Ang pinakapangunahing sanhi ng food poisoning o sakit na dulot ng pagkain ay ang mga pagkaing kontaminado ng mga virus, bakterya, at maging parasites. Anumang oras ay maaaring mangyari ang kontaminasyon ng pagkain, sa pag-aani nito, pagbabalot, at pagbebenta. Maaari ding makontamina ng mga bakterya at virus ang mga pagkain kahit sa ating mga bahay. May iba’t ibang haba ng panahon kung gaano katagal bago tamaan ng food poisoning o kung kailan mararanasan ang mga sintomas. Alamin ang mga impormasyon tungkol sa food poisoning sa artikulong ito.
Gaano Katagal Bago Tamaan Ng Food Poisoning?
Ang ating bituka ay perpektong lugar upang pamahayan ng mga bakterya at virus. Ito ay nagtataglay ng bakterya na nakatutulong sa pagtunaw ng mga pagkain. Dito natutunaw ang maraming mga pagkain at sustansya na sisipsipin ng katawan. Kung ang ilang mapapanganib na microorganisms ay makapasok sa bituka, hindi ito agad nagdudulot ng problema. Ang mga ito ay nadedebelop at lumalaki bago maging sanhi ng food poisoning.
Gaano katagal bago tamaan ng food poisoning? Lubhang iba-iba ang tagal ng panahon bago makaranas ng mga sintomas nito. Ang ibang bakterya at viruses ay maaaring maging sanhi ng mga sintomas makalipas ang ilang oras ng pagkain habang ang iba naman ay inaabot ng mga araw o maging mga linggo. Nakadepende rin ang kalubhaan ng kondisyon sa uri ng microorganism na nakakontamina sa pagkain. May ibang bakterya at viruses na maaaring maging sanhi lamang ng lagnat at pagsakit ng tiyan. Gayunpaman, ang iba ay maaaring magdulot ng mga karagdagang sintomas tulad ng pagtatae at pagsusuka.
Mga Karaniwang Sakit Dulot Ng Pagkain At Gaano Katagal Bago Tamaan Ng Food Poisoning
Anisakis simplex
Ang Anisakis simplex ay isang parasite na may siklo ng buhay na kinabibilangan ng mga isda at marine mammals. Maaari itong makaapekto sa isang tao kung siya ay makakain ng infected na mga hayop. Kadalasang umaabot ng 12 oras bago maranasan ang mga sintomas. Ngunit maaari din itong abutin nang ilang mga araw sa ilang mga kaso. Ito ay karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng pagkain ng mga isdang dagat. Maaari itong maging sanhi ng mga sintomas tulad ng ubo at pagsakit ng tiyan.
Bacillus cereus
Ang Bacillus cereus ay isa sa pinakakaraniwang contaminants na nagiging sanhi ng food poisoning. Ito ay dahil maaaring makita ang mga ito sa mga gulay at sa maraming mga hilaw at processed na mga pagkain. Ang incubation period nito ay kadalasang nauuri sa dalawang kategorya: Emetic na anyo, na kadalasang nangyayari makalipas ang 2-3 oras, at ang diarrheal na anyo, na karaniwang nangyayari matapos ang 8-12 oras. Maaaring kabilang sa mga sintomas nito ay ang matubig na pagtatae, katamtamang pagduduwal na may kasamang pagtitibi, pagsakit ng tiyan, bihirang pagsusuka at walang lagnat.
Campylobacteriosis
Ito ay isang sakit na sanhi ng bakterya, partikular na ang Campylobacter species. Ito ay matatagpuan sa mga hayop tulad ng baka, manok, baboy, at mga ibon. Ang pinakakaraniwang paraan ng pagiging infected nito ay sa pamamagitan ng pagkain ng kontaminadong pagkain (lalo na ang manok) o pag-inom ng tubig. Kadalasang umaabot ng 2 hanggang 5 araw bago magsimulang maranasan ang mga sintomas. Karaniwang kasama sa mga sintomas ang lagnat, pagduduwal, pagtatae (madalas na may kasamang dugo), pagsakit ng tiyan at minsan ay pagsusuka. Sa ilang mga malulubhang kaso, maaari nitong gayahin ang ibang mga kondisyon tulad ng acute appendicitis o ulcerative colitis.
Botulism
Ang mga sintomas ng botulism ay karaniwang nararanasan sa matapos ang 18-36 oras ng pagkain ng kontaminadong pagkain. Gayunpaman, maaari ding 6 na oras hanggang 10 araw. Maaaring magkaroon nito sa pamamagitan ng pagkain ng pulot, delatang nakaumbok ang lalagyan, patatas na baked sa aluminum foil, at binurong isda. Ang botulism ay isang medikal na emergency dahil ito ay maaaring maging sanhi ng respiratory failure at pagkamatay kung hindi magagamot. Kaya naman, kailangan ang agarang aksyon.
Perfringens Food Poisoning
Ang Clostridium perfringens ay isa sa pinakakaraniwang contaminants at sanhi ng food poisoning. Nasa pagitan ng 5-24 oras ang incubation nito. Karaniwang kasama sa mga sintomas nito ang pagtatae at pagsakit ng tiyan. Kadalasang nawawala nang kusa ang mga sintomas na ito sa loob ng isang araw. Bilang resulta, marami sa mga kaso nito ay hindi naiuulat. Madalas itong nakikita sa baka, manok, at mga sawsawang gawa sa karne na iniwan nang matagal sa lamesa.
E. coli Infection
Ang incubation period ng E. coli ay kadalasang nasa pagitan ng 3 hanggang 8 araw, na may median na 3 hanggang 4 na araw. Pinakakaraniwan itong nagtatagal sa loob ng 10 araw, kung saan karamihan ng mga pasyente ay gumagaling. Subalit sa ilang mga pasyente, partikular na ang mga bata at nakatatanda, ito ay maaaring humantong sa mga nakamamatay na kondisyon. Ito ay kadalasang matatagpuan sa tubig o pagkaing kontaminado ng dumi ng tao. Kabilang sa mga sintomas nito ang matubig na pagtatae at pagsakit ng tiyan.
Hemorrhagic Colitis
Ito ay sanhi ng causative agent na tinatawag na E. coli O157:H7. Ang incubation period nito ay kadalasang umaabot ng 3 hanggang 4 araw ngunit maaaring nasa pagitan ng 1 hanggang 10 araw. Iba-iba ang mga resulta ng impeksyon at maaari nitong gayahin ang ibang mga sakit. Kadalasan itong matatagpuan sa hindi gaanong lutong karne ng baka, unpasteurized na gatas, kontamninadong tubig, katas at hilaw na mga gulay at prutas.
Hepatitis A
Hindi bababa sa 15 araw at karaniwang hanggang 28 araw bago maranasan ang mga sintomas ng Hepatitis A. Ito ay karaniwang nakikita sa mga hilaw na pagkain, pagkaing hindi iniinit nang mabuti, shellfish, at kontaminadong tubig. Maaari itong maging sanhi ng mga sintomas tulad ng trangkaso gaya ng biglang pagkakaroon ng lagnat, pagduduwal, panghihina ng katawan, hindi komportableng pakiramdam sa tiyan, anorexia, madilim na kulay ng ihi, at paninilaw ng balat.
Listeriosis
Gaano katagal bago tamaan ng food poisoning dulot ng listeriosis? Maaaring umabot ng 9 hanggang 48 oras bago makaranas ng pagtatae, pagduduwal, at lagnat. Kadalasang umaabot ng hanggang 2-6 na linggo bago lumubha ang kondisyon. Ito ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng sanggol sa sinapupunan ng ina at bacteremia o meningitis sa mga immunocompromised na indibiduwal. Maaaring matagpuan ang bakteryang ito sa upasteurized na gatas at mga produktong gatas.
Noroviruses
Ang norovirus ay lubhang nakahahawa at kadalasang sanhi ng food poisoning. Ang incubation period nito ay nasa pagitan ng 12-48 oras. Kadalasang natatagpuan ang noroviruses sa mga hindi lutong pagkain, kontaminadong tubig at shellfish mula sa kontaminadong tubig. Ang uri ng food poisoning na ito ay kadalasang may mga sintomas na kinabibilangan ng pagduduwal, pagsusuka, pagtataeng matubig ngunit walang dugo, at pagsakit ng tiyan. Sa ilang mga kaso, nararanasan din ang mga sintomas tulad ng pagsakit ng muscles, panghihina ng katawan, at pagsakit ng ulo.
Rotavirus
Ang rotavirus ay ang pinakakaraniwang sanhi ng food poisoning, maging ng sakit na pagtatae sa mga sanggol. Ang incubation period nito ay kadalasang umaaboy ng 1-3 oras. Kadalasan itong natatagpuan sa mga hilaw na karne, shellfish, salad, o anomang pagkaing karaniwang kinakain nang malamig. Kabilang sa mga sintomas ng rotavirus infection ay ang malubhang lagnat, matubig na pagtatae, pagsusuka, at/o pagsakit ng tiyan.
Salmonella
Ang incubation period ng salmonellosis ay kadalasang umaabot ng 12 (araw o oras). Gayunpaman, maaari itong tumagal ng 72 oras o higit pa. Ito ay kadalasang natatagpuan sa mga karne, itlog, at iba pang mga produktong may gatas at manok. Kabilang sa mga sintomas ng salmonella infection ay ang biglaang pagtatae, pagsakit ng tiyan, lagnat, na may paminsan-minsang pagduduwal at pagsusuka. Ang sakit ay kadalasang nagtatagal nang 4-7 araw.
Shigellosis
Ang incubation period ng Shigellosis ay nakadepende sa serotype ng virus na nakaapekto sa isang tao. Ito ay nasa pagitan ng 12 oras hanggang 4 araw, ngunit karaniwang umaabot ng 1-7 araw. Ang mga sintomas nito ay lagnat, pagtataeng may dugo, matinding pagsakit ng tiyan, at dehydration. Natatagpuan ito sa mga pagkaing hindi gaanong luto at kontaminadong tubig.
Staphylococcal Food Poisoning
Ang mga sintomas nito ay kadalasang nadedebelop sa loob ng 30 minuto hanggang 8 oras pagkatapos kumain o uminom ng kontaminadong pagkain o tubig. Hindi ito nagtatagal nang higit sa 1 araw. Ang malubhang uri ng sakit na ito ay bihira. Kadalasan itong natatagpuan sa mga karne, gatas, mga produktong may gatas, at produce na hindi naitago nang mabuti. Ang food poisoning na ito ay maaaring maging sanhi ng biglaang pagsakit ng tiyan at pagsusuka.
Vibrio parahaemolyticus Infection
Ang incubation period nito ay kadalasang umaabot ng 24 oras. Ngunit ang mga sintomas nito ay maaaring magsimula 4 oras hanggang 96 oras pagkatapos makapasok sa katawan ang bakterya. Kabilang sa mga sintomas nito ang matubig na pagtatae o pagtataeng may dugo, pagsakit ng tiyan, pagduduwal at pagsusuka, lagnat at pagsakit ng ulo. Ang mga sintomas ay karanuwang nagtatagal ng 1 hanggang 7 araw. At sa karamihan ng mga kaso, hindi kinakailangan ang gamutan. Bihira lamang ang malubhang sakit, at pinakamadalas itong nararanasan ng mga pasyenteng immunocompromised.
Vibrio vulnificus Infection
Ang incubation period nito ay 12-72 oras. Kadalasang kabilang sa mga sintomas ang lagnat, matubig na pagtatae (ngunit minsan ay maaaring may dugo), pagsusuka, pagsakit ng ulo, at pagsakit ng tiyan. Ang sakit ay maaaring magtagal nang isang linggo. Karaniwang itong nakikita sa hindi gaanong lutong pagkain o hilaw na mga lamang-dagat, lalo na ang talaba. Bukod sa pagtatae at pagsakit ng tiyan, maaari din itong maging sahi ng pagdurugo sa balat. Maaaring maging nakamamatay ang impeksyong ito para sa mga immunocompromised na indibidwal o mga pasyenteng may sakit sa atay.
Key Takeaways
Gaano katagal bago tamaan ng food poisoning? Lubhang magkakaiba ang incubation period ng iba’t ibang contaminants ng pagkain na nagiging sanhi ng food poisoning. Gayundin sa kalubhaan ng sintomas na maaaring maranasan.
Matuto pa tungkol sa mga impeksyong dulot ng pagkain dito.