backup og meta

Ano Ang Dapat Gawin Sa Polyps Sa Ilong?

Ano Ang Dapat Gawin Sa Polyps Sa Ilong?

Ang baradong ilong ay nakaaapekto sa isang magandang araw. Ngunit kung ikaw ay nakakararanas nito kahit wala kang sipon o allergies, marahil ay may iba itong dahilan. Isa sa mga sintomas ng polyps sa ilong ay ang baradong ilong.

Ngunit ano ba ang polyp? Ito ay isang hindi normal na paglaki ng cells. Sanhi rin ito ng pagkakaroon ng nakausling tissue na maaaring matatagpuan sa anumang bahagi ng katawan, karaniwan sa mucous membrane. Karamihan ay kadalasang benign (hindi cancerous) at tumutubo sa maraming bahagi ng katawan, kabilang ang:

  • Pantog
  • Cervix
  • Colon at tumbong
  • Ear canal
  • Ilong
  • Tiyan
  • Lalamunan
  • Matris

Basahin ang artikulong ito upang malaman ang gamutan, sanhi, sintomas, at epekto sa iyong kalusugan.

Ano Ang Polyps Sa Ilong?

Ang polyps sa ilong ay malambot, hindi masakit, at kadalasang benign (hindi cancerous) na paglaki na namumuo sa nasal passages o sa paligid ng loob ng ilong. Ang mga ito ay kadalasang nakasabit mula sa paligid ng loob ng ilong at kasinghugis ng luha o ubas.

Ito ay maaaring tumubo sa parehong kaliwa at kanan na daanan ng ilong. Kung ang polyp o paglaki ay nangyari lamang sa isang gilid ng daanan ng ilong, kinakailangang agad na magpakonsulta sa doktor dahil ito ay maaaring isang mapanganib na tumor.

Ano-Ano Ang Mga Sanhi Ng Kondisyong Ito?

Hindi pa rin sigurado ang mga doktor sa tiyak na sanhi ng kondisyong ito. Gayunpaman, sinasabi ng iba na ito ay resulta ng matagal ng pamamaga ng ilong at nasal cavity dulot ng mga impeksyon ng sinus o allergies.

Sa katunayan, makikita sa datos na 20% ng mga taong may chronic rhinosinusitis ay nagkakaroon ng polyps sa ilong. Ang chronic rhinosinusitis o sinusitis ay ang pamamaga ng sinuses na karaniwang nagtatagal sa loob ng tatlong linggo o higit pa sa kabila ng gamutan.

Kadalasang nabubuo ang nasal polyps sa ethmoid tissues, isang guwang na espasyo sa buto na matatapuan sa itaas na bahagi ng ilong, sa gitna ng mga mata. Ang mga ito ay karaniwang naglalaman ng inflammatory fluid. Gayunpaman, hindi pa rin sigurado ang mga eksperto tungkol sa kaugnayan nito sa allergies at mga impeksyon.

Bilang patitiyak, ang polyps sa ilong ay malambot, semi-translucent, at ang kulay ay pearly white o malarosas. Ito ay binigyang-kahulugan bilang “pedunculated masses ng edematous inflamed mucosa”. At ang mga ito ay karaniwang nanggaling mula sa ostiomeatal complex.

Sa polyps sa ilong, ang epithelial na mechanical barrier (nabubuo sa apical junctional complexes sa pagitan ng epithelial cells) ay mas nadadaanan. Ibig sabihin, ang mucociliary dysfunction ay may kaugnayan sa paraan ng pagdebelop ng chronic rhinosinusitis. Samantala, ang porous barrier ay may mas kaugnayan sa chronic rhinosinusitis na may polyps sa ilong.

Sa kabila ng kawalan ng tiyak na sanhi, may ilang mga taong may mas mataas na tyansang magkaroon ng polyps sa ilong.

Sinu-Sino Ang Nasa Panganib?

Ang mga taong nakararanas ng mga kondisyong ito na sanhi ng pangmatagalang pamamaga ng nasal passages at sinuses ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng polyps sa ilong. Ang mga sumusunod na kondisyon ay may kaugnayan din sa mataas na tyansa ng pagkakaroon nito:

  • Kakulangan sa bitamina D: Natuklasan ng ilang mga pag-aaral na ang mga taong kulang sa bitamina D ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng chronic sinusitis na may polyps sa ilong.
  • Asthma: 25% hanggang 56% ng mga taong may asthma ay may polyps sa ilong.
  • Pagiging sensitibo sa aspirin: Ang aspirin exacerbated respiratory disease (AERD) ay ang paglubha ng problema sa ilong o paghinga kapag umiinom ng aspirin at iba pang non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs). Ang ilang mga taong may polyps sa ilong ay mayroon ding AERD.
  • Churg-Strauss Syndrome: Ang polyps sa ilong ay sinasabing bahagi ng mga unang panimulang sintomas para sa mga taong may Churg-Strauss Syndrome.
  • Cystic fibrosis: 86% ng mga pasyenteng may cystic fibrosis ay may polyps sa ilong. Ang mga batang may cystic fibrosis ay maaaring ding magkaroon nito. Ang mga batang may kondisyong ito ay kailangang magpakonsulta sa doktor para masuri kung may cystic fibrosis, na isang malubhang impeksyon sa itaas at ibabang respiratory tracts.

Anu-Ano Ang Mga Sintomas Ng Polyps Sa Ilong?

Ang mga sintomas ng kondisyong ito ay may pagkakatulad ng sa sipon. Ang pinaka pinagkaiba lamang ay ang sipon ay nawawala matapos ang ilang araw na pag-inom ng gamot. Habang ang polyps sa ilong ay maaaring maging sanhi ng baradong ilong sa loob ng ilang mga linggo o higit pa.

Minsan ang polyps sa ilong ay hindi nagiging sanhi ng mga sintomas lalo na kung maliit lamang. Gayunpaman, ang mas malaking polyps ay maaaring makabara sa nasal passage o sinuses na magreresulta sa kahirapang huminga. Ang mga sumusunod ay ang iba pang mga sintomas ng polyps.

  • Tumutulong sipon
  • Hindi nawawalang pagkabara sa ilong
  • Kawalan ng pang-amoy at panlasa
  • Pressure sa bahagi ng mukha
  • Pagdurugo ng ilong
  • Postnasal drip

Ang polyps ay maaaring magtagal hanggang sa kinakailangan mo ng gamutan. Sa paglipas ng panahon, ang bara sa sinus o nasal passages ay maaaring magresulta sa impeksyon ng sinus.

Anu-Ano Ang Gamutan?

Ang doktor ay magsasagawa ng pagsusuri sa iyong nasal passages gamit ang nasal endoscope. Habang sinusuri, titingnan ng otolaryngologist, o doktor na espesyalista sa tainga, ilong, at lalamunan, kung may translucent ay kulay dilaw o abo na paglaki sa iyong nasal passages.

Kung kinakailangan, maaaring magsagawa ang iyong doktor ng CT scan o computed tomography scan upang matukoy ang tiyak na lokasyon at laki ng polyps sa ilong. Kabilang sa mga gamutan sa polyps sa ilong ang mga sumusunod:

  • Intranasal corticosteroids (INCS) o steroid sprays
  • Oral corticosteroids: Ang uring ito ng gamutan ay kasunod ng nasal sprays kung hindi ito epektibo. Subalit limitado lamang ang maaari mong inumin na oral corticosteroids dahil sa negatibo nitong side effects. Sa maraming mga kaso ng polyps sa ilong, maaaring magreseta ang doktor ng injectable corticosteroid.
  • Mga gamot sa allergies: Kung chronic sinusitis ay ang sanhi ng polyps sa ilong, maaaring resetahan ka ng iyong doktor ng gamot upang maibsan ang mga sintomas.
  • Antibiotics para sa impeksyon sa sinus na sanhi ng polyps sa ilong
  • Endoscopic sinus surgery

Paano Maiiwasan Ang Pagkakaroon Ng Polyps Sa Ilong?

Ang susi sa pag-iwas, upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon muli nito matapos ang operasyon, ay ang pagkontrol sa mga kondisyon na nagiging sanhi nito. Narito ang ilang mga paraan na maaaring gawin upang maiwasan ang polyps sa ilong:

  • Subukang linisin ang iyong nasal passages gamit ang saline solution at neti pot, o nasal spray. Ang nasal wash kits ay maaaring mabili sa online at sa mga botika.
  • Sundin ang mga payo ng doktor tungkol sa pagkontrol sa allergies o asthma.
  • Laging hugasan ang mga kamay at manatiling malusog upang maiwasan ang pagkakaroon ng sipon o iba pang viruses na maaaring maging sanhi ng pamamaga ng nasal passages.
  • Iwasan ang usok, alikabok, mga pinong dumi at iba pa kung makakaya. Magsuot ng mask o takpan ang ilong kung malalantad ang sarili sa irritants na ito.

Key Takeaways

Ang polyps sa ilong ay hindi cancerous na paglaki sa nasal passages na kadalasang sanhi ng hindi normal na paglaki ng cells. Ito ay karaniwang hindi sanhi ng alalahanin. Gayunpaman, ang malaking polyps sa ilong ay maaaring maging sanhi ng mga sintomas na maaaring magresulta sa pananakit o hindi komportableng pakiramdam. Kung ikaw ay biglang nakaranas ng kahirapan sa paghinga o lumulubhang mga sintomas, agad na tumawag ng emergency health services.

Matuto pa tungkol sa Mga Kondisyon ng Ilong dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Polyps, https://www.cancer.org.au/about-cancer/types-of-cancer/polyps.html, Accessed Aug. 26, 2020

Nasal Polyps, https://www.nhs.uk/conditions/nasal-polyps/, Accessed Aug. 26, 2020

Nasal Polyps, https://www.aaaai.org/conditions-and-treatments/library/allergy-library/nasal-polyps, Accessed Aug. 26, 2020

Chronic Sinusitis, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/chronic-sinusitis/symptoms-causes/syc-20351661, Accessed Aug. 26, 2020

Nasal Polyps, https://www.entuk.org/nasal-polyps, Accessed Aug. 26, 2020

Churg-Strauss syndrome, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/churg-strauss-syndrome/symptoms-causes/syc-20353760#:~:text=Churg%2DStrauss%20syndrome%20is%20a,sign%20of%20Churg%2DStrauss%20syndrome., Accessed Aug. 26, 2020

Nasal Polyps, https://medlineplus.gov/ency/article/001641.htm, Accessed Aug. 26, 2020

* Hernandez, J. G. et al. (2016). Chronic Rhinosinusitis in Adults in Clinical Practice Guidelines. Philippine Society of Otolaryngology Head and Neck Surgery.

** Kern, R. C. & L, W. (2010). Pathogenesis of Chronic Rhinosinusitis in Flint, Paul W.Cummings, Charles W. (Eds.) Cummings otolaryngology head & neck surgery. (p. 717). Philadelphia, PA : Mosby/Elsevier.

Kasalukuyang Version

10/14/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Diana Rose G. Tolentino, MD, MBA

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Sinusitis

Nasal Congestion: Ano ang Sanhi Nito?


Narebyung medikal ni

Diana Rose G. Tolentino, MD, MBA

Ear Nose and Throat · HMICare Clinic & Diagnostic Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement