Ang ketogenic diet ay isang regimen sa pagkain kung saan ang isa ay kinakailangang kumain ng maraming fat, katamtamang protina, at napakakaunting carbohydrate. Ito ay itinuring na mabisa ng maraming tao. Gayunpaman, naniniwala ang dieters na upang mabawasan ng timbang, kailangan munang matamo ang estado ng ketosis. Ano nga ba ang ketosis, at ano-anong mga senyales ng ketosis ang dapat bantayan? Alamin sa artikulong ito.
Ano Ang Ketosis?
Ang nutritional ketosis ay isang estadong natatamo ng katawan sa tuwing nagsusunog ito ng fats para sa enerhiya sa halip na carbohydrates. Bagama’t madalas itong nauugnay sa ketogenic diet, mahalagang tandaang maaari ding matamo ang ketosis sa pamamagitan ng iba pang diets, gaya ng low-carb diet at intermittent fasting. Ito ay dahil ang mga ito ay pumipigil sa pagkonsumo ng carb.
Sa estado ng ketosis, ang katawan ay nadagdagan ng ketones, substances na ginagamit bilang lakas o enerhiya. Ang sobrang ketones (hindi ginagamit bilang enerhiya) ay inilalabas ng kidney sa pamamagitan ng pag-ihi.
Anu-Ano Ang Mga Senyales ng Ketosis?
Bago pa magbawas ng timbang, maaaring matukoy kung ang ketogenic diet ay epektibo sa iyo sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga sumusunod na senyales ng ketosis:
1. Mabahong Hininga
Para sa maraming tao na nagsasabing epektibo para sa kanila ang ketogenic diet, sila ay nakararanas ng mabahong hininga, lalo na ang kakaibang hininga ng prutas.
Ang mabahong hininga na kaugnay ng ketosis ay pangunahing nangyayari dulot ng acetone, isang uri ng ketone na nailalabas sa pamamagitan ng ihi at hininga.
Ayon sa isang ulat, “ang breath acetone ay mabuting predictor ng ketosis.”
Tandaang may maaaring bilhing breath meters or analyzers sa mga pamilihan. Maaari nitong sukatin ang dami ng mga ketones sa hininga.
2. Madalas Na Pagkauhaw
Bigla ka bang nakararamdam ng pagkauhaw? Kung ganoon, maaaring isa ito sa mga senyales ng ketosis.
Ayon sa isang ulat na kinasangkutan ng mga siklista, tinukoy ang dehydration bilang isa sa side effects ng ketosis. Napansin din ng mga imbestigador na ang mga atleta ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng kidney stones, isang kilalang komplikasyon ng dehydration.
3. Pagkapagod o Panghihina
Iniuugnay ng maraming tao ang ketogenic diet sa pagtaas ng enerhiya. Gayunpaman, bago ito mangyari, halos palaging nakararanas muna ng pagkapagod ang mga nagdidiyeta. Dahil dito, itinuturing din ito ng mga tao bilang isa sa mga senyales ng ketosis.
Ang panghihina o pagkapagod ay nangyayari dahil nagkaroon ng pagbabago, paggamit ng fats sa halip na carbs. Ang carbohydrates ay mas mabilis na nakapagbibigay ng enerhiya.
Natuklasan sa isang pag-aaral na ang isa sa side effects ng ketosis diet ay ang pagkapagod; nararanasan ito ng mga nagdidiyeta sa mga unang ilang linggo.
4. Pagtaas Ng Ketones Sa Dugo At Ihi
At huli, kung sa iyong palagay ay nakararanas ka ng ketosis, maaaring pumunta sa doktor upang masuri nila ang ketone sa iyong dugo at ihi.
Mayroon ding magagamit na home kits para dito. Ang para sa dugo ay tulad ng glucometer, habang ang para sa ihi ay gumagamit ng dip sticks.
May Mga Panganib Ba Ang Ketosis?
Ayon sa mga ulat, ang pagkakaroon ng regular na nutritional ketosis ay may benepisyo. Ang mga ito ay hindi lamang para sa pagpapababa ng timbang, kundi pati na rin para sa pagkontrol ng glucose sa dugo (lalo na para sa mga taong may diabetes), epilepsy, at pangkalahatang metabolic health⁵.
Subalit may mga panganib ba ang ketosis?
Ang ketosis ay karaniwang ligtas para sa karamihan ng mga tao, lalo na kung gagawin ito sa ilalim ng mga rekomendasyon ng doktor. Gayunpaman, ang side effects ay karaniwan.
Halimbawa, ang dehydration ay maaaring humantong sa iba pang mga problema, tulad ng pananakit ng muscles at ulo. Ang pagkapagod ay maaari ding humantong sa hindi magandang pagganap sa paaralan o trabaho.
Upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng side effects, inirerekomenda ng mga eksperto ang pag-inom ng maraming tubig, pagkakaroon ng sapat na fiber, at pag-iwas sa matinding ehersisyo. Iminumungkahi rin nilang sumailalim muna sa low-carb diet bago sumabak sa ketogenic diet.
Key Takeaways
Ang ketogenic diet ay nakatuon sa mataas na fats, katamtamang protina, at kaunting pagkonsumo ng carbs. Habang nagkakaroon ng pagbabago sa katawan, mula sa paggamit ng carbs patungo sa pagsusunog ng fats, nararanasan mo ang estado ng ketosis. Ang ilan sa mga senyales ng ketosis ay kinabibilangan ng mabahong hininga, pagtaas ng pagkauhaw, pagkapagod, at pagdami ng ketones sa dugo o ihi.
Sa pangkalahatan, ang pagtamo ng ketosis ay ligtas para sa karamihan ng mga tao. Ngunit upang maging ligtas, kumonsulta muna sa iyong doktor kung plano mong gawin ang ketogenic diet.
Matuto pa tungkol sa Mga Espesyal na Diyeta dito.
[embed-health-tool-bmr]