backup og meta

Para Saan Ang Prenatal Massage, At Paano Ito Nakatutulong Sa Mga Ina?

Para Saan Ang Prenatal Massage, At Paano Ito Nakatutulong Sa Mga Ina?

Mahalagang malaman ng mga buntis kung para saan ang prenatal massage. Dahil sa mga bagay na pwede nilang maranasan sa pagbubuntis. Maaaring makaranas ng lower back pain at leg cramps ang mga babae. Nauunawaan ito kadalasan ng mommies. Sapagkat kasama talaga sa kanilang pagbubuntis ang ilang mga pananakit at discomforts na ito. Partikular, habang lumalaki ang sanggol sa kanilang sinapupunan. Ang pag-iisip ng pagpapagaan ng mga pananakit na ito — ang dahilan. Kung bakit ang prenatal massage ay nakakaakit sa maraming mga buntis. Ngunit ano nga ba ang prenatal massage,? Ligtas ba ito para sa’yo at sa baby? Alamin dito.

Para Saan Ang Prenatal Massage?

Ang prenatal massage ay isang uri ng massage therapy na partikular na idinisenyo para sa mga buntis. Ito’y nagsasangkot ng iba’t ibang mga pamamaraan ng masahe na sinadya upang mabawasan ang stress — mapawi ang pamamaga, at ang sakit.

Dahil sa sensitive nature nito, isang qualified therapist lamang ang pwedeng magbigay ng prenatal massage. Sa kanilang pagsasanay, alam nila kung paano eksaktong ipoposisyon ang iyong katawan. Kung anong mga diskarte ang gagamitin — at kung saan ka hahawakan, at anong mga lugar ang dapat iwasan.

Para Saan Ang Prenatal Massage: Mga Benepisyo

Ang mga researcher ay nagsagawa ng mga pag-aaral tungkol sa mga benepisyo ng pagtanggap ng pregnancy massage. Nalaman nila na pwede itong:

Bawasan Ang Sakit Sa Binti At Likod

Habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, ang postura ng isang babae ay karaniwang nag-a-adjust. Para muling iayon ang sentro ng grabidad (center of gravity). Ang realigning na ito, kasama ang dagdag na bigat ng lumalaking fetus ay naglalagay ng stress sa ibabang likod.

Sa isang pag-aaral na pinamagatang, “Pregnant women benefit from massage therapy”. Napagpasyahan na ang prenatal massage ay matagumpay na nabawasan ang sakit sa binti at likod ng buntis. Lumalabas sa pag-aaral na ang mga sinanay na therapist ay nagbigay ng 20 minutong masahe sa mga buntis (dalawang beses kada linggo sa loob ng 5 linggo).

Bawasan Ang Pamamaga Sa Mga Binti

Ang isa pang karaniwang alalahanin sa panahon ng pagbubuntis ay ang pamamaga sa mga binti (edema). Ito’y kadalasang nagaganap dahil ang lumalaking matris ay naglalagay ng presyon sa mga ugat ng mga binti — at nagiging sanhi ng pag-ipon ng likido.

Itinatampok ng mga ulat na ang foot massage, gamit ang ilang partikular na langis (buto ng ubas at sweet almonds) ay epektibo sa pagbabawas ng physiological edema ng pagbubuntis.

Pag-Alis Sa Stress, Pagkabalisa, At Depresyon

Ang pagbubuntis ay hindi lamang nagsasangkot sa mga pisikal na pagbabago. Sa maraming mga kaso, ang mga umaasam na ina ay nakakaranas din ng “emotional ups and downs”, kabilang ang depresyon.

Makikita sa isang ulat ng mga mananaliksik kung paano napagpasyahan ng ilang pag-aaral na ang pregnancy massage ay epektibo sa pagbawas ng stress — pagkabalisa — at depresyon. Ibinunyag din nila kung paano nakaranas ng mas kaunting mga komplikasyon ang mga na-depress na buntis na nakatanggap ng prenatal massage.

Mas Mahusay Na Pagtulog

Nakakatulong din ang prenatal massage sa mga buntis na nahihirapang matulog.

Napagpasyahan ng mga mananaliksik na ang masahe ay isa sa mga non-pharmacological intervention na nauugnay sa pinabuting pagtulog ng buntis. Ang iba sa listahan ay ehersisyo at acupuncture.

Para Saan Ang Prenatal Massage: Ligtas Ba Ito?

Ang ilang mga ulat ay nagsasabi na ang paglalapat ng presyon sa ilang mga lugar ay pwedeng mag-trigger ng premature labor. Ngunit wala pang mga pag-aaral para patunayan ang claim na ito.

Upang maging ligtas, kausapin muna ang iyong doktor bago magpatuloy sa anumang bagay. Sinasabi ng mga eksperto na dapat kang mag-ingat lalo na kung ikaw ay:

  • Nasa unang trimester
  • May kasaysayan ng pananakit ng tiyan at pagdurugo
  • Kasalukuyang mayroong kondisyon ng pamumuo ng dugo
  • Nakakaranas ng pagduduwal, pagsusuka, o morning sickness
  • Nagkaroon ng high-risk pregnancy. Halimbawa, mayroon kang mga kondisyon tulad ng preeclampsia, gestational diabetes, atbp.
  • Nasa risk ka ng miscarriage

Sa massage clinic, malamang na hihilingin sa’yo ng therapist na punan ang isang form. Kung saan pwede mong ipaliwanag nang detalyado ang iyong health history. Hinihiling din sa’yo ng ilang klinika na magbigay ng clearance mula sa’yong doktor.

Ang isa pang mahalagang paalala ay ang magtiwala lamang sa isang qualified pregnancy massage therapist. Hilingin ang kanilang prenatal massage certification at suriin kung ang kanilang klinika ay kumpleto sa gamit at malinis.

Sa panahon ng masahe, mahalagang mag-relax. Hindi mo kailangang maging mulat sa sarili. Dahil ang nasa isip lamang ng isang mahusay na massage therapist ay ang iyong kaginhawaan. Kung, sa anumang punto, hindi ka komportable, huwag mag-atubiling sabihin kaagad sa therapist.

Key Takeaways

Ang prenatal massage ay isang uri ng massage therapy na partikular na idinisenyo para sa mga buntis. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ito ay kapaki-pakinabang sa pagbabawas ng sakit, pamamaga, at emosyonal na pagkabalisa. Pwede rin nitong mapabuti ang kalidad ng pagtulog sa panahon ng pagbubuntis. Dapat mong suriin kung ang therapist na magbibigay sa’yo ng masahe ay kwalipikado. Panghuli, makipag-usap muna sa’yong doktor bago magpatuloy sa anumang bagay, lalo na kung mayroon silang pinag-uugatang kondisyon.

Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Pregnant women benefit from massage therapy, https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/10212885/, Accessed March 23, 2021

Comparing the Effect of Foot Massage with Grape Seed Oil and Sweet Almond Oil on Physiological Leg Edema in Primigravidae: A Randomized Clinical Trial, https://www.hindawi.com/journals/ecam/2020/6835814/, Accessed March 23, 2021

Pregnancy and labor massage, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2870995/, Accessed March 23, 2021

Non-pharmacological interventions for sleep quality and insomnia during pregnancy: A systematic review, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3743652/, Accessed March 23, 2021

Pregnancy massage, https://www.healthdirect.gov.au/pregnancy-massage, Accessed March 23, 2021

Is massage safe during pregnancy? https://utswmed.org/medblog/massage-pregnancy-guidelines/, Accessed March 23, 2021

Kasalukuyang Version

05/27/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Mae Antalan, MD


Mga Kaugnay na Post

Prenatal Vitamins Para Sa Buntis: Mahalagang Micronutrients

Anu-Ano Ang Mga Posibleng Matuklasan Sa Fetal Biometry?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement