Isang karaniwang emosyon ang galit kaya’t kilalang-kilala na natin ito. Nagagalit tayo dahil sa magkakaibang dahilan at sa magkakaibang tindi. Bagaman mabuti ang magalit upang mailabas ang ating nararamdaman, nakasasama naman para sa atin kung hindi ito makokontrol. Hindi lamang ito nagdudulot ng hindi kinakailangang stress sa tao, ngunit nakasasama rin ito sa ugnayan natin sa iba. Dahil ayaw nating mangyari ito, mahalagang malaman natin ang mga epektibong paraan kung paano makontrol ang galit.
Ano ang galit?
Bago natin talakayin ang tips kung paano makontrol ang galit, bigyan muna natin ito ng kahulugan. Ang galit ay isang emosyon. Ayon sa APA o ang American Psychological Association, mailalarawan ang galit bilang antagonism.
Ang antagonism na ito ay nagmumula sa pakiramdam na direkta kang ginawan ng mali. Kaya naman, puwede kang magalit kanino man o sa alinman, tulad ng bagay, sitwasyon, o ng alaala.
Dagdag pa, likas na tugon ng tao ang galit, at tugon ng katawan sa inaasahang banta. Ibig sabihin nito, puwede kang makaramdam ng galit kahit wala pang masamang nangyari.
Sa pisikal na aspekto, bumibilis ang tibok ng iyong puso, tumataas ang iyong persyon, at naglalabas ka ng adrenaline – ang “fight or flight” hormone, na likas na tugon ng iyong katawan sa stress.
Ano ang Mangyayari Kapag Nagkaroon ka ng Anger Problems?
Iba-iba ang problema ng tao sa pagkontrol ng galit. Ayon sa APA, may iba’t ibang psychological tests na makatutukoy ng mga sumusunod:
- Gaano katindi ng iyong galit
- Gaano ka kabilis magalit
- Gaano mo nagagawang kontrolin ang iyong galit
Gayunpaman, binanggit din nilang kung may problema ka sa iyong galit, alam mo na ito. Halimbawa, kapag galit ka, nagiging matindi ang emosyon mo at nagiging agresibo. Maaaring magawa mo ang mga sumusunod:
- Sumigaw
- Hindi pansinin ang mga tao
- Makipag-away
- Sirain ang mga gamit
- Saktan ang sarili (kabilang dito ang paglalaslas, pagsunog sa balat, pagsuntok at/o sinasadyang pananakit sa sarili)
Sa pisikal na aspekto, ang chronic anger (matagal na problema sa iyong galit) ay maaaring maugnay sa mga sakit sa puso tulad ng mataas na presyon, insomnia, at mahinang resistensya.
Sa mental na aspekto, maaaring mapuno nito ang iyong isip, magdulot ng stress, at maaaring mauwi sa depression. Ang hindi kontroladong galit ay maaari ding makapanakit ng damdamin ng ibang tao at makasira nang lubos sa buhay ng iba.
Makatutulong sa iyo ang mga tip at paggawa ng ehersisyo kung paano makontrol ang galit. Mahalaga ito dahil ang pagiging galit ay mabuti rin para sa iyo.
Bakit Mahalagang Makontrol ang Galit?
Mahirap isipin ang galit sa positibong paraan dahil maraming negatibong bagay ang kadikit ng emosyong ito. Ngunit maaari pa ring makabuti sa iyo ang pagiging galit. Narito ang mga positibong epekto ng kontroladong galit:
- Nagsisilbing good motivator ang galit upang masolusyunan ang mga problema at maabot ang gustong patunguhan. Dahil ang mga bagay ay wala sa kung nasaan ito dapat naroroon, nagagalit tayo. Kapag nagagalit tayo, humahanap tayo ng paraan upang masolusyunan ang problema.
- Itinutulak tayo ng galit na makita ang kawalan ng katarungan. Maaaring trinato tayo nang hindi pantay o hamak. Sinasabi sa atin ng galit na kahit papaano, tayo ay ginawan ng mali. Kung hindi tayo magagalit, may tsansang patuloy na gawin sa atin ang mga maling bagay na ito.
- Ang pagiging galit ay nagtutulak sa iba upang makiisa. Kapag hindi nakikinig at nakikiisa ang mga tao kahit hinikayat mo na sila at sinuyo, maaaring makatulong ang magalit. Gayunpaman, ang pagiging sobrang galit sa loob ng mahabang panahon ay hindi makatutulong sa sitwasyon. Kaya naman, kailangan mong magsanay kung paano epektibong makokontrol ang iyong galit.
- Pinakakalma tayo ng galit. Siyempre, nagbibigay ng maginhawang pakiramdam ang paglalabas ng galit. Pakiramdam mo ay nawala ang bigat ng dibdib mo.
Mga Pagsasanay at Tips Kung Paano Makontrol ang Galit
Ngayong alam mo na ang mga negatibong epekto ng hindi kontroladong galit at ang mga advantage ng kontroladong galit, magtungo na tayo sa kung paano makontrol ang galit.
Nahahati sa dalawa ang mga tip kung paano makontrol ang galit. Ang una ay kapag nandyan na ang galit. Ang pangalawa ay mga pagsasanay na puwede mong gawin upang makontrol nang mabuti ang iyong galit sa mahabang panahon.
Mga Bagay na Puwede Mong Gawin Kapag Galit Ka
Huminto. Tandaan na bagaman puwede kang magalit anumang oras, hindi mo kailangang mag-react agad. Puwede kang umatras muna upang mag-isip sa pamamagitan ng pagbibilang ng 1 hanggang 10.
Lumayo. Puwede ka ring lumayo o umalis muna at mag-isip bago gumawa o magbitaw ng salitang maaari mong pagsisihan kalaunan. Maghanap ng lugar kung saan ka puwedeng huminga at kumalma.
Unawain kung bakit ka nagagalit. Kung may oras ka, isipin ito: “Saan ba ako nagagalit?” Ito ang isa sa pinakamahalagang tips kung paano makontrol ang galit dahil ang pag-alam sa bagay na ito ay nagbibigay sa iyo ng kontrol sa problema.
Ipahayag ang iyong nararamdaman. Ngayong alam mo na ang sanhi ng iyong galit, maaari ka nang mag-isip ng mga paraan upang harapin ang sitwasyon. Puwede mo na ngayong ipahayag ang iyong galit. Sa paglalabas ng galit, tiyaking maging specific. Iwasan ang manisi o pumuna ng iba kapag galit. Halimbawa, imbis na sabihing “Hindi mo natapos ang mga trabahong ibinigay sa iyo,” puwede mong sabihing, “galit ako dahil hindi mo naipasa ang report.”
Karagdagang Bagay na Puwede Mong Gawin Upang Lubos na Makontrol ang Galit
Puwede mong sanayin ang sarili sa paggawa ng mga sumusunod na paraan kung paano makontrol ang galit:
- Mag-ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay nauugnay sa pagkabawas ng stress. Tandaang nakapagdudulot din ng galit ang stress. Makatutulong ang simpleng paglalakad at pagtakbo.
- Magpahinga. Kapag marami kang kailangang asikasuhin, madali kang mainis. Upang maiwasan ito, tiyaking magpahinga o mag-break sa pagitan ng bawat trabaho.
- Magpatawad. Patawarin ang taong dahilan ng iyong galit. Sa pagtatanim ng galit, nalulubog ka sa iba’t ibang negatibong pakiramdam.
- Gawin ang mga relaxation exercise. Ang deep breathing ay isa sa mga halimbawa ng relaxation technique. Isa pang puwedeng gawin ay ang paghihiraya (imagining) ng nakare-relax na tagpo o ang pag-uulit ng nakakalmang mantra. Halimbawa, puwede mong ulit-uliting sabihin na “dahan-dahan lang. . .” o “huminahon ka. . .”
Ang pinakamagandang paraan kung paano makontrol ang galit ay sa pamamagitan ng pagpapahayag nito. Gayunpaman, may iba’t ibang tindi ng pagpapahayag ng galit. Puwedeng mild, na makatwiran at katanggap-tanggap, o maging bayolente, na agresibong pagsabog ng emosyon.
Maaari mong magawa ang mabuting pagpapahayag ng sarili sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga tip kung paano makontrol ang galit. Hindi mo kailangang kumilos kapag nagalit. Huminahon at maghanap ng paraan kung paano tutugon nang maayos.
Matuto pa tungkol sa Healthy Mind dito.