backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Milestones Sa Unang Taon Ng Iyong Anak: Alamin Kung Ano Ang Mga Ito

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD · General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

    Milestones Sa Unang Taon Ng Iyong Anak: Alamin Kung Ano Ang Mga Ito

    Bagaman magkakaiba ang milestones sa unang taon ng isang sanggol, may ilang tiyak na guidelines na pwedeng tingnan ng magulang upang malaman kung nakakasabay ba ang kanyang anak.

    Ang mga guidelines na ito na nakabatay sa tipikal na growth at development ng karamihan sa mga bata ay makatutulong sa magulang upang masukat kung naaabot ba ng kanilang anak ang milestones nito sa tamang panahon. Kung nahuhuli sila, makatutulong ito sa mga magulang na humingi ng medical guidance na kailangan ng kanilang anak upang makahabol.

    Itinala namin dito ang mga dapat asahan sa unang taon ng iyong anak.

    Development Milestones Sa Unang Taon Ng Iyong Anak

    Ang developmental milestones ay ang physical skills at behavior na ipinapakita ng mga sanggol at bata habang lumalaki sila buwan-buwan.

    Magkakaiba ang milestones na ito sa bawat saklaw na edad, at kabilang dito ang paggapang, pagngiti, pagkaway, paggulong, pagbaliktad, paglalakad, pagtalon, at pagsasalita. Tumutukoy ito sa anumang nagpapakita kung paano sila magsalita, matuto, kumilos, maglaro at gumalaw.

    Nagsisilbing gabay o checklists ang developmental milestones. Para sa bawat milestone sa unang taon ng sanggol, mayroon itong normal range. Hangga’t nasa normal range ang iyong anak, wala kang dapat ikataranta o ipangamba.

    Ginagawa ang monthly wellness visit sa pediatrician upang masubaybayan ang milestones sa unang taon ng sanggol. Kung mayroon kang concerns, pinakamainam na kausapin ang pediatrician ng iyong anak upang malaman kung may dapat ka bang ipag-alala.

    Lumalabas sa pag-aaral na kung mas maagang mabibigyan ng intervention ang delayed development milestones, mas maganda rin ang kalalabasan nito. Kabilang dito ang speech therapy at physical therapy.

    Ano ngayon ang developmental milestones na dapat bantayan ng mga magulang sa bawat buwan?

    milestones sa unang taon

    Milestones Sa Unang Taon Ng Sanggol

    Napakaraming dapat bantayan ng magulang sa milestones sa unang taon ng sanggol. Sa unang taon, matututo na ang iyong sanggol na patuloy na tumuklas, kaya’t kailangan mo palaging magtuon ng pansin dito.

    Matututunan din ng iyong anak na magtuon ng kanyang paningin sa mga bagay at makita ito sa unang pagkakataon. Matututunan na rin niyang abutin ang mga bagay sa kanyang paligid, kaya’t tiyaking nasa ligtas na lugar at hindi maaabot ang mga bagay na pwedeng aksidenteng masubo o malulon niya.

    Nasa proseso na rin ng pag-unlad ang cognitive development ng iyong anak. Dito, matututunan niyang tandaan ang mga bagay, magsalita, mag-isip, at magdahilan. Natututunan na rin ng iyong anak ang kaugnayan ng tiwala at pagmamahal para sa kanyang social at emotional development.

    Nagsisilbing halimbawa rin para sa iyong anak ang playtime, cuddle time, at pagyakap sa kanya kung paano siya makikisalamuha sa iba sa hinaharap.

    Bagong Silang Na Sanggol

    Nagagawa lamang sabihin ng isang bagong silang na sanggol ang kanyang kailangan sa pamamagitan ng pag-iyak. Natutulog man ang iyong anak, nagugutom, naiirita dahil sa punong diaper, o masama ang pakiramdam, ang tanging paraan upang maipaalam niya ito sa iyo ay sa pamamagitan ng pag-iyak.

    1 Buwan

    Sa unang buwan pagkapanganak, nakakakita na ang iyong sanggol sa malapitan. Nakakakita na rin siya ng mga kulay, ngunit tanging itim at puti lamang at matingkad na pula. Hindi pa niya kayang sundan ng tingin ang mga gumagalaw na bagay dahil nakakakita lang siya sa malapitan. Ngunit mapapansin mong kaya niyang tumitig sa iyo nang matagal kapag malapit ang mukha mo sa kanya.

    Ang startle reflex (Moro reflex) ay makikita pa rin sa edad na ito, ngunit magsisimula nang mawala. Ang startle reflex ay kanyang reaksyon kapag nakaririnig ng malakas na ingay o kung pakiramdam niya ay nahuhulog siya pabalik. Iniuunat niya ang kanyang mga braso at binti. Normal itong mawawala pagdating niya sa edad na dalawa hanggang tatlong buwan.

    2 Buwan

    Kabilang sa milestones sa ikalawang buwan ng unang taon ng iyong sanggol ay ang kakayahang makarinig nang lubos. Maaaring magsimula na siyang tumugon o mag-react sa mga pamilyar na tunog at kaya nang makatukoy ng matamis na amoy. Matututunan na rin niyang ngumiti tuwing makakakita ng pamilyar na mukha at gumawa ng mga ingay na makatatawag ng iyong pansin. Mahalagang matumbasan mo ito ng tugon dahil makatutulong ito sa pag-unlad ng kanyang language reception at expression sa mga susunod na buwan.

    3 Buwan

    Kaya na ngayong buhatin ng iyong sanggol ang kanyang ulo kapag nakaupo, ngunit maaaring lumaylay pa rin ito paharap dahil hindi pa gaanong matibay ang buto niya sa leeg. Matutukoy na rin niya kung saan nanggagaling ang tunog na kanyang naririnig at igalaw ang kanyang ulo patungo rito.

    Isa sa mga dapat abangan sa ikatlong buwan ng sanggol ang pagsigaw, pagsasalitang hindi pa maintindihan, at pagtawa. Susubukan niya na ring makipag-usap sa iyo kapag kinausap mo siya. Nagsisimula na rin ang facial recognition sa buwang ito, at magsisimula na siyang makipaglaro sa iyo at makipag-ugnayan kapag nakakita siya ng mga pamilyar na mukha.

    4 Buwan

    Magsisimula na ang iyong anak na gumawa ng mini push ups sa ikaapat na buwan, dahil kaya na niyang umikot mula sa kanyang likod papunta sa gilid. Kaya na rin niyang hawakan ang mga bagay. Kaya na rin niyang buhatin ang sariling bigat gamit ang mga paa, at buhatin ang kanyang ulo nang tuloy-tuloy.

    Para sa ilang sanggol, maaari na silang tubuan ng ngipin, at nagsisimula na rin silang manggaya ng tunog.

    5 Buwan

    Sa kanyang ikalimang buwan, magsisimula na ang iyong sanggol na umikot sa magkabilang side, at gumapang. Maglalaro na rin siya gamit ang kanyang mga kamay at paa. Kaya na rin niyang ilipat ang mga bagay mula sa isang kamay papunta sa kabila.

    6 Buwan

    Sa kanyang ikaanim na buwan, magsisimula na ang iyong sanggol na kumagat at ngumuya. Mahahawakan na rin niya ang kanyang bote, kaya na rin niyang iangat ang kanyang ulo kapag iniupo siya, at umupo nang walang tulong.

    Sisimulan na rin niyang hawakan ang kanyang mga paa at ilagay sa kanyang bibig. Kaya na rin niyang ibaling ang kanyang ulo sa magkabilang direksyon at taas-baba.

    Makabibigkas na rin siya ng isang pantig gaya ng “ma,” “da,” “mu,” at “di.”

    7 Buwan

    Isa sa mga unang milestones ng iyong anak sa ikapitong buwan ang kakayahang umupo nang mag-isa. Magsisimula na ring malaman niya ang kanyang pangalan at mag-respond dito.

    Mag-iingay na rin siya sa pamamagitan ng paghahampas ng mga bagay sa sahig at matutuwa dito. Magsisimula na ring ma-develop ang kanyang panlasa sa yugtong ito.

    8 Buwan

    Sa ikawalong buwan, makakaya na niyang iayos ang kanyang katawan upang maabot ang isang bagay, at makabibigkas na siya ng kombinasyon ng mga tunog gaya ng “dada” o “mama” bagaman hindi pa rin niya alam ang ibig sabihin nito. Talaga namang kapana-panabik na pag-unlad ito para sa mga magulang, at napakahalagang sandali sa milestones sa unang taon ng sanggol.

    Maiintindihan na rin niya ang ibig sabihin ng salitang “no,” ngunit hindi niya palaging susundin ito.

    9 Buwan

    Magsisimula na siyang gumapang sa ikasiyam na buwan. Matututunan na rin niyang tumayo mula sa pagkakaupo kapag inalalayan siya. Kaya na rin niyang umupo sa loob ng sampung minuto.

    Sa kanyang ikasiyam na buwan, maiintindihan na niya ang mga simpleng one-word verbal commands. Magagamit na rin niya ang kanyang hinlalaki at hintuturo upang pulutin ang mga bagay.

    10 Buwan

    Tatawagin ka na ngayon ng iyong anak na “dada” o “mama.” Matututunan na rin niya ang mga salitang may isang pantig gaya ng “hi” at “no.”

    Sa ikasampung buwan, mas mababalanse na niya ang kanyang katawan, at makakaya na niyang tumayo mula sa pagkakadapa paupo, at mula sa pagkakatayo paupo sa pamamagitan ng pagbagsak ng kanyang puwit. Kaya na rin niyang itaas ang isang paa at ihakbang paharap upang maglakad kapag siya ay nakatayo.

    Masusundan na rin niya ang mga larawan sa libro at magugustuhan na niya ang kapag binabasahan siya nito. Kaya na rin niyang maglaro.

    Kaya na rin niyang sumenyas ng bye bye at maintindihan ang ibig sabihin nito. Nagsisimula nang ma-develop ang object permanence sa yugtong ito, at kaya na rin niyang gayahin ang mga galaw na nakakatawag ng pansin.

    11 Buwan

    Bilang bahagi ng milestone sa unang taon ng iyong anak, magsisimula na siya ngayong maglakad habang nakahawak sa mga furniture. Sa ikalabing-isang buwan, matutuwa na siya sa paggamit ng mga laruang pwede niyang pagpatung-patungin o ihulog sa lalagyan.

    Sa edad niyang ito, pwede mo nang simulan ang pakikipaglaro sa iyong anak, gaya ng pagpapagulong ng bola, dahil gagayahin ka na niya. Magsisimula na ring magpakita ng pagkasabik ang iyong anak tuwing makakatapos siya ng isang bagay, at magpapakita na rin siya ng pagkainis o iritasyon kapag pinipigilan siyang gawin ang gusto niya. Matututunan na rin niyang ipaling-paling ang kanyang ulo upang sabihing “huwag.”

    1 Taon

    Ngayong isang taon na ang iyong anak, magsisimula na siyang tumayo at maglakad nang mag-isa. Magiging mas independent na siya at gawin ang mga bagay nang mag-isa, bagaman maaaring hindi niya ito magawa.

    Mapagpapatong-patong na rin niya ang mga bagay, makapagbuklat ng mga pahina ng libro, ulit-ulitin ang parehong mga salitang natutunan, at magaya ang mga tunog ng hayop gaya ng hiyaw ng pusa at tahol ng aso.

    Magpapakita na rin siya ng pagmamahal gaya ng pagdikit sa iyo sa mga kakaibang sitwasyon, ngunit gusto namang mag-isa kapag pamilyar siya sa kanyang paligid. Matututunan niya na ring hanapin ang mga bagay sa kung saan niya ito huling nakita, at sundan ang mabilis na paggalaw ng mga bagay.

    Key Takeaways

    Magkakaiba ang bawat sanggol, at ang mga nabanggit na milestones ay gabay lamang sa kung anong maaaring magawa ng iyong anak sa bawat buwan. Huwag mong kalimutang itala o ilagay ang napakahalagang mga sandaling ito sa unang taon ng buhay ng iyong sanggol sa libro upang hindi makalimutan.

    Kung sa tingin mo’y napaghuhulihan ang iyong anak sa mga unang milestones ng sanggol, o kung hindi sila nag-de-develop nang normal, kumonsulta sa iyong pediatrician, upang makapagsagawa ng ilang tests para sa iyong anak.

    Matuto pa tungkol sa Unang Taon ni Baby dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

    General Practitioner


    Isinulat ni Daniel de Guzman · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement