Masyado ka bang independent sa buhay? Ikaw rin ba ang klase ng tao na lubos na nagsasarili, o itinutulak ang mga taong nakapaligid sa’yo dahil sa takot na masaktan? Kung ang sagot mo sa tanong na ito ay “oo” marahil ito ang response mo sa trauma na mayroon ka.
Bagama’t ang pagiging “independent” ay tumutukoy sa pagiging “self-sufficient” o kakayahan ng tao na alagaan ang sarili. Hindi pa rin maganda kung sobra ang pagiging independent ng isang indibidwal, lalo na kapag tumatanggi ka sa tulong na gagawing mas simple ang mga bagay para sa’yo dahil sa takot na masaktan at magtiwala. Tinatawag na “hyper-independence” ang ganitong response o tugon sa trauma. Ngunit ano nga ba ang koneksyon ng hyper-independence at trauma?
Para malaman ang kasagutan at mas maunawaan ang hyper-independence at trauma, patuloy na basahin ang article na ito.
Ano ang hyper-independence?
Ang hyper-independence ay higit pa sa “self-reliance”, dahil tumutukoy ang hyper-independence sa hindi matitinag na awtonomiya o autonomy. Kadalasan ang mga taong hyper-independent ay hindi o ayaw umasa sa iba. Sapagkat nakakaranas sila ng matinding discomfort sa paghingi o pagpapahintulot sa iba na tulungan sila, kahit na sila ay lubhang nangangailangan.
Isa bang mental health condition ito?
Sa katunayan, ang hyper-independence ay hindi isang diagnosable mental health condition. Ngunit ito ay itinuturing na isang paraan ng pagtugon sa stress, at kadalasang nati-trigger ng acute at chronic trauma. Gayunpaman, ang hyper-independence ay maaaring maging sanhi ng pagso-social isolation ng isang tao na pwedeng humantong sa mga pisikal at mental na sakit.
Bakit nagkakaroon ng hyper-independence ang isang tao?
Ang hyper-independence ay isang emotional response mula sa mga masasakit at nakakakilabot na kaganapan sa buhay ng tao na pumipinsala sa “sense of security” nila. Ang ilang mga traumatikong kaganapan, tulad ng mga natural na sakuna, pagkamatay ng minamahal ay maaaring maging dahilan para magkaroon ng emotional response ang isang tao upang makayanan ang trauma na nakuha mula sa malungkot, masakit, at tragic events.
Anu-ano ang mga sintomas nito?
Tandaan na hindi lahat ng nakakaranas ng hyper-independence ay nagkakaroon ng pare-parehong mga sintomas. Gayunpaman, narito ang karaniwang sintomas ng hyper-independence, ayon sa artikulo ng Newport Institute:
- Pakiramdam na hindi karapat-dapat sa suporta sa lipunan
- Pakiramdam ng kahihiyan o pagkabigo kung kailangan mong umasa sa iba
- Kahirapan sa pagbabahagi ng kahinaan o pagpapahayag ng mga pangangailangan
- Pagkakaroon ng tendency ng pag-isolate ng sarili
- Depresyon
- High-functioning anxiety
- Pagiging perfectionist
Ano ang koneksyon ng hyper-independence at trauma?
Ayon kay Dr. Nekeshia Hammond isang psychologist ang pagtugon sa trauma ay maaaring pisikal, mental, emosyonal, o kombinasyon.
Dagdag pa rito, kapag ang isang tao ay nakaranas ng isang nakakagambala, life-threatening event na hindi nila kayang harapin sa isang malusog na paraan, ang kaganapang ito ay itinuturing na “traumatic”.
Tandaan mo na sa oras na ang isang tao ay nakaranas ng trauma, ang kanilang utak ay maaaring pumasok sa “survival mode.” Nangangahulugan ito na pinipili nila ang mga pag-uugali batay sa kung ano ang magpapanatiling ligtas sa kanila. Dahil ang utak ng tao ay naka-set upang panatilihing ligtas at buhay tayo. Kaya naman malamang na manatili ang isang tao sa survival mode nang matagal kahit na hindi na ito angkop o nakakatulong na gawin ito.
Ang pagiging hyper-independent ng isang tao ang maaaring maging tugon ng tao sa isang traumatic experience. Ito ang pinakamalaking koneksyon ng dalawang bagay na ito, kung saan nagsisilbing coping mechanism at emotional response ang hyper-independent sa trauma ng isang indibidwal. Bagama’t makakatulong ito na makaligtas sa trauma, may pagkakataon pa rin na ang tugon na ito sa trauma ay nakakapinsala sa labas ng konteksto ng traumatic event— at ang hyper-independence ay isang trauma response na maaaring maladaptive.