backup og meta

Ano Ang Postpartum Preeclampsia? Heto Ang Facts Na Dapat Mong Malaman

Ano Ang Postpartum Preeclampsia? Heto Ang Facts Na Dapat Mong Malaman

Karamihan sa mga kaso ng preeclampsia, isang kondisyon ng pagkakaroon ng high blood pressure at presensya ng protina sa ihi, ay nagaganap habang nagbubuntis. Gayunpaman, may mga pagkakataong nangyayari ito sa postpartum o pagkatapos manganak. Ano ang postpartum preeclampsia? Narito ang mga dapat mong malaman tungkol dito.

Ano Ang Postpartum Preeclampsia?

Pagdating sa sagot sa tanong na “Ano ang postpartum preeclampsia?” hindi ito naiiba sa preeclampsia habang nagbubuntis, maliban sa nangyayari ito matapos ipanganak ang sanggol. Karamihan sa mga babaeng may ganitong kondisyon ay nangyayari sa loob ng 48 na oras matapos manganak. Gayunpaman, may mga kaso nito na nangyayari sa loob ng 6 na linggo matapos manganak.

Nakararanas ng high blood pressure na katumbas o mas mataas pa sa 140/90 mmHg ang taong may preeclampsia. Nakikita rin sa resulta ng urinalysis ang sobrang dami ng protina na nasa ihi (proteinuria) — isang indikasyon na may problema sa bato (kidneys).

Kung hindi magagamot, maaaring maging banta sa buhay ang postpartum preeclampsia gaya ng stroke, heart attack, at pulmonary edema (sobrang tubig sa baga). Dagdag pa, maaari itong magresulta sa HELLP syndrome, na tumutukoy sa:

  • Hemolysis o ang pagkasira ng red blood cells
  • Elevated liver enzyme, na nagpapataas ng panganib ng liver failure
  • Low platelet count na nagpapataas ng panganib ng matinding pagdurugo o hemorrhage

At huli, ang hindi natutukang preeclampsia matapos manganak ay maaaring magresulta sa postpartum eclampsia, isang mas seryosong kaso na may kasamang hypertension at seizures o coma.

Mga Panganib

Ano ang postpartum preeclampsia at mga panganib ng kondisyon na ito?

Hindi pa rin malinaw kung ano ang eksaktong sanhi ng preeclampsia habang at pagkatapos ng pagbubuntis. Gayunpaman, ang mga sumusunod ay nakapagpapataas ng panganib para sa mga babae:

Pagkakaroon ng gestational hypertension o high blood pressure habang nagbubuntis. Paalala: ang gestational hypertension ay mailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng high blood pressure nang walang halong protina sa ihi o iba pang mga kondisyong nakaaapekto sa puso at bato.

[embed-health-tool-bmi]

Mga Senyales At Sintomas

Mahirap matukoy ang postpartum preeclampsia sapagkat hindi nagbibigay ang hypertension ng anumang sintomas hanggang sa umabot ang pagtaas ng blood pressure sa delikadong level. Dahil dito, mahirap para sa mga ina na bantayan ang kanilang blood pressure at magpunta sa doktor para sa kanilang postpartum check-ups.

Narito ang mga karaniwang sintomas ng postpartum preeclampsia:

  • 140/90 mmHg na blood pressure o mas mataas pa
  • Positibo ang urinalysis sa proteinuria
  • Pamamanas ng mukha, mga kamay, at paa
  • Madalas na matinding pananakit ng ulo
  • Pagbabago sa paningin o panlalabo ng mata
  • Pananakit ng tiyan, pagduduwal at pagsusuka
  • Hindi gaanong umiihi
  • Nadagdagan ang timbang

Kung nararanasan mo ang mga sintomas na ito, huwag nang hintayin pang bumuti ang iyong kalagayan. Agad na kumonsulta sa doktor upang mabawasan ang panganib ng mga komplikasyon.

Treatment

Ang pangunahing paraan upang gamutin ang postpartum preeclampsia ay sa pamamagitan ng gamutang nakapagpapababa ng blood pressure. Ngunit dahil ang hindi kontroladong preeclampsia ay puwedeng mauwi sa eclampsia, maaari din silang kumuha ng mga gamot upang maiwasan ang pagkakaroon ng seizures. Ilan sa mga kaso ng postpartum preeclampsia ay nangangailangan ng blood thinners upang mabawasan ang panganib ng pamumuo ng dugo.

Para sa hypertension, maaaring tumanggap ang babae ng:

  • Diuretics na nakatutulong na matagal ang sobrang fluids sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi
  • Vasodilators na nagpapaluwag ng mga ugat upang mabawasan ang pressure
  • Beta-blockers na nagpapababa ng heart rate

Magnesium sulfate ang karaniwang gamot upang maiwasan ang seizures. Kapag natukoy ng doktor na mataas ang panganib ng eclampsia, maaaring kumuha sila nito bago manganak. Kailangang ituloy ng pasyente ang pag-inom nito sa loob ng 24 oras matapos ipanganak ang sanggol.

Huwag kalimutang ipaalam sa iyong doktor kung ikaw ay nagpapasuso upang makapili sila ng mga gamot na ligtas para sa iyong bagong silang na sanggol.

Recovery

Karamihan sa mga babaeng agad na nakapagpagamot para sa preeclampsia ay gumagaling nang mabuti. Ngunit kailangan pa rin ng follow-up care dahil maaaring naapektuhan ng high blood pressure ang mga ugat at maging ang puso.

Dagdag pa, tandaang ang pagkakaroon ng postpartum preeclampsia ay nagpapataas ng panganib ng preeclampsia sa mga susunod na pagbubuntis.

Paraan Ng Pag-Iwas

Walang isang paraan upang maiwasan ang postpartum preeclampsia, ngunit maaari mong sundin ang mga pag-iingat upang matukoy ito nang maaga at maiwasan ang mga komplikasyon.

Una, magpunta sa iyong prenatal check-ups upang masuri ng doktor ang kalagayan ng iyong kalusugan at mga panganib nito.

Matapos manganak, subaybayan ang iyong blood pressure. Bantayan ang mga senyales, at huwag kalimutan ang iyong postpartum consultations.

Kung may mapansin kang mga senyales at sintomas ng postpartum preeclampsia, agad na humingi ng tulong medikal upang makatanggap ng mabilis at wastong gamutan.

Matuto pa tungkol sa Pangangalaga ng Ina dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Maternal mortality from preeclampsia/eclampsia, https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/22280867/, Accessed April 21, 2021

Gestational Hypertension, https://www.chop.edu/conditions-diseases/gestational-hypertension#:~:text=Gestational%20hypertension%20is%20diagnosed%20when,increased%20protein%20in%20her%20urine., Accessed April 21, 2021

Postpartum preeclampsia, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/postpartum-preeclampsia/symptoms-causes/syc-20376646, Accessed April 21, 2021

Postpartum Preeclampsia, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17733-postpartum-preeclampsia#outlook–prognosis, Accessed April 21, 2021

Postpartum hypertension: When a new mom’s blood pressure is too high, https://utswmed.org/medblog/postpartum-high-blood-pressure/, Accessed April 21, 2021

Kasalukuyang Version

03/07/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Postpartum Rage, At Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?

Prenatal Yoga: Ano ang Mga Epekto Nito sa Iyong Kalusugan?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement