Isang pangkaraniwang digestive disorder ang acid reflux at maaaring makaranas nito ang kahit sino. Maaari kang magka-acid reflux kung ang iyong acid sa tiyan ay dumadaloy pabalik sa esophagus. Ito ay maaaring magdulot ng “burning sensation” sa dibdib na kilala rin sa tawag na “heartburn”. Nagaganap ito kapag ang ating lower esophageal sphincter (LES) o ang kalamnan natin sa ilalim ng esophagus na nagsisilbing “valve” sa pagitan ng esophagus at tiyan ay humina. Sapagkat ang paghina nito ay maaaring mangahulugan ng pagpapahintulot sa stomach acid na dumaloy pabalik.
Ang ilan sa mga sintomas ng acid reflux ay kinabibilangan ng regurgitation, kahirapan sa paglunok, at maasim na lasa sa bibig. Kung saan nagdudulot ang mga sintomas na ito ng discomfort at pinsala sa esophagus sa isang tao. Kung hindi rin ginagamot ang acid reflux, maaaring humantong ito sa mas malubhang kondisyon, tulad ng gastroesophageal reflux disease (GERD), na maaaring magdulot ng pamamaga at pagkakapilat ng esophagus.
Dagdag pa rito, kapag nauwi sa GERD ang acid reflux maaaring humantong pa ito sa mga problema sa paghinga, pagkabulok ng ngipin, at mas mataas na panganib ng esophageal cancer. Kaya naman napakahalaga na malaman mo kung paano mawala ang acid reflux, upang maiwasan ang anumang medikal na problema.
Para malaman paano mawala ang acid reflux, patuloy na basahin ang article na ito.
10 Tips Paano Pwede Mawala Ang Acid Reflux
Ayon kay Dr. Willie Ong, narito ang mga tip kung paano mawala ang acid reflux:
- Chew your food well and eat slowly
Kapag kumakain ka huwag dapat sobrang dami, mabilis, at hindi nginunguya. Hindi rin dapat biglain ang tiyan sa pagkain ng marami dahil maaari itong maging sanhi para mas mag-produce ng maraming acid.
- Eat smaller, more frequent meals and avoid overeating
Kumain nang paunti-unti at mas madalas. Iwasan mag-overeat dahil kapag sobrang busog mas madaling mag-burp at mas umakyat ang acid sa iyong lalamunan.
- Avoid stress
Iwasan ang stress habang kumakain, dahil kung galit at marami tayong iniisip maaaring maging sanhi ito upang ma-acid. Tandaan na ang gusto ng ating katawan na naka-relax tayo kapag kumakain — at dahan-dahan lang din dapat sa pagnguya. Ang pagkain din habang galit ay maaari maging sanhi para mag-produce ang katawan ng mas maraming acid.
- Don’t drink too much soft drinks and coffee
Iwasan o bawasan ang pag-inom ng softdrinks at kape lalo na kung wala pang laman ang iyong sikmura. Maraming tao na kapag nakainom ng napakaraming softdrinks o napakatapang na kape ay sinasaktan ng tiyan at nakakaranas ng acid reflux.
- Quit smoking and reduce alcohol consumption
Itigil ang paninigarilyo at bawasan ang labis na pag-inom ng alak, dahil isa ito sa madalas na factor bakit nagkaka-acid reflux ang isang tao.
- Avoid eating spicy, acidic, or fatty foods
Iwasan ang labis na pagkonsumo ng sobrang daming maaanghang na pagkain o purong spices, dahil maaari itong makalala ng acid reflux at pananakit ng tiyan.
- Don’t eat too much citrus fruits
Hinay-hinay lamang sa pagkonsumo ng mga citrus fruits dahil ang sobrang pagkain nito ay maaaring maging sanhi ng acid reflux.
- Avoid talking too much
Bawasan ang sobrang pagsasalita, para maiwasan ang sobrang hangin sa tiyan. Dahil kapag labis ang hangin sa tiyan ng tao, maaari siyang mag-burp at umakyat ang acid sa kanyang lalamunan.
- Lose weight if you are overweight
Bawasan ang iyong timbang kung overweight ka — at panatilihin ang isang malusog na timbang kung nagtataglay ka ng normal weight. Dahil kapag overweight ang isang tao, maaaring lumaki ang kanilang tiyan na nagiging sanhi para maipit ito kapag nagsusuot ng pantalon. Tandaan mo na kapag naipit ang tiyan sa sinturon at pantalon pwedeng maging dahilan ito ng pagtaas ng pressure sa tiyan at acid reflux.
- Avoid lying down immediately after eating
Iwasang humiga kaagad pagkatapos kumain. Maghintay ng hindi bababa sa 3 oras bago humiga upang matunawan at bumaba ang kinain.
Ang mga tip na nabanggit sa kung paano maaaring mawala ang acid reflux ay nagpapakita na pwedeng maging solusyon sa kondisyon ang pagpapanatili ng isang malusog na pamumuhay. Gayunpaman dapat mo pa rinG iwasan ang mga nakaka-trigger na pagkain, at humingi ng medikal na paggamot kung kinakailangan upang maiwasan ito — at mas mapangasiwaan ang acid reflux.
Huwag mo ring kakalimutan na ang pag-alam paano mawala ang acid reflux ay isang mahusay na hakbang para mapangalagaan ang sariling kalusugan.