backup og meta

Mga Lunas Sa Ubo Na Maaaring Gawin Sa Bahay

Mga Lunas Sa Ubo Na Maaaring Gawin Sa Bahay

Lahat tayo ay nagkaroon na ng ubo, dahil ito ay sintomas ng maraming mga nakahahawang sakit tulad ng karaniwang sipon, at marami pang iba. Kung minsan, maaari itong maging senyales ng mga mas malulubhang sakit. Ngunit mas madalas, iniisip nating ito ay “ubo lang.” Sa kabila ng pagiging isang karaniwang sintomas ng lahat, mula sa namamagang lalamunan hanggang sa bronchitis, ang ubo ay hindi dapat balewalain, lalo na para sa mga kaso kung saan ang ubo ay hindi nawawala sa loob ng mahabang panahon. Kinakailangan itong ikonsulta sa doktor. Ngunit para sa mga hindi gaanong malulubhang kaso, maaaring makatulong na malaman ang epektibong lunas sa ubo na maaaring gawin sa bahay.

Ang ubo ay isang reflex (tulad ng pagkurap o pagbahing) na naglabas ng hangin mula sa respiratory tract upang maalis ang irritants. Ayon sa pananaliksik, ang ubo ay nagsisilbing natural na respiratory defense system ng katawan. Kung ang irritant ay pumasok sa katawan, nagpapadala ito ng stimulus sa iba’t ibang nerve endings. Pinoproseso ng brainstem ang interaksyong ito, na nagpapasimula ng ubo.

Mga Uri Ng Ubo

Maaaring tumagal ng ilang araw o hanggang dalawang linggo ang malubhang ubo. Dahil madalas na hindi kinakailangan ang gamutan, magandang malaman ang mga mabibisang lunas sa ubo na maaaring gawin sa bahay upang mapawi ang hindi maginhawang pakiramdam. Ngunit kung hindi nawawala ang ubo sa loob ng higit tatlong linggo, mainam na komunsulta sa doktor dahil maaaring kailanganin ng medikal na atensyon.

Narito ang lahat ng mga kailangang mahahalagang kaalaman tungkol sa apat na uri ng ubo:

1. Basang Ubo

Kapag bumabara ang liquid sa mga daanan ng hangin, nagkakaroon ng basang ubo o wet cough. Kilala bilang productive cough, nagdudulot ito ng hindi pangkaraniwang dami ng plema o mucus. Minsan, nagiging sanhi rin ito ng kahirapan sa paghinga.

Nagsisimula ang basang ubo kapag ang mga virus (na karaniwang virus na sanhi ng sipon o trangkaso) o bakterya ay nagdudulot ng impeksyon sa respiratory system. Bilang reaksyon ng katawan, ito ay nagsisimulang magprodyus ng mucus upang panatilihing basa ang lining ng daanan ng hangin, gayundin upang protektahan ang mga baga mula sa mikrobyo. Inaalis din nito ang irritants upang pigilan ang impeksyon.

Kapag ang isang tao ay dumaranas ng basang ubo, nangyayari ang “expectoration” o produksyon ng plema.

Kung magpatuloy ang ubo nang higit sa tatlong linggo, pinakamainam na kumonsulta sa doktor. Susuriin ng doktor kung ang ubo ay sanhi ng mga mas malulubhang sakit tulad ng:

2. Tuyong Ubo

Angtuyong ubo ay tinatawag ding non-productive cough dahil sa kawalan ng mucus o plema. Ito ay maaaring sanhi ng kontaminadong hangin tulad ng usok at alikabok na nakaiirita sa lalamunan.

Maaaring kusang mawala ang tuyong ubo pagkatapos ng ilang araw. Kung hindi ito bumuti sa loob ng tatlong linggo, maaaring magkaroon ng matinding tuyong ubo, na kadalasang may kasamang sipon. Kung ito ay lumubha at tumagal nang higit sa walong linggo, ito ay hindi gumagaling na tuyong ubo at maaaring senyales ng mas malubhang sakit. Karaniwang sanhi ito ng paninigarilyo, asthma, o matagal na pagkakalantad sa irritants.

Kung minsan, ang tuyong ubo ay sintomas ng mga mas malulubhang sakit. Sa ganitong mga kaso, ang tuyong ubo ay maaaring sanhi ng alinman sa mga sumusunod:

  • Gastroesophageal reflux disease (GERD)
  • Pagiging sensitibo ng mga ugat
  • Side effects ng gamot
  • Heart failure
  • Cancer sa baga

Kapag may pagdududa, palaging magandang ideya na kumonsulta sa doktor kung may nakararanas ng hindi nawawalang tuyong ubo.

3. Croup Na Ubo

Ang ubong parang tahol ay nagpoprodyus ng masikip, mababang tonong tunog na tila tahol, na karaniwang nilalarawan bilang barking seal. Sanhi ng virus ang ganitong ubo, kadalasan ng parainfluenza virus, na namumuo sa vocal cords at trachea. Ang ganitong impeksyon ay maaaring magdulot ng pamamaga.

Mas madaling kapitan nito ang mga maliliit na bata dahil maliit ang kanilang mga daanan ng hangin, na nagpapahirap sa paghinga.

4. Paroxysmal Na Ubo

Ang paroxysmal na ubo ay hindi mapigilang ubo at kadalasang masakit. Masakit at nakakapagod ang ganitong ubo. Ang mga pasyenteng may ganitong ubo ay maaaring mahirapang huminga at magsuka.

Ang pinakakaraniwang sanhi ng paroxysmal cough ay ang Pertussis o whooping cough. Ito ay nakahahawang sakit na sanhi ng bakteryang tinatawag na B. pertussis. Pumapasok ito sa bronchi at bronchioles na nagiging sanhi ng pananakit at paninikip sa mga daanan ng hangin. Humahantong ito sa kakapusan ng paghinga at matinding ubo na gumagawa ng kakaibang “whooping” na tunog. Dahil dito, ang uring ito ng ubo ay nangangailangan ng espesyal na tulong medikal dahil maaari itong makahawa mula sa isang tao patungo sa iba kung hindi agad magagamot.

Ang iba pang mga sakit na maaaring maging sanhi ng ganitong uri ng ubo ay kinabibilangan ng:

  • Hika
  • Pagkasakal
  • COPD
  • Pulmonya
  • Tuberculosis

Triggers Ng Ubo

Maaaring sanhi ng iba’t ibang kadahilan ang pag-ubo. Bagama’t karamihan sa mga kaso ay pansamantala lamang, ang ibang mga kaso ay maaaring panghabambuhay. Ang pag-alam sa triggers ng ubo ay ang unang hakbang upang malaman kung alin sa mga lunas sa ubo na maaaring gawin sa bahay ang mabisa para sa pasyente.

Kabilang sa triggers ng ubo ay ang mga sumusunod:

1. Impeksyon (Viruses At Bakterya)

Ang pinakakaraniwang sanhi ng ubo ay ang impeksyon sa respiratory tract, tulad ng sipon o trangkaso. Ang impeksyon mula sa trangkaso o sa virus na sanhi ng sipon ay karaniwang tumatagal ng ilang araw hanggang isang linggo. Sa kabilang banda, ang impeksyong dulot ng bakterya ay may posibilidad na manatili nang mas matagal at maaaring mangailangan ng gamot.

2. Asthma At Allergy

Ang nalalanghap na particles na maaaring mag-trigger ng hika at allergy ay posibleng maging sanhi ng ubo. Ito ang paraan ng pagtugon ng katawan habang sinusubukan nitong alisin ang anomang nasa loob ng ating katawan upang maiwasan ang anomang mas malalang maaaring mangyari.

Ngunit hindi palaging kapaki-pakinabang ang reaksyong ito ng katawan. Lalo na sa allergy. Sa ilang mga kaso, maaari itong mag-trigger ng mas mapanganib na reaksyon na tinatawag na anaphylaxis, na maaaring nakamamatay. Kaya naman ang pagkontrol sa asthma at allergy ay mahalaga.

Bilang starter, ang lunas sa ubo na triggered ng hika at allergy ay kinabibilangan ng pag-alis ng allergens mula sa kapaligiranat maging sa diet.

3. Irritants

Maaaring walang hika o allergy ang isang tao, ngunit ang paglanghap sa tiyak na mga bagay ay maaari pa ring maging sanhi ng ubo. Kabilang dito ang usok ng sigarilyo o matatapang na amoy. Ang pagbabago ng panahon ay maaari ding irritant

4. Acid Reflux (GERD)

Ang acid na nanggagaling sa lalamunan ay maaaring makairita sa mga daanan ng hangin at maging sanhi ng ubo.

5. Postnasal Drip

Ang pagkakaroon ng ubo ay nangangahulugang ang sobrang mucus mula sa sinus ay bumababa sa lalamunan at nagti-trigger ng ubo.

Lunas Sa Ubo: Home Remedies

Pinakamainam na gawin ang paggamot sa ubo upang maiwasan itong lumubha. Maaaring mag-iba-iba ang mga gamutan ayon sa tiyak na dahilan.

Pinakakapaki-pakinabang ang mga gamot na ibinigay ng doktor upang gumaling ang sakit. Ngunit kung ang ubo ay hindi malubha, mayroon ding iba pang mga paraan upang maibsan ang problema sa ubo bukod sa mga gamot. Narito ang ilan sa mga mabibisang lunas sa ubo na maaaring gawin sa bahay:

  • Manatiling hydrated.
  • Magpatong ng mga unan sa ilalim ng iyong ulo kapag natutulog. Ito ay maaaring maging epektibo kung dumaranas ng postnasal drip o GERD.
  • Gumamit ng cough drops.
  • Magmumog na may maligamgam na tubig na may asin o may oral antiseptic.
  • Iwasan ang triggers ng ubo hangga’t maaari.
  • Huminga ng steam.
  • Maglagay ng pulot o honey at luya sa tsaa.
  • Gumamit ng decongestant upang maalis ang bara sa sinus.
  • Regular na uminom ng vitamins dahil makatutulong itong palakasin ang immune system.

Key Takeaways

Pangkaraniwang sakit ang ubo na madalas makuha ng mga tao. Samakatuwid, dapat malaman ang mga sanhi nito upang malaman kung anong aksyon ang maaaring gawin. Sa mga hindi gaanong malulubhang kaso, maaaring maghanap ng epektibong lunas sa ubo na maaaring gawin sa bahay. Ngunit tandaang kumonsulta sa doktor kung kinakailangan.

Matuto pa tungkol sa mga Nakahahawang Sakit dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cough, https://www.mayoclinic.org/symptoms/cough/basics/definition/sym-20050846, Accessed May 2, 2020

Learn about cough, https://www.lung.org/lung-health-diseases/lung-disease-lookup/cough/learn-about-cough, Accessed May 2, 2020

Cracking the cough code, https://www.health.harvard.edu/diseases-and-conditions/cracking-the-cough-code, Accessed May 2, 2020

Health Check: why do I have a cough and what can I do about it?
https://theconversation.com/health-check-why-do-i-have-a-cough-and-what-can-i-do-about-it-119172, Accessed May 2, 2020

Why you cough, https://www.webmd.com/cold-and-flu/overview, Accessed May 2, 2020

Kasalukuyang Version

04/12/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Jezreel Esguerra, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Mga Sintomas Ng Tetanus Na Kailangan Mong Bantayan Sa Mga Bata?

Covid Sa Bata: Heto Ang Mga Dapat Tandaan Ng Mga Magulang


Narebyung medikal ni

Jezreel Esguerra, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement