Kamakailan lamang ay naglabas ang US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng kanilang bagong CDC guidelines. Ito ay alinsunod sa ilang taon na pagkasailalim ng buong mundo sa gitna ng pandemya. Alamin ang mga importanteng panukala at updates sa artikulong ito.
Ang Pahayag Ng US Centers For Disease Control And Prevention (CDC)
Noong Agosto 11 (Huwebes), naglabas ng pahayag ang CDC patungkol sa mga pagbabago sa pangangasiwa ng buong nasyon ng virus na patuloy na namamayagpag mapasahanggang ngayon, ang COVID-19. Iminungkahi ng mga naturang bagong CDC guidelines upang matulungan ang mga tao na mas maunawaan ang ilang mga bagay. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Kanilang panganib
- Paano protektahan ang kanilang sarili at ibang tao laban sa nakahahawang sakit
- Mga aksyon na maaaring gawin kapag nagkaroon ng COVID-19 exposure, maging kung nagpositibo sa mismong sakit
Bagaman patuloy ang pagkalat ng virus sa iba’t ibang bahagi ng mundo, marami na ngayong mga tool na maaaring gamitin upang maiwasan ang kalubhaan nito. Samakatuwid, bababa rin ang panganib na magkaroon ang mga tao ng malubhang karamdaman na maaaring humantong sa pagkaospital o kamatayan.
Ayon kay Greta Massetti, PhD, MPH, at MMWR author, nasa mas maayos at mas malakas na tayong posisyon kumpara noong kasagsagan ng unang wave ng pandemic.
“We’re in a stronger place today as a nation, with more tools — like vaccination, boosters, and treatments — to protect ourselves, and our communities, from severe illness from COVID-19.
“We also have a better understanding of how to protect people from being exposed to the virus, like wearing high-quality masks, testing, and improved ventilation. This guidance acknowledges that the pandemic is not over, but also helps us move to a point where COVID-19 no longer severely disrupts our daily lives.”
Ano Ang Mga Bagong CDC Guidelines Sa US?
Ang mataas na antas ng population immunity buhat ng pagbabakuna, nakaraang impeksyon, at iba pang tools ang nakatutulong upang mas bigyang atensyon ang mga taong nakakaramdam ng malubhang karamdaman.
- Dahil dito, hindi na inirerekomenda ang pagkakaroon ng physical distancing nang hindi bababa sa 6 na hakbang. Nabanggit din bilang bahagi ng bagong CDC guidelines ang pagsasantabi ng pagsasagawa ng contact tracing at regular COVID testing. Gayunpaman, inaasahan pa rin itong maipagpatuloy ng mga ospital at ilang mga high-risk group living situations tulad ng nursing homes.
- Dagdag pa rito, hindi na rin pinapayuhan na sumailalim sa quarantine ang mga taong nagkaroon ng COVID-19 exposure. Ito ay lalo kung hindi naman sila naapektuhan nito.
- Ngunit, may ilang mga bagay pa rin ang mananatiling pareho sa kabila ng mga bagong CDC guidelines na nabanggit. Hinihikayat pa rin ang testing sa mga taong nakararamdam ng sintomas at mayroong malalapit na kontak. Nararapat pa ring manatili sa loob ng bahay ang mga taong nagpositibo sa virus nang hindi bababa sa limang araw. Bukod pa rito, pinaaalalahanan din sila na ipagpatuloy pagsusuot ng mask kapag may nakakasalamuhang ibang tao sa loob ng 10 araw.
- Nagkaroon din ng ilang mga pagbabago sa kung paano pangangasiwaan ang mga antas ng kalubhaan ng kondisyon ng isang tao. Moderate o severe man ang kondisyon, kinakailangan ng tao na sumailalim sa 10 araw na isolation. Kung hindi ka sigurado kung ano ang antas ng iyo, siguraduhing humingi ng medikal na payo sa iyong doktor tungkol sa partikular na mga guidelines.
Patuloy pa rin naman ang pagbabatid ng kamalayan sa halaga ng pagkakaroon ng updated vaccination upang magkaroon ng proteksyon.
Ang Sitwasyon Ng COVID-19 Sa Pilipinas
Bagaman naglabas ng mga bagong CDC guidelines upang mapagaan ang mga limitasyon at restriksyon, itinalaga pa rin ng US CDC ang bansa bilang “high risk” para sa COVID-19 buhat ng muling pagtaas ng mga bagong impeksyon.
Ngayong Martes lamang (Agosto 16), inilagay ang Pilipinas sa Level 3 o high level para sa COVID-19. Ito ay dahil sa mahigit 100 kaso sa bawat 100,000 na residente sa nakalipast na 28 na araw.
Dahil dito, hindi inirerekomenda ng US CDC ang paglalakbay sa Pilipinas lalo pa kung hindi up-to-date ang bakuna ng tao.
Ito na ang pinakamataas na risk level simula noong Abril matapos ang maingat na pagsusuri ng ahensya sa rating system.
Gayunpaman, binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng magkaibang sukatan sa Pilipinas at US.
“Sa CDC ang ginagamit nila ay yung incidence rate triangulated with the testing data. Dito po sa ating bansa, ito pong number of cases ay hindi na po natin binibigyan ng equal weight with our healthcare utilization,” sabi ng DOH Officer-in-Charge na si Ma. Rosario Vergeire sa isang press briefing.
“Ang atin pong severe and critical infection remains to be at that low number less than 1,000. And atin pong mga naad-admit ay manageable at nape-preserve pa rin natin ang ating healthcare system capacity,” dagdag pa niya.
Ayon sa DOH nitong Lunes, ang bansa ay nakapagtala ng halos 4,000 bagong kaso ng COVID-19 kada araw. Ito ay nangangahulugan ng patuloy na pagtaas ng mga bagong impeksyon sa pambansang saklaw. Mula Agosto 3 hanggang 9, mayroong average na 3,993, 12% na mas mataas kaysa sa nakaraang linggo.
Sa kabila nito, mariin ang DOH sa pagtalagang low risk ang bansa.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.