Tulad ng salmonellosis, ang listeria infection ay isang foodborne disease. Bagaman puwede nitong maapektuhan ang sinoman, mas delikado ito sa mga taong mahihina ang resistensya, buntis, at matatanda. Narito ang dapat mong malaman tungkol sa listeria sa pagkain na deli meat at keso.
Paano napupunta ang listeria sa pagkain na deli meat at keso?
Maaaring mapunta sa mga halaman at hayop ang listeria sa pagkain na mula sa lupa at tubig. Ang problema dito, ang mga hayop na nahawahan nito ay puwedeng magmukhang malusog, kaya’t patuloy lang ang mga tagapag-alaga ng hayop sa pagkuha ng karne at gatas mula sa mga ito at ibenta sa pamilihan. Tumataas ang panganib na makakuha ng listeria kapag kumain ang tao ng hilaw na karne o uminom ng unpasteurized milk.
Kung ganito ang kaso, bakit may mga taong nakakakuha ng listeria sa pagkain tulad ng deli meat at keso? Luto na ang mga pagkaing ito, tama?
Oo, ang mga deli meat, na kilala rin bilang luncheon meat o cold cuts, ay precooked cured slices ng karne. Gayunpaman, puwede ka pa ring makakuha ng listeria sa pagkain nito. Ayon sa mga eksperto, ang mga proseso na nangyayari pagkatapos ng pagluluto tulad ng pag-handle, paghiwa, at pag-iimbak ay maaaring magdala ng bacteria sa karne.
Para naman sa mga keso, pakatandaang ilan sa mga uri nito ay gawa sa unpasteurized na gatas. Dagdag pa, ang soft cheeses tulad ng camembert at brie ay surface-ripened, na ang ibig sabihin, hininog ito mula sa ibabaw hanggang sa interior sa tulong ng mga amag, bacteria, o lebadura.
Kumain ako kamakailan lang ng mga deli meat at soft cheese, ano ang dapat kong gawin?
Kamakailan ka lang bang nakakain ng luncheon meat at soft cheese? Maaaring mula sa kahon ng regalong may lamang iba’t ibang dried fruits, deli meat, soft at hard cheese, mani, at crackers? Kung oo, wala kang dapat gawin maliban kung makaranas ka ng ilang senyales at sintomas ng listeria o iba pang foodborne disease.
Hindi palaging nagdudulot ng listeria infection ang pagkain ng deli meat at soft cheese. Ngunit kung makaranas ka ng mga sumusunod, tiyaking kumonsulta sa doktor:
- Temperaturang 38 C o mas mataas pa
- Panginginig
- Pakiramdam na may sakit
- Pagsakit ng katawan
- Pagtatae
Pakatandaang maaari kang magkaroon ng mga sintomas ilang araw o higit pa sa isang buwan matapos kumain ng kontaminadong pagkain. Sakaling kumalat ang impeksyon sa nervous system, maaaring makaranas ang tao ng:
- Paninigas ng leeg
- Pananakit ng ulo
- Kombulsyon
- Kawalan ng balanse
- Pagkalito
Sinasabi ng mga eksperto na karaniwang hindi nagsasakit ng listeria ang taong malusog, ngunit maaari itong nakamamatay para sa mga sanggol sa sinapupunan o para sa mga taong nakompromiso ang immunity.
Paano Gamutin ang Listeria sa Pagkain
Sakaling magkaroon ka ng listeria sa pagkain, nakadepende sa lala ng mga sintomas ang gamutan dito. Maaaring hindi na kailangan ng gamutan ang mga mild na kaso dahil maaaring mawala nang kusa ang impeksyon. Para sa mas malalang kaso, maaaring magreseta ang iyong doktor ng antibiotics.
Nangangailangan ng agarang gamutan ang mga buntis na may listeria dahil makatutulong ang antibiotic therapy upang maiwasang mahawahan ng listeria ang sanggol.
Mga Tip Upang Maiwasan ang Listeria sa Pagkain
Upang maiwasan ang listeria sa pagkain, tandaan ang mga sumusunod:
- Lutuin ang husto ang mga karne, kabilang na ang itlog, baka, baboy, manok, at isda.
- Maghugas ng mga kamay bago magluto at maghanda ng pagkain. Maghugas din ng mga kamay pagkatapos humawak ng hayop o hilaw na karne.
- Panatilihing malinis ang lahat. Inirerekomenda ng US FDA ang paglilinis ng refrigerator shelves, tadtaran, kubyertos, at mesa kung saan ka nagpatong ng mga hilaw na karne. Inirerekomenda rin nilang i-sanitize ang mga ito gamit ang pinaghalong 1 kutsarang chlorine at 1 galong mainit na tubig bago tuyuin ng malinis na tela.
- Tiyaking gawa sa pasteurized na gatas ang keso mong kakainin
- Huwag uminom ng unpasteurized na gatas
- Initing muli ang deli meat hanggang sa ito’y umusok.
- Ihiwalay ang hilaw na karne sa iba pang pagkain, malilinis na lalagyan, at hindi pa gamit na kasangkapan.
Key Takeaways
Ang listeria ay isang foodborne disease na puwede mong makuha sa deli meat at keso. Sinasabi ng mga eksperto na hindi kadalasang nagkakasakit ang mga taong malulusog. Gayunman, maaari itong nakakamatay para sa mga taong mahina ang resistensya at mga sanggol sa sinapupunan, kaya’t dapat mag-ingat ng mga buntis. Maaaring hindi na mangailangan ng antibiotics kung mild lang ang kaso. Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang listeria sa pagkain ay lutuing mabuti ang pagkain, uminom lamang ng pasteurized na gatas, at panatiling malinis ang mga lugar kung saan ka nagluluto o humahamak ng pagkain.
Matuto pa tungkol sa foodborne diseases dito.