Sanhi ng constipation ang gustong malaman ng humigit-kumulang apat na milyong tao sa Estados Unidos na nakakaranas ng kondisyong ito. Ang constipation o paninigas ng dumi ang pinakakaraniwang gastrointestinal na reklamo ng mga tao. Ito ay nagreresulta sa 2.5 milyong pagbisita sa doktor taun-taon. Mas maraming tao sa Amerika at Asia-Pacific ang nagdurusa sa constipation kumpara sa mga taga-Europa. Mahigit 24 porsyento ng populasyon sa Pilipinas ay dumaranas ng constipation.
Sa isang survey na itinaguyod ng Boehringer Ingelheim, napag-alaman na ang mga nakakaranas ng constipation ay hindi gumagamit ng pinakamabisang paggamot para dito. Pinakamababa ang paggamit ng laxative sa Asia-Pacific kung saan dalawa, o mas mababa pa, sa sampung nakakaranas nito ang gumagamit ng laxative. Kahit na sa Amerika, kung saan ang laxative treatment ay pinakamataas, kaunti pa rin ang gumagamit ng laxative para maibsan ang kanilang constipation.
Alamin kung ano ang kondisyong ito
Ang constipation ay isang kondisyon kung saan nakakaranas ng hindi komportable o madalang na pagdumi ang isang tao. Itinuturing na constipated ka, kung nakakaranas ka ng matigas at tuyo na dumi. Kadalasan din na mas kaunti sa tatlong beses sa isang linggo ang pagdumi. Gayunpaman, depende sa bawat tao ang kadalasan ng pagdumi. Mayroong dumudumi tatlong beses isang araw, o kaya naman ay tatlong beses isang linggo.
Ang talamak na constipation ay madalang na pagdumi o mahirap na pagdumi na nagpapatuloy ng ilang linggo o mas matagal pa. Pangkaraniwan na ang paminsan-minsang paninigas ng dumi. Ngunit ang ilang mga tao ay nakakaranas ng talamak na constipation. Kadalasan ito ay maaaring makagambala sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain. Ang talamak na constipation ay maaari ring maging sanhi ng labis na pagpwersa sa pagdumi.
Sanhi ng constipation: Mga bara sa colon
Ang mga bara sa colon ay maaaring makapagpabagal o pumigil sa paggalaw ng dumi. Isa itong seryosong problema na nangyayari kapag may bumabara sa alinman sa iyong malaki o maliit na bituka. Kapag huminto ang iyong digestive system, hindi ka maaaring magdumi o magpasa ng gas. Maaari ring mauwi ito sa pananakit at pamamaga ng tiyan.
Fecal impaction
Ang isang karaniwang uri ng pagbara ay tinatawag na fecal impaction. Ito ay kapag ang isang malaki at matigas na dumi ay natigil sa iyong digestive tract at hindi mailalabas sa karaniwang paraan. Tinatawag din itong pagbara sa bituka kapag ito ay dulot ng ibang bagay maliban sa matigas na dumi.
Ang fecal impaction ay pinakakaraniwang dahilan ng pagbara na nagiging sanhi ng constipation. Nangyayari ito kapag hindi mo regular na nailalabas ang dumi at bumabalik ito sa loob ng iyong malaking bituka. Ang fecal impaction ay maaari ding tukuyin ng iyong kawalan ng kakayahan na makadama at tumugon sa pagkakaroon ng dumi sa iyong tumbong.
Anal fissure bilang sanhi ng constipation
Ang pagdudumi ay maaaring maging napakasakit dahil sa mga bitak sa tumbong. Ito ay maaaring maging sanhi ng constipation. Dahil dito, maaaring maging mahirap para sa iyo ang proseso ng pagdumi. Maaari din itong maging sanhi ng paninigas ng dumi at ng pagdurugo sa tumbong.
Ang mga anal fissure ay kadalasang sanhi ng pinsala sa lining ng anus o anal canal, ang huling bahagi ng bituka. Karamihan sa mga kaso ay nangyayari sa mga taong may paninigas ng dumi. Ito ay nangyayari kapag napunit ang lining ng anal canal dahil sa isang partikular na matigas o malaking dumi. Ang patuloy na pagtatae ay isa pang posibleng dahilan ng anal fissures.
Pagbara sa bituka
Karamihan sa mga taong nakakaranas ng bara sa bituka ay nahihirapang maglabas ng hangin. Ang iba pang mga sintomas na may pagbara sa bituka ay ang sumusunod:
- Pakiramdam ng kapunuan o pamamaga sa iyong tiyan
- Malakas na tunog mula sa iyong tiyan
- Nakakaramdam ng kabag, ngunit hindi makalabas ng hangin
- Constipation
Kanser sa bituka bilang sanhi ng constipation
Ang mga palatandaan at sintomas ng colon cancer ay kinabibilangan ng patuloy na pagbabago sa iyong mga gawi sa pagdumi. Kabilang dito ang:
- Pagtatae
- Paninigas ng dumi
- Pagbabago sa itsura ng iyong dumi
- Pagdurugo ng tumbong
- Dugo sa iyong dumi.
- Patuloy na kakulangan sa ginhawa sa tiyan
- Cramps, gas o pananakit