Maaaring narinig mo na ito noon, ngunit ano nga ba ang law of attraction at paano ito gumagana? Totoo nga ba ito? May ganito ba talaga? Bagaman pinagdedebatehan pa ang validity ng law of attraction, hindi maitatanggi na maraming tao ang naniniwala dito. Kung kilalang-kilala ito, may bagay tayong dapat malaman dito. Alamin pa kung ano ang law of attraction at paano mo ito magagamit upang mapaganda ang iyong kabuoang kalusugan.
Ano ang law of attraction at paano ito gumagana sa kalusugan?
Ang pangunahing ideya tungkol sa law of attraction ay pag-visualize at pagpapatibay ng iyong mga paniniwala at inaasam hanggang sa maging totoo ito. Pareho ito sa pagsasagawa ng mindfulness at mind over matter. May ibang nagsasabing ang manipestasyon ng law of attraction ay isang “placebo”, gayunpaman, naipakita ng mga pag-aaral na ang placebo effect ay totoo at makapangyarihan.
Naniniwala ka man talaga sa law of attraction o sa anumang mataas na kapangyarihan, walang masamang isipin ang mas magandang bersyon ng iyong sarili at ang pagkilos upang matupad ito.
Stress management
Isa sa pinakamagandang paraan upang magamit ang law of attraction ay sa pamamagitan ng pagkontrol ng iyong stress. Normal lang na ma-stress. Sa katunayan, mahalaga itong bahagi ng buhay. Kung walang stress, wala tayong motibasyon upang gawin ang anuman. Ang kapaki-pakinabang na stress na ito o “good” stress ay kilala bilang eustress. Distress naman ang tawag sa “bad” stress. Maraming mga problemang mental at pisikal na nagmula sa sobra-sobrang stress.
Gamit ang law of attraction, kapag naniniwala kang mas stressed ka, mas marami kang stress na makukuha. Gayunpaman, kung naniniwala ka na may ilang nakaka-stress na sitwasyon na bahagi lamang ng proseso tungo sa mas magandang kahihinatnan, magmumukhang pansamantala lang ang stress. Tingnan ang mas malawak na sitwasyon kapag nakakaramdam ka ng stress at alamin ang ligtas na paraan upang ilabas ito.
Halimbawa, kung stressed ka dahil sa resulta ng job interview, sa halip na magtuon ng pansin sa iyong mga pagkakamali, isipin mo kung saan ka naging tama. Anuman ang maging kaso, ang tangi mo lang pwedeng gawin ay maghintay hanggang sa tawagan ka ulit. Maniwalang nagawa mo ito at magsimulang mag-isip ng mga kasanayang kaugnay ng iyong trabaho na kakailanganin mo rito. Kung hindi ka naman nakapasok, nagawa mo pa rin ang mga hakbang tungo sa pinakahangarin mo at handang sumubok ulit. Kung i-stress-in mo lang ang sarili mo sa mga bagay na hindi mo kontrolado, dadagdagan mo lang ang stress sa buhay mo.
Palakasin ang iyong resistensya
Gaya ng nabanggit kanina, ang stress (o distress) ay maaaring makasama sa iyong kalusugan. Ang mga taong sobrang stressed ay napapagod at mas mahina ang resistensya. Kapag sobra ang stress sa matagal na panahon, maaari itong mauwi sa mga problema sa kalusugan tulad ng hypertension at stroke.
Kung may nararamdaman kang konting pagkakiliti sa iyong lalamunan, huwag masyadong ma-stress. Manatiling hydrated. Uminom ng vitamin C, at magpokus sa mga ginagawa. Kung iisipin mo nang iisiping baka isa itong seryosong sakit, mai-stress lang ang katawan at isip mo. Maaari pa ngang makumbinsi mo ang katawan mong may sakit ka.
Kung kinailangan mo namang magbakasyon ng isa o dalawang araw dahil sa sakit, sa halip na i-stress-in ang sarili dahil sa mga hindi nagawang trabaho o sa school, samantalahin ang oras upang gumaling. Kung itutuon mo ang lakas mo sa pagpapagaling, mas mabilis mawawala ang iyong sakit at makababalik ka agad sa trabaho. Maaaring ito na ang pinakakailangang pahinga ng iyong katawan.
Binabawasan ang sakit
Bagaman karaniwang dulot ng pinsala sa katawan ang sakit, lahat ng ito ay pinoproseso ng utak. Upang mapawi natin ang painful stimuli, madalas na nauuwi tayo sa pag-inom ng mga gamot tulad ng paracetamol at ibuprofen. Bukod sa mga painkiller, may iba pang paraan upang mapawi ang sakit. Ang pagpapamasahe, ice packs, at kahit ang pag-distract sa iyong sarili mula sa sakit ay pwedeng makapag-alis nito.
Ginagamit na rin ang meditation at mindfulness para sa chronic pain treatment ng mga pasyenteng dumaraan sa chemotherapy at nagpapagaling mula sa mga pinsala o injury. Lumabas sa mga pag-aaral na kapag nagsagawa ang mga pasyente ng meditation o mindfulness, hindi gaanong malala ang kanilang pandama sa sakit, mas mabilis, at mas kaunti ang pangangailangang dose sa analgesics. Higit na kapaki-pakinabang ang gawaing ito lalo na sa pagbabawas ng dose at dalas ng paggamit ng potentially-addicting opioids.
Pagpapababa ng timbang
Panghuli, gumagana ang law of attraction upang tulungan ka sa pagpapababa o pagdaragdag ng timbang, depende sa iyong personal na inaasam. Ngayon, ang simpleng pagsasabing gusto mong mabawasan ng 10 pounds ay hindi mangyayari na parang magic. Gayunpaman, kung iisipin mo ang gusto mong hubog ng katawan at kokolektahin mo ang mga kinakailangang resources ay isa nang malaking hakbang tungo sa tamang direksyon.
Ang positibong mindset ang ugat ng pangmatagalang weight-loss success. Maaaring mahirap panatilihin ang estriktong diet at matinding pag-eehersisyo, hindi pa kasama ang pag-iwas sa mga tukso na mahirap iwasan. Sa halip na panghinaan ng loob dahil sa haba ng panahong kailangan upang maabot ang inaasam, ituon ang isip sa bagay na gusto mo tungkol sa iyong sarili.
Muli, iwasang i-stress ang sarili nang sobra. Gaya ng nabanggit na, maaaring mauwi sa hindi magandang kalusugan ang bad stress. Pinatataas ng stressful na mga sitwasyon ang level ng cortisol. Ang mataas na cortisol ay nauuwi sa dagdag na gana sa pagkain, pagbigat ng timbang, at pamumuo ng taba. Sa madaling salita, sinasabotahe ng stress ang inaasam mong fitness.
Key Takeaways
Sa kabuoan, gumagana ang law of attraction sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo na maging isang tao na nais mong maging. Ang pag-iisip at pag-alam sa kung ano ang gusto mo ang mahalagang unang hakbang bago ang anumang malaking pagbabago. Bagaman may mga taong naniniwalang hindi mo kailangang kumilos sa law of attraction, tutol kami rito. Palibutan ang iyong sarili ng mga taong positibo ang pag-iisip at makatutulong sa iyong maabot ang inaasam mo. Gawin ang maliliit na hakbang at huwag ma-stress sa maliliit na mga pagkabigo.
Dagdag pa, makipag-usap sa iyong doktor bago magsagawa ng malalaking pagbabago sa iyong diet o exercise plans.
Hindi nagbibigay ang Hello Health Group ng medikal na payo, diagnosis, at gamutan.