Ang ilang magulang ay nababahala sa pagiging mahiyain na bata ng kanilang anak dahil sa pag-aakala na may social communication disorder sila. Pero dapat mong tandaan na para makasigurado ka sa mga ganitong bagay, mas mainam na ipakonsulta ang anak sa doktor upang magkaroon ng wastong diagnosis.
Hindi mo rin dapat husgahan na may disorder agad ang isang bata kung sobrang mahiyain nito. Ang bawat bata ay hindi pare-pareho ng pag-uugali at personalidad, isang katotohanan na dapat matanggap ng bawat magulang. Kaya naman maganda na malaman mo rin ang mga posibleng dahilan kung bakit nagiging mahiyain na bata ang isang indibidwal.
Basahin ang artikulong ito para malaman mo ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mahiyain na bata at ano nga ba ang social communication disorder.
Sa Anong Edad Pwede Makita Ang Pagiging Mahiyain Na Bata?
Lumalabas sa ilang mga pag-aaral na ang pag-uugali ng isang bata ay pwede nang makita sa 4 months na edad. At posibleng makita ito sa pamamagitan ng mga reaksyon nila sa mga pagbabago sa kanilang paligid at tao. Halimbawa, kung ang bata ay madalas na nagbibigay ng positibong reaksyon sa mga nakakatuwa at makukulay na bagay sa paligid, pwedeng maging pala-kaibigan ito. Pero kapag ang bata ay parang natakot, na-overwhelmed, at nabigla sa mga bagay na ito, maaaring maging mahiyain sila na bata.
Bakit Nagiging Mahiyain Ang Isang Bata?
Ang pagkakaroon ng mga bata ng likas na pag-uugali ay pwede nilang madala sa kanilang pagtanda. Kaya naman kung napansin mo na sa murang edad pa lamang ay mahiyain na talaga ang iyong anak, may tendency na madala niya ito hanggang sa kanyang paglaki. Maaaring maging takot sila sa pakikipaghalubilo sa mga tao, sanhi para maapektuhan ang kanilang development sa pagkakaroon ng social circles.
Pero huwag kang masyadong mabahala tungkol sa bagay na ito. Ang pagiging mahiyain ng isang bata ay maaaring mabago at hindi ito palaging masama. Subalit dapat mo pa ring tandaan ang mga dahilan kung bakit nagiging mahiyain ang isang bata para maunawaan ang kanilang pinagdadaanan at nararamdaman. Narito ang mga sumusunod:
- Natatakot o nahihiya sila na gumawa ng first move para makipag-usap o makipagkaibigan.
- Immature ang kanilang social skills para sa kanilang edad kaya hindi nila alam kung paano makitungo sa iba.
- Takot sila na may mga bagay na magawa na hindi magugustuhan ng mga tao sa kanilang paligid.
- Ang pagiging agresibo at prangka ng isang bata ay nagiging sanhi minsan upang hindi sila maging kaaya-aya para sa ibang tao. Kaya naman minsan nahihiya na sila sa pagpapahayag ng kanilang saloobin dahil sa takot na lalo pa silang ayawan ng ibang indibidwal.
- Nagiging mahiyain din ang bata kung minsan dahil sa paraan ng pagdidisiplina ng magulang sa kanyang anak, sapagkat hindi angkop ang ibinibigay nilang pagdidisiplina sa pangangailangan ng isang bata.
Mayroon Nga Bang Social Communication Disorder Ang Isang Mahiyaing Bata?
Dapat mong tandaan na hindi lahat ng mga batang mahiyain ay mayroong disorder, pero kung nais mong makasigurado mas mainam na magpakonsulta sa doktor para sa mga angkop na payo at diagnosis. Gayunpaman, mahalaga pa rin na malaman natin kung ano ang social communication disorder upang magkaroon tayo ng kamalayan sa bagay na ito, at malaman ang dahilan kung bakit madalas naiuugnay ito sa pagiging mahiyain ng isang bata.
Ang social communication disorder ay isang brain-based condition kung saan hindi nadebelop ang utak ng tao sa tipikal na paraan. Madalas ang mga batang nagtataglay ng ganitong disorder ay mayroong difficulties sa paggamit ng verbal, at non-verbal communication sa mga social situation. Dagdag pa rito, ang social communication disorder ay nagtataglay ng ilang characteristics ng “autism spectrum disorder” o ASD.
Mga Tip Para Matulungan Ang Mahiyain Na Bata Na Maging Malakas Ang Loob
Mahalaga para sa magulang ang pagiging confident ng kanilang mga anak dahil malaking bagay ito upang mapagtagumpayan nila ang iba’t ibang hamon ng buhay sa kanilang paglaki. Kaya naman gumawa kami ng maikling listahan ng mga tip kung paano natin pwedeng tulungan ang mga batang mahiyain na magkaroon ng lakas ng loob sa pagharap sa mga tao. Narito ang mga sumusunod:
1. Parenting Style
Ang paraan ng pagdidisiplina ay dapat idepende ito sa pangangailangan at pag-uugali ng bata dahil kapag hindi angkop ang paraan na ginamit sa pagdidisiplina, maaaring maging sanhi ito ng paglala ng social anxiety ng isang bata. Kaya bilang magulang dapat mong pag-isipan ng mabuti ang bagay at paraan na gagamitin sa pagdidisiplina at pagtuturo sa mga anak. Pwede kang humihingi ng payo sa mga kaibigan at maging sa mga eksperto upang mas maliwanagan sa mga bagay na pwedeng gawin para sa mga anak.
Tandaan mo rin na hindi sila dapat kunsintihin sa mga bagay na kanilang ginawang mali. At hindi rin dapat maging overprotective sa kanila dahil pwede itong maging sanhi na pagiging dependent nila sa’yo. Sa oras na naging sobrang dependent nila sa’yo, matatakot na silang sumubok ng mga bagay na nagreresulta ng pagiging mahiyain nila.
2. Pag-Alam Ng Hilig At Interes Ng Anak
Bilang magulang mahalaga na alam natin ang kagustuhan at pangarap ng ating mga anak para mabigyan sila ng suporta. Malaking bagay din ang pag-alam ng kanilang mga interes upang mabigyan natin sila ng lakas ng loob na subukan at i-pursue ang mga bagay na gusto, at sa ganitong paraan na natutulungan natin sila na mapaglaban ang pagiging mahiyain nila.
3. Sanayin Sila Sa Pakikipag-Usap At Pagharap Sa Mga Sitwasyon
Maganda kung sa bahay pa lamang ay tuturuan na natin ang mga bata na makipag-usap sa ibang tao at humarap sa iba’t ibang sitwasyon. Pwede kang magbigay sa kanila ng mga situational na tanong o magbigay ka ng mga pagsubok sa kanila na makikita mo ang kanilang abilidad sa pakikipag-interact sa ibang tao.
4. Iwasan Ang Pagbibigay Ng Bansag Na “Mahiyain Na Bata” Ang Anak
Kapag laging naririnig ng bata na sinasabihan siya ng mahiyain, pwedeng ito ang kanyang maging pananaw sa sarili, at maging bahagi ng kanyang pagkatao at buhay.
5. Huwag Ipahiya Ang Anak
Dapat mong iwasan ang pagpapahiya sa anak lalo na sa maraming tao dahil lalo itong magbibigay ng takot sa kanya upang harapin ang ibang indibidwal.
Key Takeaways
Bilang mga magulang dapat matutunan natin na suportahan ang ating mga anak partikular sa kanilang mga interes at pangarap. Makakatulong ito upang magkaroon sila ng lakas ng loob sa pakikipaghalubilo at pakikipagsapalaran sa buhay. Tandaan mo rin na hindi ka dapat nagda-diagnose ng disorder sa anak kapag nakita mo na nagiging mahiyain ito dahil maraming factor kung bakit nahihiya ang isang bata. Pero kung nakakabahala na ang pagiging mahiyain ng bata, ipinapayo na ipakonsulta sila sa doktor para sa angkop na medikal na atensyon at diagnosis.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]