Ang therapy ay isang napakahalaga ngunit hindi nauunawaang paraan ng medikal na paggamot. Isa sa mga dahilan ay maraming tao ang hindi lubhang malay sa mga benepisyo ng therapy at sa mga magagandang bagay na maidudulot nito para sa mga tao. Narito ang 8 benepisyo ng therapy na maaaring hindi mo nalalaman.
8 Benepisyo Ng Therapy
1. Nakatutulong ito sa pag-move on matapos ang mahirap na sitwasyon
Dadaan at dadaan sa mahirap na pagkakataon ang bawat tao sa kanilang buhay. Ito ay maaaring pagkawala ng trabaho, pakikipaghiwalay, pagbagsak sa klase, pagkalugi ng negosyo, o maging pagkawala ng mahal sa buhay.
Iba-iba kung paano kontrolin ng tao ang stress. Ang ilang mga tao ay nakaka-move on nang mag-isa. Samantala, ang iba ay maaaring mukhang okay sa panlabas, ngunit ang totoo ay nahihirapan pa rin mula sa isang uri ng heartbreak o trahedya na kanilang naranasan.
Sa mga ganitong sitwasyon, tiyak na nakatutulong ang therapy sa mga tao na harapin ang kanilang mga problema. Ang pakikipag-usap sa isang therapist ay nakatutulong sa mga tao na maunawaan ang kanilang mga saloobin mula sa ibang pananaw at upang maproseso ang kanilang mga damdamin. Ang mga saloobin, sensasyon ng katawan at pag-uugali ay iba pang mga aspeto ng karanasan ng isang tao.
2. Nakatutulong ang therapy sa mga problema sa kalusugang pangkaisipan
Karaniwang dahilan kung bakit sumasailalim sa therapy ang isang tao ay ang problema sa kalusugang pangkaisipan. Bagama’t may mga inireresetang gamot na nakatutulong sa mga kondisyon tulad ng klinikal na depresyon at pagkabalisa, mahalaga ring bahagi ng gamutan ang therapy.
Ang therapists ay maaaring magturo ng mga paraan sa mga tao upang mas mapabuti ang kanilang kalusugang pangkaisipan at nakatutulong ding maunawaan ang kanilang kondisyon.
3. Nakatutulong din ito sa adiksyon
Ang adiksyon, tulad ng sa droga, alak, pagsusugal, o paninigarilyo, ay pangunahing problema sa kalusugan ng pangkaisipan. Ito ay dahil binabago nito ang pathways sa utak, na nagiging sanhi ng pagiging dependent ng isang tao sa isang partikular na substance o aktibidad.
Nilalayon ng therapy na gamutin ang mga taong nahihirapan sa adiksyon sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa proseso ng recovery. Maaari nitong mabawasan ang posibilidad ng relapse sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na harapin ang mga stress ng rehab at anomang mga tuksong maaari nilang kaharapin.
4. Nakatutulong ang therapy na harapin ang mga malulubhang sakit
Ang pagkakaroon ng malubhang sakit tulad ng cancer o stroke ay maaaring maging mahirap tanggapin. Minsan, ang mga taong na-diagnose na may mga ganitong kondisyon ay maaaring magsimulang mawalan ng pag-asa o makaramdam ng kawalan ng tulong dahil sa kanilang kondisyon.
Nakatutulong ang therapy sa mga ganitong pasyente na tanggapin ang kanilang diagnosis. Makakatulong ito sa kanila na maunawaan ang kanilang karanasan sa sakit.
5. Maaaring gamitin ang therapy sa mga taong may problema sa pagkontrol ng galit
Ang mga taong may problema sa pagkontrol ng kanilang galit ay may posibilidad na makasakit minsan ng kanilang mga kaibigan o pamilya. Ang hindi makontrol na galit ay maaaring maging sanhi ng hindi na maaayos na problema sa mga relasyon, gayundin ng mga malulubhang problema sa kalusugan.
Nakatutulong ang pagsailalim sa anger management therapy upang masuri ang kanilang kondisyon. Sa tulong ng therapist, ang mga pasyente ay maaaring magkaroon ng coping mechanisms. Malalaman din nila ang mga alternatibong paraan ng pagpapakita ng kanilang mga emosyon.
6. Nakatutulong ito sa mga tao na harapin ang nakamamatay na sakit
Ang pag-alam na mayroon kang isang nakamamatay na kondisyon ay maaaring maging mahirap harapin. Ang pakikipag-usap sa isang therapist ay maaaring makatulong sa mga tao na malaman kung ano ang maaari nilang gawin para isabuhay nang lubos ang kanilang buhay. Nakatutulong itong gawing mas komportable ang kanilang natitirang oras.
Maaari ding kausapin ng therapist ang pamilya at mga mahal sa buhay ng pasyente upang matulungan sila sa mahirap na oras na ito.
7. Nakatutulong ang therapy sa mga may kapansanan
Ang mga taong may kapansanan sa pagkatuto ay maaaring lubhang makinabang mula sa therapy.
Halimbawa, maaaring mahirapan ang isang batang may ADHD o attention deficit hyperactivity disorder na magpokus sa klase. Kung walang tulong ng isang therapist, maaaring mahirapan silang sumabay sa pag-aaral sa kanilang mga kaklase.
Ang batang may ADHD ay maaaring sumailalim sa therapy at matuto ng mga paraan upang hindi mahirapan sa kanilang pag-aaral. Kasama sa mga layunin ng therapy ay ang pagpapanatili ng atensyon, pamamahala ng oras, pagsisimula ng gawain, at maging ang pagpaplano at pagbibigay-prayoridad. Lalo itong magiging epektibo sa pamamagitan ng suporta mula sa paaralan o institusyong pang-edukasyon.
8. Nakatutulong din ito sa mga biktima ng pang-aabuso
Nakatutulong din ang therapy sa mga biktima ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso.
Malaki ang benepisyo ng therapy sa mga naging biktima ng pang-aabuso. Nakatutulong ito sa kanila na harapin ang kanilang trauma sa mas maayos na paraan. Maaari itong magturo sa kanila ng coping mechanisms upang makaya ang nangyari sa kanila. Maaari itong magbigay sa kanila ng mas magandang kalidad ng buhay. At pwede nitong tulungan silang harapin ang anumang mga problema na mula sa kanilang mga negatibong karanasan.
Key Takeaways
Ang therapy ay isang mahalagang uri ng medikal na gamutan. Tulad ng ibang paraan ng medikal na gamutan na para sa pisikal na kalusugan, mahalaga din para sa atin na magtuon sa ating kalusugang pangkaisipan. At dito pumapasok ang mga benepisyo ng therapy.
Kung may problema o kung hindi matugunan ang kasalukuyang nakaka-stress na kaganapan, nakatutulong ang pakikipag-usap sa isang therapist. Tandaan, ang pagsailalim sa therapy ay hindi nangangahulugang may anumang bagay na “mali” sa iyo. Ibig sabihin lamang nito na ikaw ay naghahanap ng tulong upang maunawaan nang mas mabuti ang iyong sarili, karanasan, at sitwasyon.
Matuto pa tungkol sa Mental Health dito.