Ang pangungulangot at pagbubunot ng buhok sa ilong ay maaaring magdulot ng sugat sa loob nito. Kapag naimpeksyunan ito, maaari itong maging nasal vestibulitis na problema sa ilan.
Ano ang Nasal Vestibulitis?
Ang nasal vestibulitis ay isang impeksyon sa isang bahagi ng bukana ng nostrils na maaaring dulot ng bacteria. Hindi karaniwang magkaroon ng problema sa bahaging ito ng ilong, ngunit maaari itong maging sanhi ng kawalan ng ginhawa sa mga mayroon nito.
Ang mga taong patuloy na mayroong sugat sa loob ng ilong o humaharang sa ilong na kagaya ng tigyawat ay kailangang kumonsulta sa doktor.
Mga Senyales at Sintomas ng Nasal Vestibulitis o Sugat sa Ilong
Ang mga senyales at sintomas ng nasal vestibulitis ay hindi nalilimita sa impeksyong ito. Kung magpatuloy pa rin ito sa loob ng ilang araw, pinakamabuting kumonsulta sa iyong doktor upang malaman kung ano ang nagdudulot ng mga sintomas na ito:
- Pagdurugo
- Pagkatuyo
- Pagbabalat sa loob ng ilong dulot ng pagkatuyo
- Pananakit ng butas ng ilong
- Pamamaga
Mga Sanhi ng Nasal Vestibulitis
Pangunahing nagdudulot ng nasal vestibulitis ang staphylococcus aureus bacteria. Kayang labanan ng katawan ang ganitong klase ng bacteria, ngunit kung may sugat sa ilong, magiging madali sa bacteria na makapag umpisa ng impeksyon.
- Ang pagbubunot ng buhok sa ilong na kapag ginawa nang mali ay maaaring maging sanhi ng sugat sa ilong, kaya’t malapit sa posibilidad na maimpeksyon.
- Maaaring mauwi sa mga gasgas at pagdurugo ang pangungulangot, lalo na kung gagamit ng matutulis na bagay o kuko.
- Ang pagsinga ay nagtutulak sa taong kuskusin ang kanyang ilong nang madalas kaya’t madaling napapasukan ng bacteria mula sa kamay papunta sa ilong.
- Ang butas sa ilong dahil sa nose piercing o paghihikaw, lalo na ang septum piercing ay maaaring maging daan sa bacteria na makapasok at maimpeksyon ang isang tao.
- Pinatataas ng cancer therapies ang tsansang magkaroon ng impeksyon sa balat dahil bukod sa mababa na ang resistensya ng katawan sa mga ganitong pasyente, ang mga therapy ay nagdudulot ng panunuyo sa loob ng ilong.
- Ang iba pang salik gaya ng humidity at medikasyon ay nagiging dahilan upang mas maging prone sa sugat at gasgas ang nasal vestibule.
Mga Panganib at Komplikasyon ng Nasal Vestibulitis
Ang dalawang karaniwang panganib at komplikasyon ng nasal vestibulitis ay ang cellulitis at nasal vestibular furunculosis.
Cellulitis
Ang cellulitis ay isang impeksyon sa mga bitak o sugat ng balat na dulot ng bacteria. Mayroon itong parehong sintomas sa nasal vestibulitis at maaaring may kasamang pananakit ng ulo, panginginig, at pagkakaroon ng lagnat.
Kung may namamaga kang balat sa paligid ng iyong mukha, kumonsulta sa doktor. May mga lunas para dito. Kung mas maagang magamot, mas mababa ang tsansang lumala ito sa mas seryosong kondisyon.
Nasal vestibular furunculosis
Ang nasal vestibular furunculosis ay isa ring impeksyon na matatagpuan sa hair follicle sa palibot ng loob ng ilong na dulot ng bacteia.
Kilala rin ito bilang pigsa na matatagpuan sa nasal vestibule. Maaari itong maging sanhi ng pamamaga at pamumula sa palibot ng butas ng ilong at puwedeng maging masakit. May pareho din itong mga sintomas sa cellulitis at puwedeng mauwi sa mas komplikadong impeksyon kung hindi magagamot nang tama.
Anong Pwede Mong Gawin Para Dito?
Depende sa lala o sanhi ng impeksyon at mga komplikasyon, magrereseta ang doktor ng antibiotics upang mabawasan ang pagkalat ng impeksyon, lalo na kung may sugat sa loob ng ilong. Mayroon nitong mga pamahid o iniinom na gamot na dapat gamitin ayon sa sinabi ng doktor upang mabilis na gumaling.
Kung mayroong furuncles na nabuo dahil sa impeksyon, tinatanggal ito dahil nagdudulot ito ng panganib ng pagkalat sa iba pang bahagi ng katawan, gamit, o tao. Para sa hindi malalang kaso, nakatutulong din ang mainit na bolsa upang maibsan ang pamamaga sa lugar ng impeksyon at unti-unting paliitin ang pigsa.
At dahil ang sanhi ng nasal vestibulitis ay dahil sa sugat sa ilong o nasa nasal vestibule, mainam na bawasan ang ginagawa na nakapagdudulot nito. Subukang bawasan ang pangungulangot at pag tanggal ng buhok sa ilong. Kung mayroon kang hikaw sa ilong, tiyaking maalagaan ito upang maiwasan pagkalat ng impeksyon.
Ang pagiging malinis sa katawan ay makatutulong din upang makaiwas sa impeksyon. Magandang simulan sa madalas na paghuhugas ng kamay upang mabawasan ang bacteria sa kamay.
Key Takeaways
Ang pagbubunot ng buhok sa ilong at pangungulangot ay ilan lamang sa mga sanhi ng nasal vestibulitis. Ang simpleng sugat sa ilong ay maaaring maging simula ng impeksyon. Ito ay maaaring magkaron ng komplikasyon kung hindi magagamot. Pinakamainam na gawin ay kumonsulta sa doktor kung mayroong makitang mali sa bukana ng ilong upang malaman kung ano ang gagawin. Ang paglilinis ng katawan ay nakatutulong din upang mahinto ang pagkalat ng bacteria na sanhi ng mga impeksyon.
Matuto pa tungkol sa kondisyon ng ilong dito.