Umuwi ang iyong anak na nagrereklamong makati ang kanyang mga mata. Kung kaya, pilit niya itong kinakamot hanggang sa naging mapula na ang mga takipmata niya. Kinabukasan, napansin mong nagkaroon na ng bukol ang talukap niya sa kaliwang mata. Noong sinabi mo sa kanya na ito ay isang kuliti, naalarma siya na baka hindi siya makapasok dahil baka mahawaan niya ang kanyang mga kamag-aral. Ano ang maaaring gamot para sa kuliti sa bata? Alamin dito.
Ang kuliti sa bata ay bahagi ng listahan ng mga karaniwang kondisyon. Bagama’t hindi naman ito isang nakakabahalang karanasan, hindi maitatanggi ang pagkailang na maaaring maramdaman ng bata dahil dito.
Pag-unawa Kung Ano ang Kuliti sa Bata
Ang kuliti, o stye sa Ingles, ay isang impeksiyon na nagpapakita bilang isang pulang bukol o pamamaga malapit sa gilid ng itaas o ibabang talukap ng mata. Ito ay maaaring makairita sa mata at maging sanhi ng pamumula.
Kadalasan ito ay naiuugnay sa conjunctivitis na lumilitaw bilang pink na mata. Hindi dapat malito ang mga magulang sa pagkakaiba ng dalawa marahil, ang kuliti sa bata ay hindi nakakahawa. Ibig sabihin, hindi ito maaaring maikalat sa ibang tao, hindi tulad ng conjunctivitis.
Ang pagkakaroon ng kuliti at hindi mabigat na problema at maaari itong pangasiwaan at gamutin ng mga magulang sa bahay.
Bakit Madalas ang Kuliti sa Bata?
Ang mga talukap ng mata ay mayroong mga oil glands. Gumagawa sila ng isang espesyal na langis na hinahalo sa mga luha upang panatilihing lubricated ang mga mata.
Ngunit, minsan, ang mga glands ay maaaring maging barado dahil sa ilang mga sanhi tulad ng mga sumusunod:
- Lumang langis
- Dead skin cells
- Lumang bacteria sa balat
Ang naturang impeksyon ay kadalasan ding sanhi ng bacteria na tinatawag na Staphylococcus aureus. Kapag nangyari anuman sa mga nabanggit na dahilan, nabubuo ang materyal sa baradong glands. Kalaunan, ito ay nagreresulta sa isang bukol na maaaring magmukhang isang tigyawat.
Ano ang mga Sintomas ng Kuliti sa Bata?
Maaaring iba-iba ang mga sintomas ng kuliti sa bawat bata. Subalit, ang mga karaniwan na nakikitang senyales ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Pamamaga ng talukap ng mata
- Pamumula sa gilid ng takipmata
- Pananakit ng apektadong bahagi
- Yellow fluid drainage
Maaaring magreklamo ang mga batang mayroong kuliti na sila ay nabibigatan o naiirita sa kanilang mata. Ang iba naman ay maaaring magkaroon ng mas maraming luha, at maaaring magreklamo ng pananakit ng talukap ng mata.
Ang mga sintomas ng kuliti sa bata ay maaaring magmukhang mga sintomas ng iba pang mga kondisyon. Kung ikaw ay nagaalangan kung ano ang mayroon ang iyong anak, mangyaring kumunsulta sa doktor.
Paano Ginagamot ang mga Kuliti?
Ang paggamot ay depende sa mga sintomas, edad, at pangkalahatang kalusugan ng iyong anak. Ito ay depende rin sa kung gaano kalubha ang kondisyon. Karamihan sa mga kaso ng kuliti sa bata ay kusang nawawala sa loob ng isa hanggang dalawang linggo at hindi nangangailangan ng antibiotic.
Narito ang mga maari mong gawin upang magamot ang kuliti ng iyong anak:
- Maglagay ng warm compress sa mata ng iyong anak. Maaaring gawin ito ng ilang beses sa isang araw sa loob ng 15 minuto sa bawat pagkakataon.
- Sabihan ang iyong anak na huwag pisilin o kuskusin ang kuliti.
- Madalas na paghugas ng kamay ng iyong anak.
- Hugasan at panatilihing malinis ang mukha at mata ng iyong anak.
- Huwag maglagay ng kahit anong kolorete (make-up man o contact lens) hanggang sa gumaling ang mata.
- Maglagay ng antibiotic ointment sa mata. Hindi nito mapapabilis ang pagkawala ng kuliti, ngunit pinipigilan nitong kumalat ng impeksiyon sa ibang bahagi ng mata.
Sa pagsasagawa ng mga hakbang na ito, mapapabuti nito ang kondisyon ng bata sa loob ng ilang araw. Kung ito ay lalo pang lumala, nararapat ng manghingi ng medikal na atensyon at tulong mula sa iyong doktor.
Mahalagang Mensahe
Isang pangkaraniwang kondisyon ang kuliti sa mga bata. Ngunit, hindi ka dapat magalala bilang magulang dahil nagagamot naman ito. Panatilihin ang good hygiene sa pamamagitan ng paghugas ng mukha at kamay araw-araw upang maiwasan ang pagkalat ng bakterya at impeksyon.
Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]