Iniisip ng karamihan sa mga tao na masama ang bacteria, ngunit maraming good bacteria sa loob ng iyong digestive tract. Nakatutulong ang bacteria na ito sa maayos na panunaw at pangkalahatang kalusugan. Ang bacteria na ito, kasama ang iba pang microorganisms ay matatagpuan sa digestive tract na bumubuo sa ating gut flora. Para saan ang gut flora?
Ano ang Gut Flora?
Ang ating gut flora ay tumutukoy sa lahat ng bacteria, fungi, at iba pang microorganisms na nasa digestive system, masama man ito o mabuti. Nagtataglay ng trilyones ng bacteria ang ating katawan. Pinakamarami nito ang nasa ating digestive tract.
Sa ngayon, natuklasan ng mga mananaliksik kung gaano kahalaga ang ating gut flora. Bukod pa sa papel nito sa pagtunaw ng pagkain, pinaniniwalaang higit pa dito ang nagagawa ng gut flora. Sa katunayan, may ibang naniniwalang ang gut flora ay isa karagdagang organ, o supporting system dahil sa epekto nito sa mga prosesong nagaganap sa katawan.
Ano ang Ginagawa ng Gut Flora?
Maraming ginagawa ang gut flora sa ating katawan. Sa bawat panahong lumilipas, marami pang natutuklasan ang mga siyentipiko sa nagagawa nito. Ngunit sa ngayon, narito ang sagot sa tanong na, “Para saan ang gut flora?”
Tagatunaw ng Kinain
Una sa lahat, malaki ang ginagampanan ng bacteria sa tiyan pagdating sa pagtunaw ng kinain. Habang ang katawan ay gumagawa ng enzymes at acids sa tiyan na tumutunaw sa pagkain, ang bacteria ay tumutulong din sa prosesong ito.
Tumutulong ang bacteria na tunawin ang mas komplikadong carbohydrates. Ilan sa mga kinakain natin ay dumadaan sa ating digestive tract, kung saan ito tinutunaw ng bacteria. Kapag natunaw na ito, magagawa na ng digestive tract (partikular na sa bituka) na sipsipin ang sustansya mula rito.
Responsable din ang mga bacteria sa paggawa ng ilang bitamina na kailangan ng katawan. Ang mga bacteria sa ating bituka ay mahalaga sa paggawa ng Vitamin K, at maging ng iba’t ibang B vitamins.
Isang halimbawa dito ang Vitamin B12, na hindi matatagpuan sa mga halaman at hayop, at nalilikha lang ng bacteria. Ibig sabihin, bukod sa nagmumula ito sa vitamin supplements, ang tanging paraan upang makakuha nito ay sa pamamagitan ng gut flora o bacteria sa ating bituka.
Proteksiyon sa mga Sakit
Isa pang trabaho ng gut flora ay sila rin ay panlaban sa mga sakit. May ilang uri ng bacteria sa ating digestive tract ang kayang magpasigla ng ating resistensiya, at nakatutulong na tunawin ang mga toxic compound mula sa pagkain at inumin. Bukod pa rito, kaya ring labanan ng bacteria sa ating bituka ang mga nakapipinsalang bacteria.
Nakaambag ang malusog na gut flora sa mas malakas na resistensya sa pagtanda. Mahalaga rin ito sa paglakas ng ating immune system. Kaya naman mahalagang magkaroon ng malusog na gut flora ang mga sanggol sa una pa lang.
Sa katunayan, isang procedure na tinatawag na fecal transplantation, ay kumukuha ng good bacteria mula sa dumi ng ibang tao na malusog at inililipat sa bituka ng isa pang tao. Nakatutulong ito upang magamot ang ilang kondisyong tulad ng ulcerative colitis, Crohn disease, at iba pang sakit na sanhi ng pamamaga ng digestive tract.
Gut-brain axis
Isa pang dagdag na bagong tuklas ay may kinalaman sa gut-brain axis. Ito ang koneksiyon sa pagitan ng ating bituka at utak.
Naniniwala ang mga siyentipiko na may kinalaman ang koneksiyon ng bituka at utak sa ating mental health. Posibleng ang pagkakaroon ng malusog na gut flora ay nakatutulong sa pagpapabuti ng ating mental health. Tumutulong din ito paggana ng utak.
Gayunpaman, marami pa ring pananaliksik ang kailangang maisagawa hinggil dito.
Paano Mapananatiling Malusog ang Gut Flora?
Narito ang ilang paraan upang matulungang maging malusog ang iyong bituka at gut flora:
- Kumain ng probiotic foods. Ito ang mga pagkaing may taglay na live bacteria.
- Kumain din ng prebiotic foods, na tumutulong sa paglago ng good bacteria sa iyong bituka.
- Bawasan ang pagkain ng red meat (tulad ng baka) at mamantika o matatabang pagkain, dahil nakahahadlang ito sa paglago ng good bacteria.
- Huwag gagamit ng antibiotics, liban kung inireseta ng doktor. Pinapatay ng antibiotics ang parehong good at bad bacteria at maaaring makapagdulot ng mga problema kung ikokonsumo nang walang preskripsyon.
- Tiyaking makapagpahinga nang sapat. Umiwas sa stress. Napananatiling malusog ang gut flora kung may sapat kang pahinga.
Sa pagsunod sa mga tip na ito, matitiyak mong malakas at malusog ang iyong gut flora.
Matuto pa tungkol sa Digestive Health dito.