Kung may isang siguradong paraan upang maiwasan ang cancer, marahil magiging interesado tayong lahat gawin ito. Ngunit, sinasabi ng mga eksperto na maaari lang mabawasan ang panganib natin dito sa pamamagitan ng early detection, ehersisyo at diet. Isang pag-aaral ang nagsabing nakatutulong ang mushrooms panlaban sa cancer ng hanggang 45%. Ibabahagi sa artikulong ito kung gaano na natin kalapit matalo ang “Big C.”
Nakatutulong ang pagkain ng maraming mushrooms panlaban sa cancer, ayon sa pag-aaral ng Penn State
Isang bagong pag-aaral na inilathala sa Advances in Nutrition ang nagsuri sa maraming pag-aaral tungkol sa cancer at pinag-aralan ang data ng halos 20,000 na pasyenteng may cancer. Ano ang kanilang layunin? Nais malaman ng mga mananaliksik ang kaugnayan ng pagkain ng mushroom sa posibilidad na magkaroon ng cancer.
Hindi sila binigo ng kanilang mga natuklasan.
Napag-alaman na mas mababa ng 45% ang panganib sa cancer ng mga taong kumakain ng 18 grams ng mushroom sa bawat araw kumpara sa mga hindi kumakain ng mushroom.
Para sa mga partikular na uri ng cancer, sinabi ng mga mananaliksik na may matibay na ugnayan ang pagkain ng mushroom at pagbaba ng posibilidad na magkaroon ng breast cancer. Ngunit, sumang-ayon din sila na marahil ang hindi pagsasama ng iba pang uri ng cancer sa mga pag-aaral ang dahilan ng resultang ito.
Paano maaaring bawasan ng mushrooms ang panganib mula sa kanser?
Bagaman mahalaga ang dami ng mushroom, tila hindi naman mahalaga kung anong uri dapat ito. Ipinaliwanag ng mga eksperto na ang mushroom, sa pangkalahatan ay mayaman sa sustansya, minerals, at vitamins na nakatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan.
Mayaman ang mushroom partikular na sa:
Vitamin D
Isang fat-soluble vitamin na maaari nating makuha sa healthy sunlight exposure. Pinapanatili ng vitamin D na normal ang blood level ng calcium at phosphorus.
Nauugnay ang kakulangan ng vitamin D sa iba’t ibang sakit, kabilang dito ang obesity, diabetes, asthma, inflammatory bowel disease, at cancer sa ovary, prostate, at breast.
Isang posibleng paraan para makatulong ang vitamin D mula sa mushroom panlaban sa cancer ang kakayahan nitong mag-udyok ng apoptosis o cell death. Makikita na ang pagkawala ng apoptosis control ang nagbibigay-daan para sa mga cancer cell na mabuhay nang mas matagal.
Ergothioneine
Isang uri ng amino acid ang ergothioneine, isa itong potent antioxidant at cell protector. Nakatutulong itong protektahan ang mga cell mula sa nakasisirang oxidative stress.
Sinabi sa pag-aaral na ang mushroom ang pinakamataas na pinagkukunan ng ergothioneine sa pagkain.
Selenium
Ilang mga observational na pag-aaral ang nagsabi na mababa ang posibilidad na magkaroon ng cancer ang mga taong may mas mataas na selenium level sa diet at sa body tissue. Pinakita rin ng mga pag-aaral sa laboratory na maaari din mapigilan ng ganitong natural na pangyayari ang paglaki ng mga cancer cell.
Paano magdagdag sa diet ng maraming mushrooms panlaban sa cancer
Katumbas lang ng 18 na paper clip ang labing-walong gramo ng mushroom, kaya hindi malaking problema ang pagdadagdag ng mushroom sa iyong diet.
Maaari mo silang ihalo sa iyong salad, sandwich, at sabaw. Marami ring magagawa sa mushroom dahil maaari mo silang ihalo sa mga gulay o meat-based na pagkain.
Ayon din sa mga mananaliksik, mas maraming ergothioneine ang shitake, maitake, oyster, at king oyster mushroom. Gayunpaman, nakatutulong din ang pagkain ng iba pang uri ng mushroom tulad ng cremini, button, at portabello.
Hangga’t binili ang mga ito sa mga pinagkakatiwalaang tindahan at niluto sila nang mabuti, hindi ka mauubusan ng paraan kung paano maihahalo ang mushroom sa iyong araw-araw na kinakain.
Higit sa lahat, huwag kalimutang isaalang-alang ang mga allergy at iba pang mga pinagbabawal. Kung hindi sigurado dito, mabuting komunsulta muna sa iyong doktor.
Iba pang mga paraan upang mabawasan ang panganib ng cancer
Bukod sa pagkain ng mushroom, huwag kalimutan na may iba pang mga paraan upang mabawasan ang panganib mula sa cancer:
Diet at ehersisyo: Magkaroon ng healthy at balanced diet na puno ng mga gulay, prutas, at whole grains. Limitahan ang pagkain ng saturated fats at red meat. Naiuugnay din ang mga pisikal na aktibidad sa pagbaba ng panganib mula sa breast at colon cancer.
Iwasan ang paninigarilyo: Kung naninigarilyo, pag-isipan ang paghinto. Dagdag pa rito, mag-ingat sa second-hand smoke dahil isa rin ito sa mga nagiging dahilan.
Panatilihin ang tamang timbang: Sikaping makamit at mapanatili ang tamang timbang. Ayon sa mga eksperto, isa sa mga dahilan ng panganib sa maraming uri ng cancer ang obesity.
At panghuli, huwag kalimutang sumailalim sa mga regular na check-up. Agad na komunsulta sa doktor kung nakararanas ng hindi inaasahan o hindi maipaliwanag na mga sintomas. Sa ganoong paraan, maaaring malaman nang maaga ang problema at maaksyunan ito nang tama.
Matuto pa tungkol sa healthy eating dito.
[embed-health-tool-bmr]