Social media detox ang kailangan ng karamihan ngayon, lalo na at halos dito nakasentro na ang buhay ng iilan. Nakakatulong rin ang social media sa pagpapanatili ng pakikipag-ugnayan mo para sa personal na buhay at trabaho. Ngunit panahon na para itanong kung paano nakakaapekto ang mga network na ito sa iyong mental at pisikal na kalusugan. Oras na ba para magpahinga mula sa pagiging palagiang online?
Patuloy na tumataas ang numero ng mga gumagamit ng social media. Sa katunayan, ang karaniwang tao ay gumugugol ng hindi bababa sa isa hanggang 40 minuto bawat araw sa pagtingin sa mga social media sites at apps. Ito ay isang kamangha-manghang dami ng oras na maaaring gugulin sa ibang mga paraan. Ngunit ito ay nagpapahiwatig din ng kasalukuyang kultura ng lipunan at negosyo.
Bagama’t kinakailangan mong manatiling online sa mga oras ng negosyo, maaaring maging kapaki-pakinabang ang pag-detox sa katapusan ng linggo o sa panahon ng bakasyon.
Ano ang social media detox?
Ang social media ay tumutukoy sa mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao sa pamamagitan ng mga virtual na komunidad. Ang mga social network at iba pang online na media ay mahusay na mga pamamaraan para sa pakikipag-ugnayan at komunikasyon. Ngunit dahil sa likas na katangian ng “two-way, real-time” na komunikasyon na ito, may malaking panganib ng hindi naaangkop na paggamit nito.
Inirerekomenda ng mga psychologist ang paghinto kahit na panandalian sa iyong mga aktibidad sa social media. Napatunayan ng siyensya na ito ay makakatulong upang mapahusay ang mas kalidad na pag-iisip. Napasasaya rin nito ang pakiramdam.
Bukod dito, ang digital detox ay isang pagkakataon upang mabawasan ang stress at higit na tumuon sa pakikipag-ugnayan sa iba. Makakatulong din ito na maiwasan ang pagkagumon sa mga gadgets. Bilang karagdagan, ang isang digital detox ay nagbibigay ng oras upang maranasan ang kalikasan, makakuha ng pisikal na ehersisyo, at magsanay ng pag-iisip.
Mga naaapektuhan ng social media detox
Mental health
Iniugnay ng ilang pag-aaral ang paggamit ng social media sa tumaas na antas ng depresyon, pagkabalisa, at pag-iisa. Isiniwalat ng pananaliksik ang panganib na dulot ng social media sa mga bata at mas matanda. Partikular na dito ang hindi nila pag-abot sa mga pamantayan ng kagandahan at tagumpay na kadalasang likas sa mga gawain ng mga social networking websites.
Kapansin-pansing pinapataas ng social media ang saklaw ng pagkabalisa at depresyon sa mga kabataan. Sa katunayan, nakita ng mga mananaliksik ang panganib ng depresyon sa mga taong madalas nakababad sa social media. Kumpara ito sa mga hindi gaanong social media-oriented na mga kasabayan nila.
Artipisyal na pangangailangan
Ito ay maaaring bahagyang dahil sa katunayan na ang mga social network ay lumilikha ng artipisyal na pangangailangan.
Kahit na sobrang busy sa trabaho ay nakukuhang tumingin sa Facebook o ibang social media sites. Ito ay upang suriin ang mga “likes” at “comments” na nakukuha. Ang mga empleyado ay gumugugol ng 2.35 oras bawat araw sa pag-access sa kanilang mga social media account sa lugar ng trabaho.
Kailangan mo ng social media detox kung sa tingin mo ay kailangan mong tumugon kaagad sa mga mensahe at mga reaksyon ng emoji sa social media.
Sinasabi nila na nagpapahusay ng pakiramdam ang social media dahil sa pagiging konektado mo sa ibang tao. Gayunpaman, natuklasan ng pananaliksik na ang social media ay mayroon ding kabaliktaran na epekto dahil mas nagiging malungkot at mas nakahiwalay ang pakiramdam ng mga taong nakatuon sa social media.
Kalidad ng pagtulog
Ang sobrang aktibong presensya sa social media ay maaaring mag-iwan ng marka hindi lamang sa kalusugang pangkaisipan kung hindi pati sa kalidad ng pagtulog. Ayon sa mga mananaliksik, naaapektuhan ang oras at kalidad ng pagtulog ng mga gumagamit ng social media. Ito ay dahil napipilitan silang maging aktibo sa mga website na ito sa lahat ng oras hanggang hatinggabi.
May posibilidad na ang paggamit ng social media ay maaaring magsulong ng emosyonal, cognitive, at physiological arousal. Ayon sa mga eksperto, ang pagkakalantad sa maliwanag na mga screen bago ang oras ng pagtulog ay nauugnay sa pagkagambala sa pagtulog.
Social media detox para mas maging produktibo
Sa pangkalahatan, hindi mapagkakaila na may malaking impact ang social media sa buhay natin. Mayroon itong mga benepisyo, isa na dito ang mas konektado tayo sa ibang tao. Ngunit kapag sobra na ang ginugugol nating oras dito ay maaaring maapektuhan ang ibang trabaho o gawain. Dapat natin tandaan na ang oras na ginugugol sa social media ay maaaring oras na maaaring igugol sa mas mahalagang bagay.