Humigit-kumulang 208,000 na katao ang nasa edad 20 ang nagdurusa mula sa parehong kondisyon ng Type 1 at Type 2 Diabetes Mellitus. Kaya mahalaga na basahin ang artikulong ito upang matuto nang higit pa tungkol sa mga sintomas ng diabetes sa teenager, lalo’t isa ito sa mga napapanahong usapin tungkol sa kalusugan.
Sa katunayan, ang Type 1 DM ay mas karaniwan sa lower age group, habang ang pagkakaroon ng Type 2 DM sa range ng edad na nabanggit ay mabilis na tumataas bilang resulta ng obesity epidemic.
Ang diabetes mellitus ay isang metabolic disorder na nangyayari kapag ang mga lebel ng glucose sa daluyan ng dugo ay masyadong mataas. Nagaganap ito kung ang katawan ay hindi nakapagpoprodyus ng sapat na insulin o kung lumalaban ang katawan sa insulin. Ang insulin ay isang hormone na kinakailangan ng katawan upang mag-absorb ng glucose at gamitin ito para sa produksyon ng enerhiya. Kung saan ang insulin ay inilalabas ng pancreas ng isang indibidwal.
May tatlong pangunahing uri ng diabetes:
- Type 1 Diabetes Mellitus
- Type 2 Diabetes Mellitus
- Gestational Diabetes
Ang Type 1 Diabetes Mellitus, o T1DM, ay isang genetic, autoimmune na sakit kung saan ang pancreas ay hindi nakapagpoprodyus ng insulin na dapat gamitin ng katawan. Karaniwan itong nangyayari sa maagang yugto ng buhay, at ang mga kabataang may diabetes ay kadalasang may T1DM.
Gayunpaman, ang Type 2 Diabetes Mellitus, o Type 2 DM naman ay taliwas sa T1DM, dahil higit na nauugnay sa paraan ng pamumuhay ang Type 2 DM. Ang ganitong uri ng diabetes ay nangyayari kapag ang katawan ay may mataas na resistance sa insulin at hindi ito nagagamit nang maayos. Dagdag pa rito, ang Type 2 DM ay karaniwang nauugnay sa iba pang mga kondisyon tulad ng obesity at altapresyon.
[embed-health-tool-bmi]
Pag-Diagnose Ng Mga Sintomas Ng Diabetes Sa Teenager
Ang diagnosis ng mga sintomas ng diabetes sa teenager ay katulad ng sa mga nakatatanda at ang pamantayan para sa pag-diagnose ng diabetes sa teenagers ay ang mga sumusunod:
- Random na blood glucose na higit sa 200mg/dl, kasama ng mga klinikal na sintomas tulad ng pagtaas ng ganang kumain, pagdalas ng pagkauhaw, at pagdami ng inilalabas na ihi.
- Fasting blood glucose na higit sa o katumbas ng 126mg/dl
- HbA1c na mas mababa sa o katumbas ng 6.5%
Para masukat ang values na ito, ang mga doktor ay nagsasagawa ng blood test na makatutukoy sa dami ng glucose sa dugo.
Bagama’t walang tiyak na kagamitan na makatutukoy sa pagkakaiba ng Type 1 at Type 2 Diabetes Mellitus, may ilang laboratory tests na nakatutulong sa paghahanap ng markers ng T1DM, tulad ng c-peptide at autoantibodies.
Dagdag pa, ang mga partikular na klinikal na impormasyon tulad ng edad ng onset, mga mapapanganib na salik, at pagkakaroon ng magkakaugnay na autoimmune na mga sakit ay maaaring makatulong sa pagtukoy.
Bagama’t ang mga senyales at sintomas ng diabetes ay madalas na nakikita nang maaga, ang mga ito ay karaniwang banayad at samakatuwid ay hindi madaling mapansin. Dahil dito, maraming mga pasyente ang hindi agad kumokonsulta sa doktor.
Ang maagang interbensyon ay mahalaga upang mapigpigilan ang mga posibleng komplikasyon ng diabetes. Ito rin ang dahilan kung bakit mahalaga, lalo na para sa teenagers na bigyang-pansin ang mga pagbabago sa katawan.
Mga Sintomas Ng Diabetes Sa Teenager
Ang mga pinakakaraniwang sintomas ng diabetes sa teenager ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
Madalas Na Pag-Ihi
Dahil masyadong maraming asukal sa iyong daluyan ng dugo, susubukan ng kidneys na ilabas ang ilan sa mga ito sa pamamagitan ng ihi. Bilang resulta, magiging madalas ang pag-ihi.
Matinding Pagkauhaw
Ang madalas na pag-ihi ay magdudulot ng pakiramdam ng dehydration, kaya naman makararamdam ng labis na pagkauhaw.
Tuyong Balat At Mucous Membranes
Dahil sa dehydration, matutuyo rin ang balat at mucous membranes.
Pagtaas Ng Ganang Kumain
Dahil hindi nagagamit ng iyong katawan ang glucose para sa produksyon ng enerhiya, maaaring maramdaman ng katawan na hindi ito nakakukuha ng sapat na glucose. Maaari itong maging sanhi ng mas madalas na pagkagutom.
Pagbaba Ng Timbang
Ang pagbaba ng timbang ay maaari ding senyales na ang iyong katawan ay hindi nakakukuha ng enerhiya na kinakailangan nito.
Mabagal o Hindi Gumagaling Na Mga Sugat
Nakaaapekto ang diabetes sa sirkulasyon ng dugo, na mahalaga sa pagpapagaling ng sugat. Ang mga taong may diabetes ay madalas na makaranas ng mabagal na paggaling ng mga sugat.
Pamamanhid o Tingling Sensation
Ang diabetes ay maaari ring maging sanhi ng pagkasira ng mga ugat, lalo na sa mga paligid. Maraming mga pasyenteng may diabetes ang madalas na nakararanas ng pamamanhid o tingling sensation sa kanilang mga kamay at paa.
Yeast Infections
Ang yeast ay kumakain ng glucose. Bilang resulta, ang mga taong may diabetes ay kadalasang mas may tyansang magkaroon ng yeast infections.
Maaari ding magkaroon ng mga komplikasyon kapag ang diabetes ay hindi ginamot. Ang isang nakamamatay na komplikasyong nauugnay sa diabetes ay ang diabetic ketoacidosis o DKA, isang kondisyon kung saan ang ketones ay naipon sa daluyan ng dugo.
[embed-health-tool-bmr]
Key Takeaways
Ang teenagers na na-diagnose na may diabetes ay maaaring makaramdam ng iba’t ibang mga emosyon. Kabilang sa mga karaniwang reaksyon ay ang kalungkutan, takot, pagtanggi, at guilt. Ang teenagers na bago pa lamang na-diagnose na may diabetes ay nangangailangan ng emosyonal na suporta mula sa pamilya, mga kaibigan, at isang propesyonal na healthcare team upang matulungan silang iproseso ang kanilang kondisyon, na kanilang mararanasan habang buhay.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Adolescent dito.