Ang stool analysis, na tinatawag ding fecalysis o stool exam, ay tumutukoy sa serye ng mga pagsusuri para sa dumi. Kadalasang inirerekomenda ng mga doktor ang fecalysis bilang bahagi ng isang regular check-up o dahil pinaghihinalaan nila ang mga problema sa digestive system. Ang mga resulta ay maaaring makatulong sa pag-diagnose ng isang malawak na hanay ng mga kondisyon, mula sa mga impeksyon, malabsorption disorders, hanggang sa kanser. Sa laboratoryo, sinusuri ng technician ang kulay, amoy, at nilalaman ng dumi (mucus, dugo, mikroorganismo, o mga blood cells). Dahil ang hindi tamang pagkuha ng stool sample ay maaaring makaapekto sa resulta. Kung kaya, ang artikulong ito ay nakatuon sa mga hakbang sa pagkuha ng stool sample.
Tandaan Ang Mga Instructions
Ang isang mahalagang hakbang sa pamamaraan ng pagkuha ng stool sample ay paghahanda.
Maaaring kang payuhan ng doktor na huwag kumain ng ilang pagkain o uminom ng ilang gamot ilang araw bago kolektahin ang specimen. Sa pangkalahatan, 72 oras bago ang koleksyon, maaaring kailanganin mong iwasan ang mga sumusunod:
- Paggamit ng laxatives, tulad ng castor oil
- Pag-inom ng mga supplements na nagboblock ng fat absorption
Maaari ring magkaroon ng iba pang mga restriksyon na nakadepende sa kung ano ang sinusuri ng doktor sa isang stool sample. Halimbawa: Kung naghahanap sila ng nakatagong (occult) dugo, maaari nilang hilingin sa iyo na huwag uminom ng vitamin C, pain reliever, red meat, o ilang partikular na prutas at gulay nang hindi bababa sa tatlong araw bago ang pagkuha ng stool sample. Kinakailangan rin sabihin sa iyong doktor kung ikaw ay umiinom din ng mga iron supplement dahil maaaring makapag iba ito ng kulay ng iyong dumi.
Mga Hakbang sa Pagkuha ng Stool Sample
Narito ang mga hakbang na dapat mong sundan sa pagkuha ng stool sample.
Step 1: Lagyan Ng Label Ang Lalagyan
Karamihan sa mga laboratory clinics at ospital ay nagbibigay ng mga sterile na lalagyan para sa pagkuha ng stool sample. Ngunit, maaari ka ring bumili ng sarili mong lalagyan sa pinakamalapit na pharmacy sayo. Hangga’t maaari, pumili ng lalagyan na may kasamang scoop.
Bago kolektahin ang specimen, lagyan ng label ang lalagyan gamit ang iyong buong pangalan, petsa, at oras ng koleksyon.
Step 2: Umihi Muna
Bago ang pagkuha ng stool sample, nararapat na wala munang laman ang iyong pantog. Sa ganoong paraan, hindi ka makakakuha ng ihi sa iyong sample.
Pagkatapos, punasan mula sa harap hanggang sa likod, at hugasan nang maigi ang iyong mga kamay.
Step 3: Kolektahin Ang Stool Specimen
Ang wastong pamamaraan ng pagkuha ng stool sample ay nangangahulugan na hindi ka mangongolekta ng dumi na nasa loob ng inodoro o maging sa tubig sa loob nito.
Maglagay ng malinis na lalagyan sa palikuran upang makuha ang dumi. Maaari itong maging isang plastik na palanggana, plastic wrap, o kahit isang bahagi ng dyaryo. Pagkatapos, gamitin ang scoop na kasama ng lalagyan para makuha ang sample. Tandaan na ang mga bahagi ng dumi na may dugo o mucus ay partikular na mahalaga. Dapat ay mapunan ang 1/3 ng lalagyan o halos kasing laki ng walnut.
Kung ikaw ay mayroong diarrhea, magdikit ng plastic bag sa inodoro upang makakolekta ng dumi.
Panghuli, i-sarado nang mahigpit ang lalagyan gamit ang takip at ilagay ito sa isang sealable plastic bag.
Step 4: Dalhin Ang Specimen Sa Laboratoryo
Mainam kung ihahatid mo ang stool sample sa lalong madaling panahon. Ito ay dahil habang tumatagal ang paghatid ng specimen, mas malaki ang posibilidad na dumami ang mga mikrobyo. Nangangahulugan ito na ang dumi ay hindi na kumakatawan sa mga antas ng mga mikroorganismo sa bituka. Minsan, kahit na ang mga refrigerated specimen ay hindi na maaaring masuri.
Kausapin ang iyong doktor kung hindi mo ito madadala sa lalong madaling panahon. Maaari ka niyang payuhan tungkol sa tamang pagrefrigerate nito (tamang temperatura, gaano katagal, at iba pa).
Key Takeaways
Ginagamit ng mga doktor ang mga resulta ng fecalysis upang makatulong sa pag-diagnose ng mga sakit na kinasasangkutan ng digestive tract.
Ang pagkuha ng stool specimen ay kinabibilangan ng pagsunod sa mga alituntunin sa paghahanda. Maaaring kailanganin mong iwasan ang ilang mga pagkain at gamot ilang araw bago ang koleksyon ng dumi.
Sa panahon ng pagkolekta, bakantehin muna ang iyong pantog upang hindi magkaroon ng ihi sa sample. Gayundin, hindi dapat dumikit ang sample sa loob ng inodoro. Kailangan mo ng malinis na lalagyan, plastic wrap, o dyaryo para sa dumi.
Panghuli, ihatid ang specimen ng dumi sa lalong madaling panahon. Ang isang sample na hindi sariwa ay maaaring hindi magbigay ng tumpak na mga resulta.
Alamin ang iba pa tungkol sa Mga Medical Tests dito.