Bilang mga magulang mahalaga para sa atin na mapanatiling malusog ang ating mga anak, kaya naman sinisikap natin na mabigyan sila ng vitamin C sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamot, pagkain, at prutas na sagana sa bitamina na ito. Malaki ang naitutulong nito sa pagpapalakas ng kanilang katawan at immune system para makaiwas sa mga sakit na pwedeng dumapo sa kanila. Kaugnay nito, napakahalaga na magkaroon tayo ng kaalaman tungkol sa mga sintomas ng kulang sa vitamin C para mabigyan natin ng tamang pag-aksyon ang pangangailangan ng ating mga anak, at maging wasto ang kanilang paglaki at pag develop.
Basahin at alamin sa artikulong ito ang sintomas ng vitamin c deficiency na dapat mong malaman. Ngunit bago natin pag-usapan ito tukuyin muna natin ang role ng vitamin C sa ating kalusugan.
Kahalagahan Ng Vitamin C
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng vitamin C sa lahat ng tao — bata ka man o matanda. Sapagkat gumaganap ito ng malaking role sa collagen, carnitine, hormone, at amino acid na importante ito para sa mga sumusunod:
- Kalusugan ng buto
- Blood vessel healing
- Pagpapagaling ng mga sugat
- Pagtulong sa recovery mo mula sa paso o burns
Dagdag pa rito, kilala rin ang vitamin C bilang antioxidant na sumusuporta sa immune function at sa absorption ng iron.
Pwede mong mapagkuhanan ng vitamin C ang mga sumusunod na pagkain:
- Broccoli
- Patatas
- Strawberry
- Kamatis
- Sweet peppers
- Citrus fruit
- Guava
Sintomas Ng Kulang Sa Vitamin C o Vitamin C Deficiency
Mahalaga na matugunan ang kakulangan sa vitamin C ng isang tao. Sa oras na magkaroon tayo ng deficiency sa vitamin C at naging malubha ito, maaaring humantong ito sa pagkakaroon ng scurvy.
Ang scurvy ay isang sakit na nailalarawan sa pamamagitan ng hemorrhagic manifestations o mga sintomas ng pagdurugo at abnormal na pagbuo ng osteoid at dentin.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng scurvy maganda na mapansin at makita mo agad ang mga sintomas na kulang sa vitamin C ang isang tao. Narito ang mga sumusunod:
Mabagal Na Paggaling Ng Sugat
Kapag nasugatan ka bumababa ang level ng vitamin C sa’yong dugo at tissue dahil kailangan ito ng ating katawan para makagawa ng collagen sa balat–kung saan malaki ang ginagampanang papel ng collagen bilang protina na tumutulong sa pag-aayos at pagpapagaling ng balat. Tumutulong din ang bitamina C sa neutrophil. Ang neutrophil ay isang uri ng white blood cells na lumalaban sa impeksyon at mga inflammation.
Sa madaling sabi, kapag ang isang tao ay kulang sa vitamin C, mas nagiging mabagal ang paggaling ng kanyang mga sugat.
Pagdurugo Ng Gums, Nosebleed At Pagkakaroon Ng Mga Pasa
Malaki ang naitutulong ng bitamina C para sa kalusugan ng iyong mga daluyan ng dugo. At nakatutlong din ito sa pagpapanatili ng malusog na ngipin at gilagid. Ngayon, kung napansin mong naging pasain ka, o madalas magkaroon ng pagdurugo ng ilong at gilagid pwedeng manifestation ito na kulang ka sa vitamin C.
Pagiging Dry Ng Balat At Pagkakaroon Ng Wrinkled Skin
Ang vitamin C ay isang antioxidant na tumutulong sa ating mga balat na maging malaya mula sa free radicals. Nakatutulong din ito upang magkaroon ng malambot na balat ang isang indibidwal. Isa sa mga sintomas na kulang sa bitamina C ang isang tao ay ang pagiging dry ng ng kanilang balat.
Mahinang Immunity
Kapag ang isang tao ay may kakulangan sa vitamin C asahan mo ang paghina ng kanyang immune system at sa tuwing magkakasakit siya pwedeng maging matagal ang kanyang recovery.
Pagkawala Ng Paningin
Kung nagtataglay ka ng age-related macular degeneration (AMD) maaaring lumala ito kapag nagkaroon ka ng kakulangan sa vitamin C at iba pang antioxidants, at ilang partikular na minerals. Pero ayon sa mga recent studies kinakailangan pa ng marami pang pag-aaral para mas makita ang direktang ugnayan ng vitamin C deficiency sa pagkawala ng paningin.
[embed-health-tool-bmi]
Iba Pang Sintomas Ng Kulang Sa Vitamin C Ang Isang Tao
- Anemia
- Pananakit ng buto
- Pamamaga o edema
- Patchi-patchi o petechiae (maliliit na red spots na nagreresulta ng bleeding sa ilalim ng balat)
- Kinakapos ng hininga
- Pagkakaroon ng mood swings
- Depresyon
- Pagkapagod
- Pagiging iritable
Treatment Para Sa Sintomas Ng Kulang Sa Vitamin C
Maaaring gamutin ang mga sintomas ng vitamin C deficiency sa pamamagitan ng nutritious diet at pag-inom ng supplemental ascorbic acid.
Mga Dapat Gawin Para Makaiwas Sa Sintomas Ng Kulang Sa Vitamin C
Para makaiwas sa vitamin C deficiency, ang mga babae ay pwedeng uminom ng vitamin C 75mg ng 1 beses sa isang araw. Ang mga lalake ay maaaring uminom ng vitamin C 90mg ng 1 beses isang araw.
Maaari ka ring mag-take ng 5 servings ng mga prutas at gulay araw-araw upang mas makakuha ng vitamin C. Laging tandaan na maganda rin kung magpapakonsulta sa doktor para sa mga paggamot, payo, at rekomendasyon tungkol sa iyong diet at dami ng vitamin C na dapat mong makuha.
Key Takeaways
Para masigurado natin ang kalusugan ng ating mga mahal sa buhay maganda kung bibigyan natin sila ng mga pagkain na sagana sa vitamin C. Sa paraang ito, magkakaroon sila ng malakas na immune system. Maiiwasan natin ang vitamin C deficiency kung magkakaroon tayo ng nutritious diet na angk0p sa edad at pangangailangan natin.
Tandaan din na ang pag-alam sa mga sintomas ng kakulangan ng vitamin C ng isang tao ay isang mahusay na hakbang para maagapan ang mga sakit na pwedeng makuha dahil sa kakulangan nito.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.