Karamihan sa mga Pilipino ay tunay na hindi alam kung saan o paano nagsimula ang ating mga pamahiin (mga paniniwalang matagal nang pinaniniwalaan dahil sa kultura). Subalit marami pa rin ang nagsasagawa ng mga ito dahil ano nga ba ang panganib ng mga paniniwalang ito? Epektibo nga ba ang mga pamahiin sa kalusugan na pinaniniwalaan ng mga Pilipino?
Narito ang katotohanan sa likod ng lima sa mga pinakakaraniwang pamahiin sa kalusugan.
5 Pamahiin Sa Kalusugan: Totoo Ba Ang Mga Ito?
1. Paglilihi (Pregnancy Cravings)
Habang nagbubuntis, may mga pagkakakataong ang isang babae ay lubhang nananabik sa tiyak na pagkain, o kinahihiligan ang isang partikular na bagay o tao. Maraming Pilipino ang naniniwalang ang pinanabikan o kinahiligan ng isang buntis ay may direktang epekto sa magiging itsura ng sanggol.
Halimbawa, kung ang isang buntis ay kumakain ng pagkaing kulay puti tulad ng labanos, ang sanggol ay isisilang nang may maputing balat. Kung siya ay kumakain ng kambal na saging, magiging kambal ang kanyang mga anak.
Bagama’t totoo ang pananabik sa mga pagkain habang nagbubuntis, ang paglilihi ay hindi totoo. Nananatili pa ring hindi nalalaman ang dahilan kung bakit maaaring manabik ang isang buntis sa mga tiyak na lasa. Ngunit sinasabi ng ilang eksperto na ito ay dulot ng pagbabago sa hormones habang nagbubuntis.
Ang pananabik at/o pag-iwas sa pagkain habang nagbubuntis ay normal at karaniwang nagsisimula sa unang trimestre. Lumulubha ito sa ikalawang trimestre at nawawala sa ikatlo. Ang diet ng isang buntis ay tunay na nakaaapekto sa kalusugan ng sanggol na nasa sinapupunan. Subalit ang pisikal na itsura ng sanggol ay lubhang naaapektuhan ng genetics, at hindi ng paglilihi.
2. Limang-Segundong Tuntunin
Ang pamahiin ito sa kalusugan ay nangangahulugang ang pagkain ay ligtas pa ring kainin kung ito ay iyong kinuha sa loob ng limang segundo matapos nitong mahulog. Marahil ang pagkain ng pagkaing nahulog na ay maaaring maging sanhi ng pagkalason. At ito naman ay maaaring magresulta sa pagsusuka, lagnat, pagtatae, at iba pa.
Ang pamahiing ito ay marahil nagmula sa tuntunin ni Genghis Khan. Sinasabing ang pagkaing inihanda para sa kanya sa mga pagtitipon ay espesyal. At kung mahulog ang alinman sa mga ito sa sahig, maaari pa rin itong kainin ninoman.
Ang mga pag-aaral tungkol sa tuntuning ito ay pinangunahan ni Jillian Clarke noong 2003. Siya noon ay isang high school intern sa University of Illinois. Bagama’t marami ng iba pang mga pananaliksik ang naisagawa kaugnay nito, wala pa ring napagkakasunduan.
Ayon sa iba, depende ito sa maraming salik. Dapat mong isaalang-alang ang uri ng pagkain, kalinisan ng sahig, at kung ang sahig at pagkain ay basa o tuyo. Bagama’t ang mabilis na pagpulot sa pagkain ay nakapagpapababa sa tyansa ng kontaminasyon, hindi nito natitiyak ang kaligtasan mula sa bakterya.
Upang maging ligtas, hugasan muna ang nahulog na pagkain bago kainin, kung maaari. O kung hindi, itapon ito. Maging maingat sa mga pamahiin sa kalusugang may kaugnayan sa pagkain dahil maaari kang magkaroon ng malubhang sakit kung hindi mag-iingat.
3. Pasma
Ang pasma ay nagmumula sa salitang Espanyol na “espasmo,” na nangangahulugang spasm sa Ingles. Ito ay sinasabing pamahiin sa kalusugan na natatangi sa kultura ng mga Pilipino. Kabilang sa mga sintomas ng pagiging pasmado ay ang pagpapawis ng palad, paminsan-minsang panginginig, pamamanhid, at pananakit ng mga kamay.
Bagama’t walang tiyak na medikal na pagpapaliwanag kung saan partikular na nagmula ang pamahiing ito, marami pa ring mga Pilipino ang naniniwala na ito ay totoo. Ayon sa Pilipinong anthropologist na si Dr. Michael L. Tan, ang pasma ay pinaniniwalaang sanhi ng pagiging lantad sa lamig, habang nasa mainit na kalagayan o kondisyon. Halimbawa, ang pasma ay maaaring sanhi ng paliligo (malamig) matapos ang nakapapagod na gawain (mainit).
Ayon sa mga propesyonal sa larangan ng medisina, ang katotohanan tungkol sa pasma ay maaari itong sintomas ng iba pang kondisyon sa kalusugan, tulad ng diabetes mellitus at thyroid dysfunction. Sa kabilang banda, sinasabi naman ng iba na ito ay dahil sa neurological na problema. Kung ikaw ay nakararanas ng pasma at nababahala tungkol dito, mainam na kumonsulta sa doktor.
4. Pagpapatigil Sa Sinok Gamit Ang Sinulid At Laway
Marahil isa sa mga pinakakakaibang pamahiin sa kalusugan na pinaniniwalaan ng mga Pilipino ay ang paglalagay ng maliit na sinulid na may laway sa noo ng isang tao upang mapatigil ang sinok. Ang pinagmulan ng tradisyong ito ay hindi na matuklasan. Walang siyentipikong ebidensya na nagpapatunay sa pamahiing ito.
Ang sinok ay ang “hindi boluntaryong pagliit ng diaphragm”. Sinasabing ito ay nakatutulong upang mailabas ang nakulong na hangin sa bituka o upang maitulak pababa sa bituka ang mga kinain. Ang biglaang pagsinok ay karaniwang sanhi ng iba’t ibang salik, tulad ng pagkain nang sobra, pagkain nang mabilis, pananabik, pagiging kabado, pag-inom ng alak o carbonated na inumin, at pagiging stress.
Ang sinok ay dapat kusang mawala matapos ang ilang minuto. Naniniwala ang ilang mga eksperto na ito ay mawawala sa pamamagitan ng pagpigil sa hininga o pag-inom ng tubig. Kung sinisinok pa rin makalipas ang mahigit tatlong oras, magpakonsulta sa iyong doktor para sa tamang diagnosis at gamutan.
5. Ang Pagtulog Nang Basa Ang Buhok Ay Dahilan Ng Pagkabulag
Isa ito sa mga sikat na pamahiin sa kalusugan na pinaniniwalaan ng mga Pilipino. Kung ikaw ay naligo matapos ang isang nakapapagod na araw, marahil ay sasabihan ka na: “Dapat mo munang tuyuin ang iyong buhok bago matulog o kung hindi ay mabubulag ka.”
Bagama’t sinasabi ng agham na may mga panganib ang pagtulog nang basa ang buhok, hindi ito sanhi ng pagkabulag. Gayunpaman, ayon sa ibang pananaliksik, ang pagtulog nang basa ang buhok ay maaaring maging sanhi ng sipon, allergy, at asthma.
Ayon kay Dr. Schaffner ng Vanderbilt University Medical Center, walang ebidensyang nagpapatunay na ang isang taong natulog nang basa ang buhok ay magkakaroon ng sintomas ng allergy o asthma. Dahil ang sipon ay sanhi ng mga virus, hindi posibleng maaari kang magkaroon nito dahil sa pagtulog nang basa ang buhok.
Gayunpaman, ang paggawa nito ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng buhok. Pinakamadaling masira ang buhok kapag ito ay basa, kaya mas madali itong mabuhol. Upang masolusyunan ito, maaaring patuyuin mo muna ang iyong buhok bago matulog.
Key Takeaways
Ang pagiging epektibo ng mga pamahiin sa kalusugan na pinaniniwalaan ng mga Pilipino ay maaaring hindi totoo at batay lamang sa sariling mga karanasan, kaysa sa batay sa agham. Laging maging maingat sa pagsunod sa mga pamahiin sa kalusugan, lalo na kung ikaw ay may medikal na kondisyon. Kumonsulta sa iyong doktor.
Matuto pa tungkol sa Pangkalahatang Kaalaman sa Kalusugan dito.