Patuloy na bibigat ang timbang at mas magiging alerto ang iyong 2-buwang gulang na baby. Mapapansin na mas magalaw at maingay na ito. Narito ang ilang partikular na development milestones sa ika-2 buwan ni baby na maaari mong asahan.
Paano Lumalaki Ang Iyong Baby
General Development Sa Ika-2 Buwan Ni Baby
Kabilang sa development milestones ng dalawang buwang gulang na sanggol ang growth spurt dahil kadalasang mas lumalaki at bumibigat sila sa panahong ito. Magmumukha silang mas mahaba at mas mataba dahil sa dagdag na 900 grams sa kanilang timbang at mas hahaba nang 2.5 hanggang 3.8 centimeters. Nangangahulugan ito na mas madalas silang magugutom kumpara sa una nilang buwan. Paghandaan ang dagdag na pagpapakain sa iyong baby.
Developmental Milestones Sa Ika-2 Buwan Ni Baby
Isa ito sa kapana-panabik na panahon sa mga magulang dahil dito makikita at mararanasan ang karamihan sa development milestones sa ika-2 buwan ni baby.
Motor skills. Magkakaroon ng “grabby” hands ang mga baby dahil dito nila matututunan kung para saan ang mga daliri at mga kamay. Kaya susubukan nilang hawakan ang anumang makita nila, alinman sa isa o dalawang kamay. Sa oras na may hawakan sila, hindi na nila ito bibitawan. Maaari din nila itong ilagay sa kanilang bibig at sipsipin ito.
Mas lumalakas ang kanilang mga leeg sa bawat araw kaya makakaya na rin nilang iangat ang kanilang mga ulo at iikot ito sa magkabilang gilid. Nagagawa na rin ng ibang mga baby na iangat ang kanilang katawan habang nakadapa.
Maaaring magsimula na ring gumalaw nang maayos ang mga baby sa ika-2 buwan habang patumba-tumba ang kanilang mga katawan at pasipa-sipa ang kanilang mga binti. Maaaring mas mabilis na matuto ring gumulong ang ibang mga baby kaya iwasang maiwan itong mag-isa sa kama o sa mesa kung saan ito pinapalitan.
Cognitive. Mas maitutuon na rin ng mga baby ang kanilang mga mata sa mga nakikita at maaari na rin nilang masundan at matandaan ang mga pamilyar na gamit at mukha.
Communication at Language Skills. Mas dadalas ang pagsasalita at pag-iyak ng iyong baby. Ilan sa mga maririnig na tunog mula sa kanila ang mga pantig na “aaah” at “oooh.” Lilingon din ang iyong baby sa mga pinagmumulan ng tunog.
Social at Emotional Development. Magsisimula na rin maging makulit at mainip ang iyong baby, ngunit matututo rin silang kumalma sa mabilis na panahon. Magsisimula na ring lumabas ang kanilang ngiti sa tuwing nakakakita ng mga pamilyar na bagay at mukha.
Pagpapakain At Kalusugan
Mas mapapadalas din ang pagkagutom ng iyong baby dahil sa mabilis nitong paglaki sa ika-2 buwan. Nagiging makulit din ang ilang mga baby dahil sa kagustuhang kumain nang higit sa kinakailangan. Ilan din sa kanila ang naglalabas ng kanilang mga dila o sumisipsip sa anumang bagay kapag nagugutom. Maaari din silang matulog o lumayo sa pagkain kapag busog na sila.
Kakailanganin din ng iyong baby ang all-liquid diet—tulad ng breastmilk, formula, o kombinasyon ng dalawa. Asahang kailangan painumin ang iyong baby ng 4 hanggang 6oz ng gatas mula 6 hanggang 10 beses sa isang araw. Katumbas nito ang humigit-kumulang 6 na bote ng gatas sa bawat araw.
Sa kabila ng pagdami ng iniinom na gatas, maaaring dumumi nang mas kaunti ang iyong baby dahil sa pag-develop at paghaba ng kanyang bituka sa katawan na nagreresulta ng mas matagal na pagtunaw sa pagkain. Maaari pa rin namang dumumi nang mas marami ang iyong baby. Karaniwan din itong nangyayari.
Tips Sa Pangangalaga Ng Baby
Baby Care
Dahil nagsisimula nang magkaroon ng kamalayan sa paligid ang iyong baby, suportahan ang kanyang cognitive at social development sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagay na magpapasigla sa kanyang kaisipan. Maglagay ng makukulay at gumagalaw na bagay sa itaas ng crib. Maglagay ng malambot na laruan sa tabi ng tulugan ng iyong baby. Gumawa din ng palaruan ng bata na may sapin, mga nakasabit na gamit, at makukulay na laruan.
Gayunpaman, iwasang ma-overload ang senses ng iyong baby. Kung mapansin mong nagmamaktol na ang iyong baby, maaaring nangangahulugang kailangan nang tanggalin ang mga laruan at patulugin ang iyong baby.
Pagtulog
Mag-iiba ang pattern ng pagtulog ng iyong baby. Kung papalarin, maaaring umabot ng 8 hanggang 10 na oras ang tulog gabi-gabi sa ika-2 buwan ni baby. Ngunit kahit hindi ito gawin ng iyong baby, makatutulog pa rin ito nang husto sa buong araw. Maaaring umidlip kaunti at maaaring makatulog ang iyong baby ng kabuuang 14 hanggang 16 na oras sa loob ng 24 na oras.
Kalusugan at Kaligtasan sa ika-2 Buwan ni Baby
Pagdating ng ika-2 buwan ni baby, mayroon na dapat siya ng mga sumusunod na bakuna laban sa mga sakit:
- Diphtheria, tetanus and pertussis (DTaP)
- Haemophilus influenzae type b (Hib)
- Inactivated poliovirus (IPV)
- Pneumococcal (PCV)
- Rotavirus (RTV)
- Hepatitis B (HepaB)
Siguraduhing madadala ang iyong baby sa doktor para sa mga bakunang makapagliligtas ng kanyang buhay. Hindi ito lahat immunization shots, kaya hindi kinakailangang tiisin ang pag-iyak ng iyong baby. Ngunit ang panandaliang sakit ay maaaring magdulot ng development ng lifelong antibodies laban sa ilang mga sakit.
Anong Maaaring Gawin Upang Makatulong Sa Paglaki Ni Baby?
Maaaring maging stressful ang pag-aalaga sa isang baby. Ngunit nakahahawa ang stress, maaaaring naibibigay mo sa iyong baby ang mataas na lebel ng stress nang hindi namamalayan. Upang maiwasan ito, tandaan ang ilan sa mga tip na ito:
- Makapangyarihan ang paghawak at physical affection sa mga baby kaya palaging bigyan nito ang iyong baby. Ngunit tandaan na maaaring may sensory overload ang iyong baby, kaya tuklasin ang mga bagay na gusto at ayaw nito. Maaaring maging epektibo rin ang pagkarga at paglakad sa iba’t ibang lugar para tumahan at tumigil sa pangungulit ang iyong baby.
- Ilagay ang sarili sa kalagayan ng iyong baby at unawain kung ano ang maaaring pakiramdam ng pagiging vulnerable, dependent at walang kakayahang makagalaw at makapagsalita ng gusto at sariling nararamdaman.
- Kayang damhin ng iyong baby ang iyong mga emosyon kaya maging malay sa mga ipinapakita sa iyong baby. Kung madalas makaramdam ng negatibong emosyon tulad ng depresyon, makatutulong para sa inyo ng iyong baby ang paghingi ng tulong.
- Dahil nagsisimulang makakilala ng mga tunog ang iyong baby, palakasin ang development nito sa pamamagitan ng one-on-one na pakikipag-usap. Mabuting paraan ito upang makatulong na makilala ng iyong baby ang iyong boses.
- Kahit na nasa ika-2 buwan pa lamang ang iyong baby, maaaring makaramdam ito ng takot sa mga madilim at tahimik na lugar na tinutulugan. Maaaring makabawas ng stress sa gabi ang pagtulog kasama ang iyong baby.
Ano Ang Dapat Bantayan At Kailan Dapat Magpatingin Sa Doktor?
Walang magulang ang gustong makitang may sakit o nagpapakita ng senyales ng developmental delay ang kanilang anak. Gayunpaman, maging maingat sa mga sumusunod na babala at senyales na kailangan nang dalhin ang iyong baby sa doktor:
- Hindi nagugutom at kumakain nang nararapat
- Hindi ngumingiti pagtapos ng ika-2 buwan ni baby
- Patuloy na pangungulit sa kabila ng binibigay na panlilibang
- Mas mahina, malambot, o matigas ang isang bahagi ng katawan kaysa sa iba
- Hindi paggamit ng mga daliri at pananatiling nakasara sa mga kamay nito
- Hindi tumutugon sa mga tunog o sumusunod sa mga bagay na gumagalaw
- Ang baby ay hindi sumisipsip ng kamay
- Hindi maiangat ang ulo habang nakadapa
Maging handa at masaya sa pagtungtong ng iyong baby sa ika-2 buwan nitong development milestone. Habang patuloy kang nangangalaga sa iyong baby, mahalagang tandaan ang mga milestone niya. Ito ang paraan upang mabantayan ang maayos na paglaki ng iyong baby.
Matuto pa tungkol sa Parenting dito.