Mahilig ang marami sa atin na maglagay ng asin sa anumang putahe na ating niluluto upang makumpleto ang lasa na papatok sa ating taste buds. Ngunit ang tanong gaano ba dapat karami ang paglalagay o paggamit ng asin? Makakasama ba kung kakain tayo ng mga maalat na pagkain? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, alamin muna natin ang depinisyon at benepisyo ng asin sa ating kalusugan.
Ano Ang Asin At Benepisyo Nito Sa Kalusugan?
Kilala ang asin bilang “salt” sa Ingles at “sodium chloride” o “NaCI” para sa scientific term ng asin. Naglalaman ito ng 40% (1g) ng sodium at 60% (1.5g) ng chloride. Madalas na ginagamit ang asin bilang pampalasa sa mga nilulutong pagkain bilang binder at pambalanse. Maaaring magamit din ito sa pagpreserba ng mga pagkain dahil hindi kayang tumagal ng bakterya sa mataas na amount ng asin.
Bukod sa mga nabanggit kilala rin ang asin sa buong mundo dahil sa mga natatangi nitong benepisyo sa kalusugan dahil mahalaga ang sodium at chloride na taglay ng asin para sa paggana ng ating katawan.
Narito ang mga sumusunod na benepisyo ng asin sa ating kalusugan:
- Tumutulong ito sa pag-regulate ng ating blood pressure.
- Nakokontrol ang fluid balance.
- Napapanatili nasa tamang kondisyon ang muscles at nerve function na nagpapahintulot sa absorption at pag-transport ng nutrients sa lahat ng ating cell membranes.
Ang mga benepisyong nabanggit sa kalusugan ng asin ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan ito ng ating katawan. Ngunit ang tanong gaano nga ba karaming asin ang dapat natin makonsumo?
Magpatuloy ka sa pagbabasa.
Gaanong Karaming Asin Ang Dapat Kong Makonsumo?
Batay sa artikulong nailathala sa Harvard T.H. Chan ang katawan ng tao ay nangangailangan ng kaunting amount ng sodium para mapanatili ang wastong balanse ng tubig at minerals sa’ting katawan, makapagsagawa ng nerve impulses at makapagpahinga o relax ang ating kalamnan. Ilan lamang ito sa mga magandang dulot ng asin sa’ting katawan. Tinatayang nasa 500mg ng sodium araw-araw ang kailangan ng ating katawan na i-take upang gumana ang ating katawan nang wasto.
Gayunpaman, maaaring mag-iba ang lebel o dami ng asin na dapat natin ikonsumo batay sa ating medikal na kondisyon, sitwasyon, edad, katawan at pangangailangan. Kaya ipinapayo sa’ting lahat na magkaroon ng konsultasyon sa isang doktor o eksperto upang magabayan tayo sa angkop na dami ng asin na pwede nating kunin. Makakatulong din ito para malaman natin kung ano ang mga maaalat na pagkain na dapat mong iwasan na makakasama sa’yong kalusugan. Pero dapat mong tandaan na depende sa’yong kasalukuyang sitwasyon kung anong mga maaalat na pagkain ang dapat mong iwasan.
Bakit Dapat Iwasan Ang Mga Maalat Na Pagkain?
Lahat ng bagay na sobra ay pwedeng makasama sa ating kalusugan. At ito ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat labis-labis na kumonsumo ng mga maalat na pagkain. Narito ang mga sumusunod na dahilan kung bakit pwedeng maging problema ang masyadong pagkonsumo ng asin sa mga pagkain:
- Maaari itong magpataas ng iyong blood pressure na nagpapataas ng risk sa atake sa puso, stroke at iba pang cardiovascular conditions.
- Posibleng pagkakaroon ng stomach cancer na kilala rin bilang gastric cancer.
- Pagkakaroon ng problema at sakit sa bato.
Anu-Ano Ang Mga Maalat Na Pagkain Na Maaari Mong Iwasan?
Ngayong alam na natin ang mga dahilan kung bakit hindi tayo dapat sobrang kumonsumo ng asin, atin nang alamin sa maikling listahan na ito ang mga pagkain na nagtataglay ng mataas na amount ng salt:
- Mga naprosesong pagkain o processed food gaya ng bacon, salami, ham at sausages
- Keso
- Sauces (ketchup, BBQ sauce, mayonnaise at soy sauce)
- Olives
- Pickles at iba pang pickled foods
- Gravy granules
- Stock cubes
- Yeast extracts
- Salted at dry roasted nuts at crisps
- Tinapay
- Grain-based dessert
- Maaalat na snacks
- Soups
Tandaan na sa tuwing magluluto tayo ng pagkain maganda kung magiging aware tayo sa dami ng asin na ilalagay sa niluluto. Mainam rin na ugaliin natin na tingnan ang pakete ng mga produktong binibinili para makita ang sodium content nito.
Huwag mo ring kakalimutan na ang mga pagkaing nabanggit ay maaaring hindi maging maalat. Depende ito sa kung paano ito nilikha ng tao o ng mga kumpanyang may-ari ng produkto. Kaya naman dapat mong maging habit ang pagtsetsek ng sodium content ng mga pagkain upang makaiwas sa sobrang pagkonsumo ng asin.
Dapat Bang Maging Sobrang Baba Ng Ating Pagkonsumo Ng Maalat Na Pagkain?
Hindi rin maganda sa ating kalusugan na mag-take lamang ng sobrang kaunting asin. Pwede itong maging sanhi ng mga sumusunod:
- Mababang presyon ng dugo o hypotension
- Dehydration
- Pagtaas ng cholesterol at triglycerides
- Mababang lebel ng blood sodium
Key Takeaways
Napakaraming benepisyo ng asin pagdating sa usaping pangkalusugan at upang makuha ang mga benepisyong ito dapat maging balanse ang iyong pagkonsumo ng asin. Maaring magpakonsulta sa doktor para malaman ang mga pagkain na pwede mong iwasan na nagtataglay ng mataas na amount ng salt. Tandaan lamang na pwede maging iba ang payo sa iyo ng doktor kumpara sa iba dahil sa kasalukuyan medikal na kondisyon mo at kalagayan.
Matuto pa tungkol sa Masustansyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmi]