay, ay ini-acknowledge mo ang isang fulfilling life sinasabi na pwede kang magkaroon ng sense of integrity mula dito. Gayunpaman, ang pagbabalik-tanaw ay madalas na nagbubunga ng pagdududa o kalungkutan at inilalarawan ito ni Erikson bilang kawalan ng pag-asa.
Key Takeways
Turuan ang iyong anak na may pasensya para maging balanse ang buhay at malampasan nila ang mga hamon sa buhay at makayanan ang bawat pagsubok.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.