backup og meta

E-Sabong, Paano Nagdudulot Ng Adiksyon? Alamin Dito!

E-Sabong, Paano Nagdudulot Ng Adiksyon? Alamin Dito!

Naging viral sa social media ang paghingi ng tulong ng isang ina na mabawi ang kanyang anak matapos itong ibenta bunga ng adiksyon sa e-sabong. Naganap ang ganitong klaseng bentahan para magkaroon ang ina ng pambayad sa kanyang mga utang dahil naubos ang pera nito dahil sa pagsusugal.

Ayon sa mga naging ulat umabot sa Php. 50,000 ang unang presyong hinihingi ng nanay para sa pagbebenta ng kanyang 9 na buwan na anak, pero sa huli napagkasunduan ng ina at ng buyer niya sa Facebook na mabibili ang bata sa halagang Php. 45,000.

Umani ng samu’t saring batikos sa social media ang ina ng bata dahil sa ginawa nitong pagbebenta sa anak at makikita na hindi biro ang epekto ng adiksyon sa e-sabong dahil sa nangyaring bentahan at pagkabaon sa utang ng magulang.

Basahin ang artikulong ito para malaman pa ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa adiksyon sa e-sabong.

Ano ang E-Sabong?

Ayon sa The Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang e-sabong ay tinutukoy nila bilang isang online remote off-site na pagtaya sa mga live na laban sa sabong. Ang aktibidad na ito ay maaaring ma-stream at mai-brodcast nang live mula sa mga arena ng sabungan, kung saan ang mga sabungan na ito ay lisensyado at pinahihintulutan ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa rito dahil nasa online platform na ang sabong— madaling nakasasali ang bawat indibidwal basta may gadget at internet connection.

Mga sintomas ng adiksyon sa e-sabong

Batay sa pahayag ng kinakasama ng inang nagbenta ng anak, itinago ng kanyang karelasyon ang adiksyon nito sa e-sabong.

Walang trabaho ang kanyang partner at hindi rin niya matutukan ang kasintahan dahil abala ito sa kanyang trabaho sa pagkakabit ng WiFi sa iba’t ibang lugar.

“Meron po siyang ano, [kung] baga sinasamahan lang po siya ng kaibigan niya po para umutang sa ibang tao.” pahayag ng karelasyon ng ina.

Ito ang naging dahilan kung bakit unti-unti ay nabaon sa utang ang ina ng bata, at ayon pa sa mga doktor at eksperto hindi nakakagulat na magkaroon ng adiksyon ang isang tao sa e-sabong lalo na kung matagal na siyang nagkakaroon ng exposure sa ganitong uri ng pagsusugal.

Kaugnay ng nabanggit, makikita ang kahalagahan ng pag-alam sa mga sintomas ng adiksyon sa e-sabong upang maagapan ito at matulungan na rin ang isang indibidwal, dahil maaari itong makasira sa kalusugan ng isang tao at makawasak ng anumang klaseng relasyon kung magpapatuloy ang adiksyon sa e-sabong.

Narito ang mga sumusunod na sintomas ng adiksyon sa e-sabong:

  • Pagiging pre-occupied o abala sa sugal— kung saan patuloy kang nagplaplano paano makakakuha ng mas maraming pera upang mas makapaglaro at humaba pa ang oras ng iyong pagsusugal.
  • Pagtaya ng matataas na halaga sa sugalan para makaramdam ng thrill at excitement.
  • Pagsubok na kontrolin, bawasan o ihinto ang pagsusugal— subalit hindi mo ito magawa at mapagtagumpayan.
  • Pagiging iritable kapag sinusubukan mong bawasan ang pagsusugal.
  • Pagsusugal para matakasan ang problema at mapawi ang depresyon at pakiramdam ng kawalan ng kakayahan.
  • Pagbawi sa mga natalong pera sa pamamagitan ng pagsusugal nang higit pa at tinatawag ito na paghabol sa pagkalugi.
  • Labis na pangungutang.
  • Pagsisinungaling sa mga miyembro ng pamilya na may kaugnayan sa pagsusugal.
  • Pagkalagay sa alanganin ng mga mahahalagang trabaho o commitment tulad ng trabaho, relasyon at edukasyon.
  • Pagsang-ayon sa pagnanakaw at panloloko para makakuha ng pera sa pagsusugal.
  • Pagsusugal kahit nakataya na ang kalayaan at buhay mo o ng iba.

Kaugnayan ng adiksyon sa e-sabong sa mental health

Ayon sa mga ulat ang ina ng bata at katransakyon nito sa Facebook para sa bentahan ng anak ay naganap sa Quezon City noong Marso 3, at sa bahagi ito makikita na hindi normal para sa isang ina na ibenta ang kanyang sariling anak.

Kaya sa pag-uwi ng bahay naisip nitong bawiin ang bata, at dahil doon muli niyang tinawagan ang katransakyon— ngunit hindi na ito makontak. Kaya naman lumapit ang ina at ang kinakasama nito sa National Bureau of Investigation (NBI) para humingi ng tulong sa pagbawi ng bata.

“Yung cellphone po, binigay po namin yung cellphone sa NBI po tsaka hinahanap po namin yung taxi po na pinagsakyan niya.”

Matagumpay na nabawi ng NBI sa Sta. Cruz Laguna ang batang ibinenta at ayon na rin sa ulat ng GMA News nakuha ang bata sa mag-live in partner na namatayan ng anak.

Makikita sa sitwasyong ito na ang adiksyon sa e-sabong ay may malaking epekto sa mental health ng bawat isa dahil pwedeng mauwi ang adiksyon sa paggawa nang hindi magagandang desisyon, depresyon, at pagkabalisa.

Ang adiksyon sa e-sabong ay konektado sa compulsive gambling— isa itong gambling disorder kung saan ayon sa mga eksperto ito ang patuloy na pagsusugal kahit buhay na ang na ang nakataya.

Dahilan ng Compulsive Gambling

Ang gambling o pagsusugal ay tungkol sa willingness na mag-risk sa bagay na may halaga. Madalas ay ginagawa ito sa pag-asa na may mas malaking kapalit ito sa huli.

Ayon sa mga doktor sa pagsusugal ng isang tao maaari nitong i-stimulate ang brain’s reward system natin na pwedeng humantong sa adiksyon.

Kung mayroon kang compulsive gambling maaari mong ipagpatuloy ang pagtaya kahit ikaw ay nakakaranas nang pagkatalo at pwede itong magresulta sa mga bagay na hindi kanais-nais tulad ng:

  • hindi magandang pagbabago ng ugali
  • pagkaubos ng ipon
  • pagsasangla ng ari-arian
  • pagkaipon ng mga utang
  • pagnanakaw
  • panloloko

Ang mga ito ay maaaring maging resulta ng gambling disorder na maaaring sumira ng buhay tulad ng mga nangyari sa inang ibinenta ang sariling anak dahil sa adiksyon sa e-sabong. Dahil ayon sa Philippine National Police Women and Children Center Spokesperson PCol. Joy Tomboc maaaring managot sa hukuman ang ina ng bata, middle man at ang bumili nito.

Dagdag pa ng mga eksperto maaaring resulta ang compulsive gambling mula sa kombinasyon ng biological, genetic at environment factors. 

Risk Factors ng compulsive gambling

Ang pag-alam ng risk factors ng compulsive gambling ay makatutulong para maiwasan ang adiksyon sa e-sabong. Narito ang mga sumusunod na risk factors na dapat mong malaman:

  • Mental Health Disorders. Ang mga taong may compulsive gambling ay kadalasang mayroong abuse problems, personality disorder, depresyon o anxiety. Maaari ring i-associate ang compulsive gambling sa bipolar disorder, obsessive-compulsive disorder (OCD) or attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD).
  • Mga medikasyon na ginamit sa paggamot ng Parkinson’s disease at restless legs syndrome. Ang drugs ay tinatawag na dopamine agonist kung saan may rare side effects ito na maaaring magresulta sa compulsive behaviors at pagsusugal.
  • Sex. Ayon sa artikulong ng “Compulsive gambling” mula sa Mayoclinic ang pagkakaroon nito ay mas madalas sa mga lalake. Ngunit ang babaeng kakasimula pa lamang sa pagsusugal ay maaaring ma-addict agad ng mabilis. Gayunpaman ang gambling patterns ng babae at lalaki ay parehong tumataas.
  • Pamilya at impluwensya ng kaibigan. Ang pagkakaroon ng kaibigan at pamilya na sugalero at problema sa pagsusugal ay nakapagpapataas ng chances mo na gayahin ito dahil na rin sa kanilang impluwensya at kinamulatang environment.
  • Partikular na personality characteristics. Sinasabi na ang pagiging highly competitive, workaholic at impulsive ay maaaring makapagpataas ng risk sa pagkakaroon ng compulsive gambling.
  • Edad. Madalas sa bata at middle-aged na tao ang compulsive gambling at ang pagsusugal sa childhood o teenage years ng isang tao ay maaaring makapagpataas ng risk sa pagdebelop nito.

Paano maiiwasan ang adiksyon sa e-sabong?

Bagamat ang tritment sa compulsive gambling ay challenging, mainam pa rin na humingi ng professional treatment. Maaaring makatulong ang iba’t ibang sesyon ng counseling para malabanan ang adiksyon at maganda na agapan ito, dahil ang pagpapabaya rito ay maaaring magbunga ng malalaking problema, gaya sa napabalitang bentahan ng bata dahil sa adiksyon sa e-sabong.

Ngayon na alam natin na konektado ang adiksyon sa e-sabong sa compulsive gambling dapat magkaroon ang bawat isa ng kamalayan tungkol dito. Bagamat wala pang mga proven way para maiwasan ito ang mga educational programs na may kaugnayan dito ay maaaring makatulong sa pagkakaroon ng kamalayan.

Key Takeaways

Hindi maitatanggi na ang sabong ay naging bahagi ng kultura ng mga Pilipino kaya hindi nakapagtataka kung madaling sumikat ang e-sabong sa Pilipinas. Subalit lagi pa ring tandaan na ang anumang sobra ay nakasasama at maaari nitong maapektuhan ang kalusugan ng bawat isa at maging ang relasyon sa ibang tao. Kung may tao kang nakikita na may sintomas ng adiksyon sa pagsusugal pwede mo silang tulungan sa pamamagitan ng pagpapayo o pagre-refer sa kanila sa mga professional doctor na maaaring magbigay ng payo at atensyong medikal sa kanila.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Philippines Legal e-Sabong Betting https://www.legalonlinecasinos.ph/sports/esabong/ Accessed March 23, 2022

Compulsive gambling https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/compulsive-gambling/symptoms-causes/syc-20355178 Accessed March 23, 2022

Compulsive Gambling Symptoms, Causes and Effects https://www.psychguides.com/behavioral-disorders/gambling-addiction/symptoms-and-effects/ Accessed March 23, 2022

PAGCOR considering legal basis of e-sabong suspension https://www.pna.gov.ph/articles/1169032#:~:text=PAGCOR%20defines%20e%2Dsabong%20as,authorized%20by%20local%20government%20units Accessed March 23, 2022

What is Gambling Disorder? https://www.psychiatry.org/patients-families/gambling-disorder/what-is-gambling-disorder Accessed March 23, 2022

Kasalukuyang Version

06/20/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Iwas-Budol Tips Na Maaari Mong Gawin Para Makaiwas Sa Scammers!

Paano Mabuhay Nang Tama: Hindi Kailangang Laging Masaya


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement