Ang diabetes sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring maglagay sa iyo at sa iyong sanggol sa mas mataas na risk ng ilang problema sa kalusugan. Alamin ang mga sumusunod na komplikasyon ng gestational diabetes para sa ina at sanggol.
Mga Posibleng Epekto ng Gestational Diabetes sa Sanggol
Kapag ang iyong gestational diabetes ay hindi na-manage nang tama, ang iyong sanggol ay maaaring makaranas ng mga sumusunod na komplikasyon:
Macrosomia
Ang mga sanggol na ipinanganak sa isang ina na may diyabetis ay madalas na lumalaki na extra large dahil sila ay nagiging “overfed” ng mataas na blood sugar. Kailangang kasama ang macrosomia sa pagtalakay ng mga komplikasyon ng gestational diabetes para sa ina at sanggol. Ang macrosomia ay ang medical term para sa malalaking sanggol na tumitimbang ng humigit-kumulang 4 na kilo sa kapanganakan.
Ang Microsomia ay kadalasang nagdudulot ng discomfort sa huling yugto ng pagbubuntis. Maaari rin itong magresulta sa mga injury sa panahon ng labor at panganganak. Dahil sa increased injury risk, maaaring irekomenda ng doktor ang C-section delivery.
Preterm Birth
Karaniwang pinapataas ng high blood sugar ang risk ng maagang labor at panganganak ng babae. Ito ang dahilan kung bakit ang preterm birth ay isa rin sa mga posibleng komplikasyon ng gestational diabetes.
Bukod pa rito, kung ang sanggol ay masyadong malaki, maaaring irekomenda ng doktor ang early delivery.
Hirap sa Paghinga
Ang hirap sa paghinga ay isa rin sa mga potensyal na epekto ng gestational diabetes sa sanggol.
Ayon sa mga eksperto, kapag ang sanggol ay may sobrang glucose o insulin sa kanilang sistema, ang kanilang mga baga ay maaaring hindi ganap na ma-develop. Ang underdevelopment na ito ay maaaring humantong sa mga problema sa paghinga kapag sila ay ipinanganak.
Ang mga respiratory problem ay kadalasang nangyayari sa mga sanggol na ipinanganak bago ang ika-37 linggo ng pagbubuntis.
Hypoglycemia
Kapag ang ina ay may gestational diabetes, ang sanggol ay pwedeng magkaroon ng low blood sugar (hypoglycemia) kapag ipinanganak.
Sa sinapupunan, ang sanggol ay direktang nakakakuha ng kanilang pagkain mula sa kanilang ina. Ibig sabihin na kung ang ina ay may mataas na blood sugar, ang sanggol ay mayroon ding mataas na dami ng glucose sa dugo. Para magamit ang glucose na ito, ang mga sanggol ay kailangang gumawa ng maraming insulin.
Pagkatapos ng kapanganakan, ang sanggol ay mayroon pa ring maraming insulin, ngunit wala na sa kanya ang glucose ng ina. Maaari nitong mapababa ang blood sugar level ng sanggol.
Kung nakita ng doktor na ang blood sugar ng iyong sanggol ay masyadong mababa, maaari nilang isama ang glucose sa intravenous fluid (IVF) ng iyong sanggol.
Birth Defects
Dagdag na risk din ng gestational diabetes sa sanggol ay ang magkaroon ng congenital na kapansanan sa kanilang digestive system, utak at gulugod, mga daluyan ng puso at dugo, pati na rin ang kanilang mga bato.
Stillbirth
Ang stillbirth o ang pagkamatay ng fetus ay mas malamang na mangyari sa mga babaeng may gestational diabetes. Ito ay lalo na kung nakakaranas siya ng matinding problema tulad ng altapresyon at mga damaged blood vessels.
Tandaan na ang eksaktong koneksyon sa pagitan ng gestational diabetes at stillbirth ay hindi pa alam. Pero sinasabi ng mga eksperto na ang panganib ng pagkamatay ng fetus ay tumataas kapag ang blood sugar level ng ina ay hindi maayos na nama-manage.
Mga Posibleng Epekto ng Gestational Diabetes sa Ina
Ang gestational diabetes ay hindi lamang nakakaapekto sa sanggol; maaari rin itong magdulot ng komplikasyon sa ina.
Preeclampsia
Ang isang posibleng komplikasyon ng gestational diabetes ay ang mas mataas na risk na magkaroon ng hypertension at preeclampsia — isang seryosong kondisyong medikal na kailangang pangasiwaan nang mabuti.
Kapag ang isang ina ay may preeclampsia, maaaring magkaroon siya ng high blood pressure na maaaring magdulot ng stroke at seizure sa oras ng labor at panganganak.
Ang preeclampsia ay humahantong din sa pamamaga ng mga daliri at paa. Kasama na ang pagkakaroon ng protina sa ihi – mga sintomas na nagpapakita na ang atay at bato ay maaaring hindi gumagana nang maayos.
Ayon sa mga doktor, ang pinakamahusay na paggamot para sa preeclampsia ay ang delivery ng sanggol. Gayunpaman, kung magkakaroon ka ng preeclampsia sa early stages ng iyong pagbubuntis, ang maagang panganganak ay hindi advisable dahil ang iyong sanggol ay nangangailangan ng mas maraming oras upang mag- mature sa loob ng sinapupunan.
Kung hindi mo pa maipanganak ang sanggol, kailangan mo ng close monitoring. Maaaring ilagay ka ng doktor sa bed rest at bigyan ka ng antihypertensive medications.
Future Diabetes
Karamihan ng mga kaso, ang gestational diabetes ay nawawala kaagad pagkatapos ipanganak ang sanggol. Gayunpaman, ang risk na magkaroon muli ng diabetes sa hinaharap ay nagpapatuloy.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga babaeng may gestational diabetes ay may mas mataas na risk na magkaroon muli nito sa pagbubuntis sa hinaharap. Bukod dito, mayroon din silang mas mataas na risk na magkaroon ng Type 2 diabetes kapag sila ay tumanda.
Pag-iwas sa Mga Komplikasyon ng Gestational Diabetes
Ngayong ay alam mo na ang tungkol sa iba’t ibang komplikasyon ng gestational diabetes para sa ina at sanggol. Oras na para sagutin ang tanong: Ano ang dapat mong gawin upang maiwasan ang mga epektong ito?
Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang iba’t ibang komplikasyon ng gestational diabetes para sa ina at sanggol ay ang pakikipagtulungan sa iyong doktor. Bibigyan ka nila ng isang indibidwal na plano upang mapanatili ang iyong blood sugar sa loob ng normal range.
Maaari mo ring natural na pamahalaan ang gestational diabetes. Ito ay sa pamamagitan ng isang malusog na diyeta, regular na ehersisyo, at close monitoring ng glucose.
Mahahalagang Hakbang na Dapat Gawin Pagkatapos Manganak
Kapag ipinanganak ang iyong sanggol, hinihikayat kang gawin ang mga sumusunod:
- Suriin ang iyong blood sugar levels 6 hanggang 12 linggo pagkatapos manganak.
- Pagkatapos makatanggap ng mga normal na resulta, ipasuri ang iyong blood glucose nang isang beses sa isang taon. Gawin mo pa rin ang screening test kahit na maayos ang pakiramdam.
- Kung sakaling magdevelop ka ng mga sintomas ng mataas na blood sugar, tulad ng pagtaas ng pagkauhaw, madalas na pag-ihi, at tuyong bibig, kumunsulta kaagad sa iyong doktor. Huwag hintayin ang iyong appointment.
Panghuli, bawasan ang risk na magkaroon ng diabetes sa pamamagitan ng paglipat sa isang healthy lifestyle na binubuo ng balanced diet at regular na ehersisyo.