backup og meta

Ano Ang Gelastic Seizure, Paano Ito Nangyayari, At Paano Ito Maiiwasan?

Ano Ang Gelastic Seizure, Paano Ito Nangyayari, At Paano Ito Maiiwasan?

Tuwing maiisip ng mga tao ang seizures, ang unang pumapasok sa kanilang isip ay epileptic seizure. Gayunpaman, mayroon pang isang uri ng seizure na tinatawag na gelastic seizure, na minsang naipagkakamaling pagtawa o paghagikgik. Ano ang gelastic seizure at paano ito nangyayari? Basahin ang artikulong ito upang matuto ng higit pang impormasyon patungkol sa seizure na ito, mga sanhi, dapat ba itong ipag-alala, at anong pwedeng gawin tungkol dito. 

Ano Ang Gelastic Seizure o Laughing Seizure?

Ang gelastic seizures, na kilala rin sa tawag na laughing seizures o gelastic epilepsy, ay isang uri ng epilepsy na mailalarawan na pagtawa. Karaniwang nagsisimula ang ganitong uri ng seizure sa murang edad, at kadalasang iniisip ng mga magulang na ang kanilang anak ay may masayang disposisyon, o humahagikgik lamang.

Ang “pagtawa” (laughter) ay kadalasang mailalarawan bilang “fake-sounding,” hindi tulad ng natural na pagtawa. May mga nagsasabi ring hindi magandang pakinggan at nakaaalarma ang ganitong pagtawa dulot ng gelastic seizure.

Bigla na lang nangyayari ang ganitong mga uri ng seizures. Kadalasang napapansin ng mga magulang na may mali sa kanilang anak kapag bigla itong tumawa nang walang dahilan. Sa iba pang kaso, pwede rin itong mangyari kahit sa mga hindi tamang sitwasyon.

Dahil isa itong uri ng seizure, ang mga batang nakararanas nito ay walang kontrol sa nangyayari. Posible ring makaranas ang mga bata ng mga warning sign bago magsimula ang seizure, bagaman hindi ganito ang madalas mangyari.

Bukod sa pagtawa, kasama sa iba pang sintomas nito ang:

  • Paggalaw ng mga mata at ulo sa magkakaibang direksyon
  • Paggalaw o panginginig ng mga kamay
  • Hindi sumasagot o tumutugon sa mga taong nakapaligid
  • Pakiramdam na pagod o walang lakas pagkatapos ng seizure

Tumatagal ng 30 segundo hanggang ilang minuto ang gelastic seizure. Posible ring makaranas ang mga bata ng iba pang uri ng seizures matapos agad ng laughing seizure.

Kadalasang nangyayari sa mga bata ang ganitong uri ng seizure,at lumilitaw habang bata pa. Bagaman posible pa ring makaranas ng ganitong uri ng seizure ang mga matatanda. 

Ano ang Nagdudulot ng Gelastic Seizure?

Nagmumula sa hypothalamus ang ganitong mga uri ng seizures. Ang hypothalamus ay isang bahagi ng utak na responsable sa pagkontrol ng bodily functions gaya ng blood pressure, pagpapawis o panginginig, gutom at pagkabusog, at iba pa. 

Minsan, nagkakaroon ng noncancerous tumor na tinatawag na hamartoma sa hypothalamus ang mga taong may gelastic seizure. Pinaniniwalaang ito ang dahilan ng seizures. 

Kadalasan, hindi mapaminsala ang hamartomas, bukod lang sa seizures na idinudulot nito. Hindi na rin kailangang tanggalin ang hamartoma, ngunit sa ilang kaso, maaaring kailangan itong gawin.

Gaya ng iba pang uri ng seizures, mayroon ding nag-ti-trigger sa gelastic seizures. Narito ang ilan sa mga ito:

  • Biglaang ingay o malakas na ingay
  • Pagkatakot
  • Pagkabalisa
  • Pananabik

Maiiwasan Ba Ito?

Kadalasan, walang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga bata ng gelastic seizures. Kaya’t mahalagang alam ng mga magulang ang mga sintomas ng gelastic seizure at humingi agad ng atensyong medikal para sa kanilang anak.

Kung mas maagang ma-diagnose ito, mas maganda ang kalalabasan para sa bata. Karaniwang nagrereseta ang mga doktor ng iba’t ibang klase ng gamot na makatutulong upang makontrol ang seizures. 

Pwede rin silang magbigay ng payo sa mga magulang kung anong dapat gawin kapag may seizure ang kanilang anak, at kung paano maiiwasan ang mga dahilan upang mangyari ito. 

Paano Ito Ginagamot?

Ang treatment para sa gelastic seizures ay nangangailangan ng patnubay ng doktor, kaya’t magtakda ng appointment sa inyong physician. At dahil nangyayari ang ganitong mga uri ng seizures sa murang edad ng bata, pwede itong magdulot ng negatibong epekto sa development ng bata. Maraming mga uri ng gamutan. Ang pinakakaraniwan ay ang pagrereseta ng gamot na makatutulong upang makontrol ang paglala at madalas na seizure.  

Narito ang ilan sa karaniwang mga uri ng gamot:

  • Topiramate
  • Lamotrigine
  • Carbamazepine
  • Clobazam
  • Levetiracetam

Sa mga sitwasyon na mayroong hamartoma, desisyon na ng doktor kung tatanggalin ito o hindi. Kung kailangang tanggalin ito ng mga doktor, pwede itong gawin sa pamamagitan ng paggamit ng akmang lasers na papatay lamang sa tumor cells. 

Pwede ring gamitin ng radiotherapy upang paliitin ang tumor.

Key Takeaways

Madaling maipagkamali ang gelastic seizures sa pagtawa, kaya naman may mga magulang na hindi agad nalalaman na may problema na ang kanilang anak. Humingi agad ng tulong para sa gamutan kung sa palagay mo ay dumaranas ng seizures ang iyong anak.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Gelastic epilepsy | Epilepsy Action, https://www.epilepsy.org.uk/info/syndromes/gelastic-epilepsy, Accessed April 20, 2021

Gelastic seizures associated with hypothalamic hamartomas. An update in the clinical presentation, diagnosis and treatment, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2646637/, Accessed April 20, 2021

Gelastic epilepsy: Beyond hypothalamic hamartomas, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4544395/, Accessed April 20, 2021

Gelastic Seizures | Cedars-Sinai, https://www.cedars-sinai.org/health-library/diseases-and-conditions/g/gelastic-seizures.html, Accessed April 20, 2021

Case Report: Gelastic Seizures Arising from the Parietal Lobe (P6.366) | Neurology, https://n.neurology.org/content/86/16_Supplement/P6.366, Accessed April 20, 2021

Gelastic and Dacrystic Seizures | Epilepsy Foundation, https://www.epilepsy.com/learn/types-seizures/gelastic-and-dacrystic-seizures, Accessed April 20, 2021

Kasalukuyang Version

03/25/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Ruben Macapinlac, MD, DPPS

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Socio-Emotional Development Ng Bata: Heto Ang Dapat Mong Malaman

Sintomas ng depresyon sa umaga, anu-ano nga ba?


Narebyung medikal ni

Ruben Macapinlac, MD, DPPS

Pediatrics · Philippine Pediatric Society


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement