backup og meta

First Aid Sa Food Poisoning: Heto Ang Dapat Mong Malaman

Ang pagkain ay nagbibigay ng enerhiya at lakas na kailangan mo sa isang araw. Higit pa rito, kung gaano ka malusog ay nakasalalay, sa maraming paraan, sa kung gaano ka kalusog kumain. Kaya naman, mahalaga ang maayos na pagluluto at paghahanda ng pagkain. Para mapanatili itong sariwa at maiwasan ang kontaminasyon. Kung hindi ka maingat, maaari kang makakain ng kontaminadong pagkain at magsuffer sa foodborne na sakit, na mas kilala bilang food poisoning. Sa ganitong mga kaso, ang first aid sa food poisoning ay mahalagang malaman.

Ano ang mga Sanhi ng Food Poisoning?

Sanhi ng food poisoning ang pagkain ng kontaminadong pagkain na may infectious organisms – kabilang ang parasites, viruses, at bacteria.

Ang mga sangkap ng pagkain ay maaaring kontaminado sa oras ng paggawa at paghahanda ng pagkain. Ang hindi wastong paghahanda ng pagkain ay maaari ding mag-ambag sa kontaminasyon nito. Ito ay maaaring mangyari sa kulang sa luto na pagkain. Kasama din ang paggamit ng isang kagamitan para karne at gulay, tulad ng kutsilyo, o chopping board. Higit pa rito, nagkakaroon ka rin ng panganib ng kontaminasyon kapag ang pagkain ay hindi wastong nakaimbak sa refrigerator.

Mga Palatandaan at Sintomas: Kailan Kailangan ng First Aid sa Food Poisoning

Maaaring magkaroon ng mga sintomas ng food poisoning sa loob ng 5 – 72 oras pagkatapos ng impeksyon. Bagama’t maaaring mag-iba ang mga palatandaan at sintomas depende sa pinagmulan ng kontaminasyon. Ang pinaka karaniwang sintomas ng pagkalason sa pagkain ay ang mga sumusunod:

  • Pagduduwal
  • Pagsusuka 
  • Pananakit ng tiyan at pulikat 
  • Lagnat o temperaturang 37.8C pataas
  • Matubig o madugong pagtatae

Ang sinumang dumaranas ng mga sintomas na ito ay nasa panganib na ma-dehydrate.

First Aid sa Food Poisoning 

Ang ilang sintomas ng pagkalason sa pagkain ay mapapamahalaan sa bahay. Narito ang ilang hakbang na dapat gawin sa first aid sa food poisoning:

  • Habang lumalala ang pagduduwal at pananakit ng tiyan, payuhan ang pasyente na magpahinga, humiga, at hayaang maka-relax ang kanyang tiyan.
  • Mahalagang hikayatin ang pasyente na uminom ng kaunting tubig kung siya ay nagsusuka para maiwasan ang dehydration.
  • Kung ang pasyente ay dumaranas din ng pagtatae, mas mahalaga na palitan ang mga nawawalang likido at asin. Kasama din ng first aid sa food poisoning, bigyan sila ng ORS (oral rehydration solution) para mapunan ang mga nawawalang likido.
  • Kung humina ang pagsusuka at muling nakaramdam ng gutom ang pasyente, payuhan silang kumain ng bland, light, at madaling matunaw na pagkain. Subukan ang saging, toast, o crackers. Umiwas sa caffeine, alkohol, o fizzy drinks.
  • Bantayan at obserbahan ang pasyente kung sakaling lumala ang mga sintomas.

Mga Paalala: Huwag agad uminom ng mga gamot nang walang tamang pagsusuri ng doktor/nurse. May ilang mga tao na agad na umiinom ng mga gamot na panlaban sa pagtatae. Ito ay maaaring magpalala sa sitwasyon. 

Para sa mga umiinom ng mga pain reliever/paracetamol o anti-spasmodics tulad ng Buscopan, kailangan nilang inumin nang may pag-iingat dahil maaari nitong matakpan ng iba pang sintomas. (Maaari nitong takpan ang mga sintomas ng appendicitis, na maaari ring magpakita ng lagnat, pananakit ng tiyan, pagduduwal, pagsusuka, atbp.) Mahalaga na alam ang first aid sa food poisoning.

Kailan Dapat Magpatingin sa Iyong Doktor

Ang ilang mild condition ng food poisoning ay maaaring gamutin at pamahalaan sa bahay. Ngunit kailangan mong magpatingin kaagad sa doktor kung nakita mo ang mga palatandaang ito:

  • Ang pagduduwal at pagsusuka ay tumagal ng higit sa 24 na oras. 
  • Nakakaramdam ng panghihina ang pasyente kasabay ng matinding pagsusuka at pagduduwal. 
  • Ang pasyente ay dumaranas ng alinman sa mga sintomas ng food poisoning na sinamahan ng mataas na lagnat (higit sa 38 degrees Celsius). 
  • Siya ay nagkakaroon ng matinding pagtatae na maaaring naglalaman ng dugo. 
  • Hindi kayang kainin ang anumang pagkain o uminom ng tubig, o hindi makainom kahit na pagsipsip ng tubig. 

Kung ang pasyente ay buntis, isang bata, matanda, o may nakompromisong immune system, huwag maghintay ng 24 na oras, at dalhin siya kaagad sa isang emergency room.

Key Takeaways

Ang food poisoning ay maaaring isang masamang karanasan para sa karamihan ng mga tao. Kung mabibigyan ng tamang first aid at treatment, maaaring mas madaling pamahalaan, bago mawala pagkatapos ng isa o dalawang araw. Ngunit para sa ilan, ang food poisoning ay maaaring mapanganib o nakamamatay kung hindi maayos na magamot. Para maiwasan ang pagkalason sa pagkain, ugaliing suriin at i-double check ang iyong pagkain, lalo na kung ito ay ihahain sa bata, matanda, o buntis. Obserbahan ang wastong kalinisan at panatilihing malinis ang mga lugar ng paghahanda ng pagkain, kagamitan, at lalagyan. Tiyaking malinis at ligtas lagi ang pagkain mo at ng iyong pamilya. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

First aid for food poisoning, https://www.train-aid.co.uk/blog/first-aid-for-food-poisoning

Accessed January 30, 2021

Food poisoning – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/food-poisoning/symptoms-causes/syc-20356230

Accessed January 30, 2021

Food poisoning – Causes, Symptoms & Treatment | St. John Ambulance, https://www.sja.org.uk/get-advice/first-aid-advice/poisoning/food-poisoning/

Accessed January 30, 2021

Food Poisoning – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/food-poisoning.

Accessed January 30, 2021

Kasalukuyang Version

10/17/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Gaano Katagal Bago Tamaan Ng Food Poisoning?

Food Poisoning? Mga Sintomas At Paggamot Sa E. Coli


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement