Kamangha-mangha kung paano ang mga buto ng kulantro ay kilala sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ang Coriandrum sativum kung saan nagmula ito, ay isang halamang gamot na karaniwang ginagamit na pampalasa sa mga pagkain. Ito ay nauugnay sa pamilya ng Aplaceae na kinabibilangan ng halos 3,700 species gaya ng carrots, parsley at celery.
Kung ikaw ay mahilig sa Indian cuisine ay maaaring pamilyar sa iyo ang lasa ng kulantro. Katakam-takam ang lemony at floral na amoy ng Sambar vegetable stew at Rasam spicy Indian soup, na dulot ng kulantro. Ginagamit din ito sa Egyptian Cuisine, Thai curries, Mexican dips, Chinese stir-fry at Vietnamese pho.
Gamit Ng Buto Ng Kulantro
Sa ibang bansa, ang mga dahon ng halamang damo na ito ay tinatawag na cilantro samantalang ang mga buto ay tinatawag na coriander. Para sa maraming Pilipino, tinatawag itong dahon ng kulantro o buto ng kulantro, depende kung saan ito gagamitin.
Maliban sa gamit nito bilang pampalasa ng pagkain, ginagamit din ng ilan ang kulantro upang maiwasan ang food poisoning o pagkalason sa pagkain. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang halamang damo na ito ay mayroong kemikal na tinatawag na dodecenal. Ang dodecenal ay pumapatay ng mga bacteria gaya ng Salmonella.
Pampabango Ng Sabon At Kandila
Ang natural na halimuyak ng kulantro ay nauugnay din sa iba’t-ibang produkto gaya ng sabon at kandila. Karamihan sa mga produktong mabibili ngayon gaya ng air freshener, creams at lotion ay may taglay ng malakas na herbal na aroma ng buto ng kulantro. Ginagamit din itong pampalasa sa mga gamot at iba pang produkto.
Benepisyo Ng Buto Ng Kulantro
Panlaban Sa Free Radicals
Ang kulantro ay may mga antioxidants na mahalaga para sa paglaban sa mga free radicals na maaaring makapinsala sa katawan. Ito ay maaaring magpadali ng pagtanda, at magdulot ng iba’t-ibang sakit gaya ng sakit sa puso at kanser. Ang mga antioxidants sa kulantro ay tumutulong na alisin ang mga free radicals sa katawan.
Blood Clotting
Ang dahon at buto ng kulantro ay nagtataglay ng vitamin K na may benepisyo sa kalusugan. May importanteng papel sa blood clotting ang vitamin K, isang proseso na pumipigil sa labis na pagdurugo kapag nasugatan ang daluyan ng dugo. Ang bitaminang ito ay tumutulong din sa kalusugan ng buto upang maiwasan ang mga problemang dulot ng osteoporosis. Bukod pa rito, tumutulong ang vitamin K na mapababa ang panganib ng sakit sa puso.
Lunas Sa Pananakit At Pamamaga
Ang buto ng kulantro ay maaaring maging kapaki-pakinabang bilang lunas para sa pananakit at pamamaga. May isang pag-aaral na inilathala noong 2015 na nagsasabing may potensyal na lunas sa sakit o makabuluhang analgesic effect ang kulantro. Ayon pa sa mga mananaliksik, ang kulantra ay nagdudulot ng pain relief sa pamamagitan ng opioid system. Kasama sa pag-aaral na ginawa ang mga taong nakaranas ng migraine.
Ang kulantro ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng asukal sa dugo o tinatawag na blood sugar. Ito ay isang panganib na maaaring maging kadahilanan para sa type 2 diabetes. Ang mga buto ng coriander, katas, at mga langis ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng asukal sa dugo.
Sa katunayan, ang mga taong may mababang asukal sa dugo o umiinom ng gamot sa diabetes ay dapat mag-iingat sa kulantro dahil napakabisa nito sa pagpapababa ng asukal sa dugo.Ayon sa mga mananaliksik, ang buto ng kulantro ay nagpapababa ng asukal sa dugo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng aktibidad ng enzyme na tumutulong sa pag-alis nito.
Gamot Sa Impeksyon
Ang kulantro ay maari ding maging epektibong gamot sa impeksyon dahil sa anti-fungal properties nito. Nagrerekomenda ng karagdagang pag-aaral ang mga mananaliksik sa anti-fungal properties ng kulantra.
Matuto pa tungkol sa Mga Halamang Gamot dito.