Ang mga bulate ay flatworms na kayang mabuhay sa loob ng katawan ng tao, kadalasan sa bituka. Sa karamihan ng kasongm ay bulate, walang naidudulot na sintomas ang pagkakaron ng bulate. Kung mayroon man, kadalasang mild lang ito. Gayunpaman, may mga pagkakataong lumilipat ang impeksiyon mula sa bituka patungo sa iba pang bahagi ng katawan. Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa impeksiyong dulot ng bulate sa tiyan.
Paano nakakukuha ng impeksiyong dulot ng bulate sa tiyan?
Nangyayari ang impeksiyong dulot ng bulate sa tiyan kapag kumonsumo ang isang tao ng pagkain at inuming kontaminado ng bulate o ng itlog nito.
Karamihan sa mga pasyente ay nakakukuha nito sa:
- Pagkain ng hilaw o hindi pa lutong baboy, baka, o isda na may bulate.
- Contact sa duming may itlog ng bulate. Nangyayari ito kapag hindi naghugas ng kamay nang mabuti matapos gumamit ng palikuran. Maaaring makontamina ng itlog ng bulate ang mga pagkain at gamit.
Ano ang karaniwang sintomas nito?
Gaya ng nabanggit kanina, ang bulate sa bituka ay hindi kadalasang nagreresulta sa mga senyales at sintomas. Gayunpaman, may mga pagkakataong nauuwi ang impeksyong dulot ng bulate sa:
- Pagtatae
- Discomfort sa itaas na bahagi ng tiyan
- pakiramdam ng naduduwal
- Pagbaba ng timbang, lalo na sa mga bata
Pakatandaang dumidikit ang bulate mismo sa bituka, kung saan din sila kumakain ng kinain mo. Kapag ang piraso ng katawan ng bulate ay naputol, maaaring maramdaman ito ng pasyente sa kanyang anus o puwet sa pamamagitan ng pangangati, na lalong nararamdaman sa gabi. Dagdag pa, maaari silang makakita ng parang laso o ribbon na bulate sa kanilang dumi.
Bukod dyan, huwag kalimutang nagkakaiba-iba ang mga sintomas nito depende sa uri ng bulate sa tiyan. Halimbawa, ang dwarf tapeworm (na dulot ng pagkain o contact sa pagkain o inuming kontaminado ng dumi) ay mas nakapagdudulot ng problema sa digestion habang ang fish tapeworm ay maaaring mauwi sa anemia dahil sumisipsip ito ng vitamin B12.
Maaari bang mauwi ang impeksiyong dulot ng bulate sa matinding mga sintomas?
Sa kaso ng taong nakakain ng itlog ng bulate sa baboy, maaaring magkaroon ng invasive infection o cysticercosis.
Nangyayari ang cysticercosis kapag ang itlog ng bulate sa baboy ay naging larvae na sumusuot sa intestinal wall at naglalakbay sa iba pang bahagi ng katawan gaya ng atay, baga, mata, spinal cord, at utak. Dito nabubuo ang cysts na dulot ng larvae.
Maaaring maging mapanganib sa buhay ang impeksyon na ito, lalo na kapag lumala at cysts at namaga. Kabilang sa mga sintomas ang:
- Sintomas na nanggaling sa utak, tulad ng seizures
- Pananakit ng ulo
- Cystic masses o bukol
- Allergic reactions sa larvae
Paano gagamutin ang impeksiyong dulot ng bulate sa tiyan?
May mga taong hindi kailanman nagpagamot ng kanilang impeksiyong dulot ng bulate sa tiyan dahil kusa itong lumalabas sa katawan.
Kung ma-diagnose kang may impeksiyong dulot ng bulate, maaaring resetahan ka ng doktor ng anti-helmintic na gamot upang maalis ang bulate. Pakitandaang ang gamot ay nakadepende sa uri ng bulate, at hindi nito pinupuntirya ang mga itlog.
Sa kabilang banda, ang gamutan para sa cysticercosis ay nakadepende sa bilang ng cysts at sa lokasyon nito. Halimbawa, maaaring magdesisyon ang mga doktor na isagawa ang pagtanggal ng cysts sa baga, mata, at atay sa pamamagitan ng operasyon dahil makahahadlang ito kalaunan sa paggana ng organ.
Maaaring makatanggap naman ng mga sumusunod na gamot ang mga pasyenteng may cysticercosis:
- Anti-helmintics (gamot para sa bulate)
- Antiepileptic drugs (gamot para sa kombulsyon)
- Anti-inflammatory therapy (gamot para sa pamamaga)
Ang shunt placement ay maaari ding gawin kapag nagkaroon ng pamumuo ng fluid sa utak.
Ano ang mga hakbang upang maiwasan ang impeksiyong dulot ng bulate sa tiyan?
Upang maiwasan ang bulate sa tiyan, ugaliin ang mga sumusunod:
- Madalas na paghuhugas ng kamay, lalo na bago humawak ng pagkain at matapos gumamit ng palikuran
- Tamang pagtatapon ng dumi ng mga alagang hayop
- Kapag magtutungo ka o nakatira sa mga lugar na karaniwang may impeksiyong dulot ng bulate, hugasan ang mga prutas at gulay gamit ang malinis na tubig bago kainin.
- Ilagay sa freezer ang mga karne sa loob ng 7 hanggang 10 araw at isda sa loob ng 24 oras bago lutuin upang mamatay ang mga itlog ng bulate at larvae.
- At bilang huli, lutuing mabuti ang isda at karne. Lutuin ang isda hanggang sa magkaroon ito ng puting kulay at flakes kapag pinaghiwalay mo ang laman nito gamit ang tinidor. Parang sa mga karne, lutuin ito hanggang sa maging malinaw ang katas nito at ang gitnang bahagi ay hindi na kulay pink. Ang cooking temperature ay dapat na nasa 63 C.
Key Takeaways
Maraming kaso ng impeksiyong dulot ng bulate ang walang mga sintomas. Kapag naman nagkaroon nito, kadalasang nauuwi ang impeksiyon sa bituka sa mild digestive symptoms na nangangailangan ng oral na gamutan. Maaari ding mangyari ang matinding mga sintomas na nangangailangan ng komplikadong gamutan kapag nagkaroon ng invasive infection (cysticercosis).