backup og meta

Paano Malalaman Kung Baby Blues O Postpartum Depression?

Nakararamdam ka ba ng lungkot matapos manganak? Ayos lang yan! Normal ang ganitong pakiramdam. Dahil sa pagkawala ng maraming hormones matapos manganak, normal lamang ang maging emotionally off-balance. Tinatawag na “baby blues” ang simula ng kalungkutan matapos manganak. Ngunit kung pakiramdam mo na ang iyong kalungkutan ay mahirap nang kontrolin o matagal bago mawala, maging malay dahil baka ang iyong nararanasan ay postpartum depression. Ang Postpartum Depression ay isang malubhang karamdaman na nangangailangan ng sapat na atensyong medikal. Baby blues vs. postpartum depression. Ano ang kanilang pagkakaiba? Basahin ang artikulong ito upang malaman.

Paano Malalaman Kung Baby Blues O Postpartum Depression?

Ano ang Postpartum Depression

Bago natin alamin ang pagkakaiba ng dalawang ito, alamin muna natin kung ano ang postpartum depression.

Ang postpartum depression ay isang karamdaman sa pag-iisip na kadalasang nadedebelop matapos manganak. Maaari itong humantong sa matinding pakiramdam ng pagkawala, kawalan, at kalungkutan. Gayundin, mahalagang tingnan ito bilang isang seryosong usapin dahil kung hindi maipakokonsulta, maaapektuhan nito ang kakayahan ng isang ina na mabuhay nang normal at masagana matapos manganak. Maaari din itong maging sanhi ng kawalan ng ugnayan ng ina sa kanyang anak, na parang hindi niya ito tunay na anak. Ang postpartum depression ay maaari ding magresulta sa pananakit sa sarili, pagpapakamatay, o pananakit ng iba.

Baby blues vs Postpartum depression

Baby blues vs. Postpartum depression. Mahirap matukoy ang pagkakaiba ng dalawang  ito dahil kadalasan, parehas ang kanilang mga sintomas.

Katulad ng nabanggit kanina, bumababa ang lebel ng hormones ng katawan matapos manganak. Ang biglaang pagbabang ito ay madalas humahantong sa kalungkutan o pabago-bagong emosyon. Ito ang tinatawag na “baby blues.”

Kung ikaw ay madalas umiyak, mabalisa, mairita, at mabilis na maapektuhan ng iba’t ibang mga bagay matapos manganak, nangangahulugan itong nakararanas ka ng  baby blues. Mahalagang tandaan na ito ay nagtatagal lamang sa loob ng dalawang linggo matapos manganak. Subalit kung nararanasan mo ang mga ito sa loob ng mas mahabang panahon, ito ay humantong na sa postpartum depression.

Dagdag pa, mas mabigat na pakiramdam ang postpartum depression kaysa sa baby blues. Ang mga damdaming ito ay maaaring maging malubha na dahilan upang minsan ay hindi na magawa ang mga araw-araw na gawain. Hindi tulad ng baby blues, maaaring magsimulang maranasan ang postpartum depression kahit bago pa manganak.

Senyales at Sintomas ng Postpartum Depression

Narito ang mga senyales at sintomas ng postpartum depression:

  • Malubhang pabago-bago ng emosyon
  • Depressive mood
  • Nahihirapang makabuo ng koneksyon o bond sa anak
  • Nahihirapang makihalubilo sa pamilya at mga kaibigan
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Sobrang ganang kumain
  • Insomnia
  • Hypersomnia
  • Nahihirapang maging masaya sa mga gawaing noon ay kinawiwilihan
  • Matinding pagkairitable
  • Matinding galit
  • Kawalan ng pag-asa
  • Pagkakaroon ng takot na maaaring hindi maging mabuti ina
  • Pakiramdam na pagiging walang silbi, kahihiyan, guilt, o di sapat
  • Nahihirapang mag-isip nang mabuti o gumawa ng desisyon
  • Nahihirapang makapagpokus
  • Hindi mapakali
  • Matinding pagkabalisa
  • Panic attacks
  • Pag-iisip na saktan ang sarili
  • Pag-iisip na saktan ang isinilang na sanggol
  • Laging pag-iisip ng tungkol sa kamatayan at pagpapakamatay
  • May nakaririnig na boses ng iba
  • Pagkakita sa mga bagay na hindi totoo
  • Irrational paranoia

Sanhi ng Postpartum Depression

Walang tiyak na sanhi ang postpartum depression. Ngunit pinaniniwalaang ang mga pisikal at emosyonal na problema ay nakaaapekto rito. Ang mga pisikal na pagbabago tulad ng biglang pagbaba ng hormones ay maaari ding humantong sa karamdamang ito. Dagdag pa, ang panganganak ay lubhang nakaka-stress na pangyayari. Maaari itong maging dahilan ng kakulangan sa pagtulog, kasabay pa ng mas mababang kumpiyansa at pagtingin sa sarili. Lahat ng mga ito ay maaaring makaapekto upang ang isang ina ay magkaroon ng postpartum depression.

Mas mataas ang tyansang magkaroon ng postpartum depression ang mga kababaihang nagtataglay ng mga sumusunod:

  • Family history ng depresyon
  • Nakaranas na noon ng postpartum depression
  • Nakararanas ng matinding stress
  • Kakulangan ng suporta ng pamilya at ng karelasyon
  • Problema sa pagpapasuso

Kung ikaw ay nagtataka kung ang nararanasan mo ay baby blues o postpartum depression, agad na magpakonsulta sa doktor.

Kailan dapat magpakonsulta?

Baby blues vs. Postpartum depression. Kung pakiramdam mong ikaw ay depressed o nakararanas ng alinman sa mga sintomas na ito matapos mong manganak, magpakonsulta sa doktor. Maaaring maging mahirap ang pagharap sa mga damdaming ito, subalit mas mainam na ang magpakonsulta kaysa hayaan na lamang ang mga negatibong nararanasan.

Magpakonsulta sa doktor kung:

  • Hindi nawawala ang mga damdaming ito kahit makalipas ang dalawang linggo mula nang manganak
  • Nagiging mas malubha ang pakiramdam
  • Nahihirapang alagaan ang anak
  • Nahihirapan sa araw-araw na buhay
  • Pag-iisip na saktang ang sarili o ang anak

Pangunahing Konklusyon

Nakabatay sa haba ng panahon at tindi ng nararamdaman ang kasagutan sa tanong kung baby blues o postpartum depression ba ang nararanasan. Kung nakararanas ka ng matinding damdamin ng kalungkutan o kawalan kahit nakalipas na ang dalawang linggo mula nang manganak, maaaring ang iyong nararanasan ay postpartum depression. Kung pakiramdam mo ay depress ka matapos manganak, magpakonsulta sa doktor.

Matuto pa tungkol sa Postpartum Period dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Postpartum Depression, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/postpartum-depression/symptoms-causes/syc-20376617 Accessed March 18, 2021

Postpartum Depression, https://www.womenshealth.gov/mental-health/mental-health-conditions/postpartum-depression Accessed March 18, 2021

Postpartum Depression, https://kidshealth.org/en/parents/ppd.html Accessed March 18, 2021

Feeling Depressed After Childbirth, https://www.nhs.uk/conditions/baby/support-and-services/feeling-depressed-after-childbirth/ Accessed March 18, 2021

Overview – Postnatal Depression, https://www.nhs.uk/mental-health/conditions/post-natal-depression/overview/ Accessed March 18, 2021

Postpartum depression, https://www.merckmanuals.com/en-ca/professional/gynecology-and-obstetrics/postpartum-care-and-associated-disorders/, Accessed March 18, 2021

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Ano ang Food Supplement na Dapat Ikonsidera Matapos Manganak?

Postpartum Exercise: Kailan Ka Maaaring Mag-ehersisyo Pagkatapos Manganak?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas