Isang pangkaraniwang kondisyon sa mga nagdadalaga at nagbibinata ang scoliosis. Ito ay marahil hindi na nila alintala ang kanilang mga pustura kapag nagsasagawa ng iba’t ibang mga aktibidad. Subalit, sa kabila ng maraming natatalang kaso para sa kondisyong ito, hindi naman lahat ay nangangailangan ng surgery upang maisaayos ang pagkakurba ng spine. Alamin kung ano-ano ang mga ehersisyo para sa scoliosis na maaari mong gawin sa iyong bahay.
Ano ang Scoliosis?
Ang spine ay binubuo ng isang stack ng hugis-parihaba na mga building blocks na kung saan tinatawag na vertebrae. Kung titingnan mula sa likod, ang spine ay karaniwang lumilitaw nang tuwid. Gayunpaman, kumukurba na ito kapag apektado na ng scoliosis. Ito ay madalas na hugis ng letrang S o C. Dahil dito, nagmumukhang nakasandal sa isang tabi ang tao.
Kung ikaw ay may scoliosis, maaari mong mapansin at maranasan ang mga sumusunod na senyales at sintomas:
- Hindi pantay na balikat
- Paglitaw ng isang shoulder blade kaysa sa isa
- Hindi pantay na baywang
- Pagtaas ng isang balakang kaysa sa isa
- Pag-usling pasulong ng gilid ng rib cage
- Pagkaprominente ng gilid ng likod kapag nakayukong paharap
Gayunpaman, ang bawat indibidwal ay maaari pa ring makaranas ng iba pang mga sintomas.
Hindi naman nagdudulot ng mga problema ang maliliit na kurba. Ngunit, kapag ito ay lumala sa paglipas ng panahon, maaari na itong makaapekto sa kalusugan ng isang tao. Ang napakalaking kurba ay maaaring makapinsala sa mga kasukasuan at maging sanhi ng arthritis. Higit pa rito, maaaring magkiskisan ang buto sa pelvis, na nagdudulot ng pananakit. Kung ang spine ay nakakurba nang husto, ang tao ay maaaring magkaroon ng problema sa baga. Ang mga ito ang dahilan kung bakit nararapat na maagapan ang kondisyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ehersisyo para sa scoliosis.
Mga Uri ng Scoliosis
Bago tayo tumungo sa mga ehersisyo para sa scoliosis, ating alamin muna ang iba’t ibang klase ng scoliosis.
Congenital Scoliosis
Sa congenital scoliosis, nagkakaroon ng spinal curvature buhat ng maling hugis ng vertebrae. Ang diagnosis para rito ay maaaring isagawa sa maagang pagkabata kung napapansin na ang mga sintomas. Ngunit, marami pa ring mga kaso ang naaantala ang pagsusuri.
Habang lumalaki ang isang bata, maaaring lumala ang kanyang scoliosis, at maaaring magkaroon ng asymmetries sa katawan. Karaniwan, ang uri na ito ay ginagamot sa pamamagitan ng “watch and wait” na approach. Isinasaalang-alang lamang ang operasyon kung ang isang kurba ay malinaw na lumalala at ang bata ay nahaharap sa patuloy na deformity at panganib ng pananakit.
Idiopathic Scoliosis
Ang mga doktor, nars at siyentipiko ay nag-aaral ng natural na kasaysayan at genetika ng scoliosis sa loob ng mga dekada. Ngunit hanggang ngayon, ang sanhi ng idiopathic scoliosis ay hindi pa rin natutukoy.
Sa kabila nito, kapansin-pansin ang pagiging talamak ng naturang klase habang nagbibinata o nagdadalaga, sa edad na 10 pataas. Kapag naman ito ay na-diagnose sa mga batang 2 taong gulang o mas bata pa, ang ganitong uri ay tinatawag na infantile idiopathic scoliosis.
Neuromuscular Scoliosis
Ang isang bata na may pinagbabatayan na neuromuscular condition ay mayroong mas mataas na panganib ng scoliosis. Ang isang tuwid na spine ay nangangailangan ng normal muscle balance at lakas sa katawan.
Madalas na mahina at hindi balanse ang mga muscles sa mga sumusunod na kondisyon:
- Cerebral palsy
- Spina bifida
- Muscular dystrophy
Ano-ano ang mga Ehersisyo Para sa Scoliosis?
Ang Schroth method ay tumutukoy sa isang nonsurgical option para sa paggamot ng scoliosis. Gumagamit ito ng mga ehersisyo para sa scoliosis na na-customize para sa bawat pasyente upang maibalik ang hubog ng spine sa mas natural na posisyon. Layunin nito na i-de-rotate, pahabain at patatagin ang spine sa isang three-dimensional plane. Ito ay nakakamit sa pamamagitan ng physical therapy na nakatutok sa mga sumusunod:
- Pagpapanumbalik ng muscular symmetry at posture alignment
- Paghinga sa concave side ng katawan
- Pagtuturo na magkaroon ng kamalayan sa iyong postura
Kung ikaw ay na-diagnose na may scoliosis, mahalagang maging mas maging malay ka sa iyong katawan, lalo na ang iyong spine. Makatutulong ito sa pagwawasto ng pustura at posisyon ng iyong spine sa mga pang-araw-araw na gawain.
Kung kaya, narito ang ilan sa mga halimbawa ng ehersisyo para sa scoliosis na maaari mong gawin:
- Pelvic Tilts
- Cat-camel
- Double leg abdominal press
- Single leg balance
- Plank
Mahalagang Mensahe
Karamihan sa mga mild scoliosis curves ay hindi nangangailangan ng paggamot. Ngunit, mas malaki ang posibilidad na ito ay lumala habang lumalaki pa ang iyong mga buto. Kung kaya, kakailanganin mo ng regular na check-up sa iyong doktor upang matiyak na hindi ito lumalaki. Layunin ng paggamot, tulad ng mga ehersisyo para sa scoliosis, ang pahintuin ang pag-unlad ng curve at maiwasan ang deformity.
Alamin ang iba pa tungkol sa Orthopedics dito.