backup og meta

Sanhi Ng Postpartum Depression, Ano Nga Ba? Alamin Dito

Sanhi Ng Postpartum Depression, Ano Nga Ba? Alamin Dito

Ang postpartum depression ay hindi normal na bahagi ng panganganak pero nararanasan ng ilang mga ina. Batay sa mga istatistika, 50% ng mga ina na nakakaranas ng postpartum depression ay mayroon nang mga sintomas sa panahon ng kanilang pagbubuntis. Para mas maunawaan ang kondisyong ito, kailangan muna nating tingnan ang pagkakaiba ng postpartum depression at baby blues, pati na rin ang mga sanhi ng postpartum depression.

Postpartum Depression vs Baby Blues

Ang baby blues ay ang mas banayad na bersyon ng postpartum depression. Ang isang ina ay maaaring makaranas kaagad ng mood swings, kalungkutan, o emptiness pagkatapos manganak. Ngunit ang mga sintomas na ito ay tumatagal lamang ng ilang araw o hanggang dalawang linggo pagkatapos ng panganganak.

Ang postpartum depression, sa kabilang banda, ay isang mental health condition.  Nararamdaman ng isang ina ang matinding negatibong emosyon tulad ng depressive moods, irritability, at galit. Hindi tulad ng baby blues, ang postpartum depression ay maaaring tumagal ng ilang buwan, kahit na taon.

Ang baby blues ay karaniwang mawawala, ngunit ang postpartum depression ay nangangailangan ng paggamot at agarang atensyon. Ang postpartum depression ay magagamot, ngunit siguraduhing matugunan ito kaagad dahil maaaring lumala sa paglipas ng panahon. 

Sintomas ng Postpartum depression at Baby Blues

Senyales at  Sintomas ng Baby Blues

  • Kalungkutan at pagkabalisa
  • Mood swings
  • Pagkainis
  • Pag-iyak
  • Kawalan ng gana 
  • Kawalan ng tulog 
  • Problema sa konsentrasyon

Ang mga palatandaan at sintomas ng postpartum ay mas malala kaysa sa baby blues. Maaaring makagambala ang mga sintomas na ito sa pang-araw-araw na buhay ng isang ina at malamang na magreresulta sa kapabayaan sa bata.

Ang mga palatandaan at sintomas ng postpartum ay kinabibilangan ng:

  • Labis na kalungkutan at iba pang matinding negatibong emosyon tulad ng galit at depressed mood
  • Extreme mood swings 
  • Paglayo sa sarili sa pamilya at mga kaibigan 
  • Mga pag-iyak 
  • Hindi kailangang pagbaba ng timbang o pagtaas ng timbang 
  • Nakakaranas ng mga problema sa pagtulog 
  • Lumalalang memorya at mga kakayahan sa pag-iisip 
  • Mapanira na pag-uugali
  • Gustong saktan ang bata o ang sarili
  • Pagpapakamatay o infanticide

Agarang tulong na propesyonal ang kailangan kung ang postpartum depression ay nagiging sanhi ng ina na saktan ang kanyang sanggol o ang kanyang sarili.

Mga Sanhi ng Postpartum Depression

Ang postpartum depression ay resulta ng iba’t ibang factors.  

Ang mga pagbabagong nararanasan ng isang babae sa panahon ng kanyang pagbubuntis hanggang pagkatapos ng panganganak ay isa sa mga kilalang sanhi ng postpartum depression. 

Kabilang sa mga posibleng sanhi ng postpartum depression ang:

Hormonal changes

Kapag ikaw ay buntis, ang level ng estrogen at progesterone ay tumataas para suportahan ang mga pagbabago ng katawan. Ngunit kung nanganak ka na, ang iyong mga hormone ay babalik sa kanilang mga antas bago ang pagbubuntis isang araw pagkatapos ng panganganak ng iyong sanggol. 

Ang thyroid hormone ng isang babae ay maaari ding bumaba pagkatapos manganak, na maaaring magresulta sa mga sintomas ng depresyon. Ang mga pagbabago sa hormone level ay halos kapareho  kung may regla ang isang babae. Gayunpaman, ang mga postpartum hormone ay maaaring maging pamali-mali. Ito ay maaaring humantong sa mas matinding mood swings at iba pang mga sintomas ng depresyon.

Pagbabagong Pisikal

Maraming mga bagong ina ang nagkaroon ng mga problema sa pagbabalik ng kumpiyansa pagkatapos manganak. Ang mga pisikal na pagbabago tulad ng masakit na panganganak, timbang pagkapanganak, at mga peklat na mayroon sila ay may malaking epekto kung paano tinitingnan ang sarili.

Emosyonal na pasanin

Ang sobrang stress, kawalan ng tulog, at sobrang pagkabalisa sa mga bagong responsibilidad ng pagiging ina ay maaaring magdulot ng emosyonal na pasanin sa mga bagong magulang. 

Ito ang ilan sa mga pinakakaraniwang sanhi ng postpartum depression. Kapag patuloy na nabubuo ang mga emosyong ito, mas mahihirapan ang ina na lumaban.

Risks Factors

Ang isang ina ay maaaring magkaroon ng postpartum depression kahit na hindi ito ang kanyang unang pagbubuntis. Ang ilang kababaihan ay maaaring mas nasa panganib sa kondisyong ito kaysa sa iba. Narito ang ilang risk factors na maaaring magpapataas ng kahinaan ng isang babae sa postpartum depression:

  • Family history ng depression o isang non-pregnancy depression sa nakaraan
  • Kung ikaw ay dumaranas ng bipolar disorder
  • Nakaranas ka ng mga nakababahalang sitwasyon sa mga nakaraang pagbubuntis, tulad ng pagkalaglag, masakit na panganganak, o pagkakasakit
  • Kapag ang iyong bagong panganak ay dumaranas ng sakit o may mga espesyal na pangangailangan 
  • Nahihirapan sa pagpapasuso 
  • Hindi planado o hindi gustong pagbubuntis 
  • Problema sa pag-aasawa o relasyon 
  • Problema sa pananalapi
  • Pagkakaroon ng multiple (kambal, triplets, atbp.)
  • Kakulangan ng suporta mula sa pamilya at mga kaibigan

Paggamot

Ang paggaling mula sa postpartum depression ay maaaring mag-iba depende sa lubha ng kondisyon at kagustuhan ng pasyente na gumaling. Kung ang mga sanhi ng postpartum depression ay nauugnay sa mga problema sa hormonal, maaaring payuhan ka ng iyong doktor na magpatingin sa isang espesyalista. Maaari ring irekomenda ng iyong doktor na kumunsulta sa isang mental health professional. Ito ay  para mas mahusay na mapangasiwaan ang iyong kondisyon.

Paggamot sa baby blues

Dahil ang baby blues ay karaniwang nawawala, narito ang maaari mong gawin para mapabilis ang iyong paggaling:

  • Matulog at magpahinga hangga’t kaya mo
  • Huwag matakot na tumanggap at humingi ng tulong
  • Maglaan ng oras para sa iyong sarili
  • Makipag-usap sa pamilya at mga kaibigan, gayundin sa iba pang mga nanay na nasa parehong sitwasyon 
  • Iwasan ang paggawa ng mga aktibidad na maaaring magpalala sa iyong kondisyon tulad ng paggamit ng mga droga at pag-abuso sa alkohol 
  • Mga diskarte sa pagpapahinga, gaya ng inirerekomenda ng isang psychologist o tagapayo 
  • Mga aktibidad sa pag-iisip 
  • Wastong diet at ehersisyo, pati na rin ang sapat na pagtulog

Postpartum Depression

Ang mga sumusunod ang paggamot sa postpartum depression:

Psychotherapy

Ang psychotherapy o talk therapy ay isa sa mga karaniwang paggamot para sa postpartum depression. Ginagawa ang ganitong uri ng therapy sa gabay ng isang psychiatrist, psychologist, o mental health specialist. Ang talk therapy ay tungkol sa mga pasyente na nagbabahagi ng kanilang mga iniisip, damdamin, at pag-uugali na sa tingin nila ay may malaking papel sa kanilang kalagayan.

Ang talk therapy ay tumutulong sa mga pasyente na tumuklas ng mga paraan kung paano mas mahusay na makayanan ang kanilang mga damdamin at makontrol ang kanilang mga emosyon. Bilang karagdagan, ito ay maaari ding makabuti sa paraan ng kanilang pag-handle sa mga nakababahalang sitwasyon ng mas positibo. Kung minsan, sa isang session ng talk therapy, maaaring kasama ang partner, mga miyembro ng pamilya, at mga kaibigan ng pasyente.

Gamot

Para sa postpartum depression, maaaring payuhan ng doktor ang mga pasyente na uminom ng mga antidepressant para makatulong na mapawi ang mga sintomas ng depression. Kung ikaw ay nagpapasuso, may mga antidepressant na may kaunting epekto sa sanggol na maaaring irekomenda ng iyong doktor.

Kapag ang mga gamot ang iyong inaalala, siguraduhing kumunsulta sa iyong doktor bago subukan ang anumang uri ng antidepressant.

Key Takeaways

Ang postpartum depression ay maaaring makapinsala sa mga ina, lalo na kung hindi ito natugunan ng maayos. Kung hindi ito mapipigilan, hindi lamang mag-iiwan ng permanente at hindi maibabalik na pinsala sa ina, magsisimula rin itong makaapekto sa mga tao sa paligid niya. 
Ang sinumang babaeng kapapanganak lang ay maaaring dumaan sa postpartum depression. Ito ay maaaring mangyari sa atin, at maaari nitong sirain ang pinakamalakas sa atin. Ang ganitong pakiramdam ay hindi nangangahulugan na ikaw ay masamang magulang. Kung may kakilala kang maaaring nakakaranas ng postpartum depression, siguraduhing makipag-ugnayan at mag-alok ng tulong.
Ang paghahanap ng propesyonal na tulong ay ang pinakamahusay na paraan para harapin ang sanhi ng postpartum depression.

[embed-health-tool-ovulation]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Postpartum Depression https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/postpartum-depression/diagnosis-treatment/drc-20376623 Accessed August 28, 2020

Postpartum Depression https://www.womenshealth.gov/mental-health/mental-health-conditions/postpartum-depression Accessed August 28, 2020

Perinatal Depression https://www.nimh.nih.gov/health/publications/perinatal-depression/index.shtml Accessed August 28, 2020

Postpartum Depression and the Baby Blues https://www.helpguide.org/articles/depression/postpartum-depression-and-the-baby-blues.htm Accessed August 28, 2020

Postpartum Depression Statistics https://www.postpartumdepression.org/resources/statistics/ Accessed August 28, 2020

Postpartum depression risk factors: A narrative review, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5561681/, Accessed September 8, 2021

Interpersonal Psychotherapy for Postpartum Depression, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4141636/, Accessed September 8, 2021

Kasalukuyang Version

03/28/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyu ng Eksperto Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Dapat Gawin Pagkatapos Manganak: Heto Ang Dapat Tandaan Ng Mga Ina

Dapat Gawin Kung Nakunan: Gabay Para Sa Mga Ina


Narebyu ng Eksperto

Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

Psychology · In Touch Community Services


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement