Isa sa karaniwang uri ng mga sakit na nararanasan ng tao ang pananakit ng tiyan. Upper o lower stomach pain man ang nararamdaman, kadalasan nila itong binabalewala kapag ito ay dulot ng sobrang pagkain o dahil nakakain sila ng mga sira o panis na pagkain.
Ngunit ang pananakit ng tiyan ay maaaring isang senyales ng mas malubhang sakit. Kapag ito ay binalewala, puwede itong magdulot ng mas seryosong problema sa kalusugan, o kamatayan, kung hindi agad ito nalunasan.
Kaya mahalagang malaman kung kailan puwedeng ipagsawalang bahala ang pananakit ng tiyan, at kung kailan mo ito dapat seryosohin.
Upper stomach pain at iba pang sakit na hindi dapat balewalain
Narito ang listahan ng sampung sitwasyon kung bakit ang upper stomach pain, at ang iba pang karaniwang pananakit ng tiyan ay hindi dapat balewalain.
Kapag sobra na ang sakit
Minsan, ang sobrang pananakit ng tiyan ay mahirap sukatin. Ang katamtamang sakit sa isang tao ay maaaring sobrang sakit na para sa iba, na dahilan upang makaya ng ilan ang sobrang pagsakit nito.
Kung ang pananakit ng tiyan ay mas masakit kumpara sa normal na nararamdaman, kahit na kayang tiisin, mainam na magpatingin na sa doktor.
Biglaan, at hindi maipaliwanag na pananakit ng tiyan
Anumang biglaan at hindi maipaliwanag na sakit, lalo na ng tiyan, ay dapat ipag-alala.
Cholecystitis (pamamaga ng apdo) o choledocholithiasis (bato sa apdo) ang maaaring sanhi ng sakit sa taas na parte ng tiyan. Maaaring GERD o sakit sa puso naman ang dulot ng epigastric pain o sakit na nararamdaman sa ilalim ng ribs sa bahagi ng upper abdomen. Appendicitis (pamamaga ng appendix) ang maaaring ibig sabihin kapag ang right lower abdominal pain ay naranasan.
Mainam na kumonsulta sa doktor kung ang iyong tiyan ay sumasakit sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Kapag mayroong dugo sa iyong dumi
Ang pagkakaroon ng dugo sa iyong dumi ay maaaring dahil sa napakaraming bagay tulad ng almoranas, ulcers, mga impeksiyon sa tiyan, at iba pa.
Fresh blood o dark old blood man ang makita sa iyong dumi, kumonsulta na sa iyong doktor. Mahalagang sikaping makapagpatingin sa iyong doktor lalo na kung ito ay may kasamang pananakit ng tiyan.
Pagsusuka ng dugo na may pananakit ng tiyan
Dapat kang mabahala anumang oras na ikaw ay sumuka ng dugo. Lalo pa kung ang pagsusuka ay sinabayan ng pananakit ng tiyan.
Maaaring ang ibig sabihin nito ay mayroon kang impeksyon sa iyong digestive tract, ulcers, o kaya naman ay internal bleeding.
Kung nakakaramdam ng sintomas tulad ng pagkapagod o panghihina na may kasamang pagsusuka ng dugo at pagsakit ng tiyan, magpatingin na sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.
Kapag masakit ang pag-ihi
Ang masakit na pag-ihi ay maaaring senyales ng UTI. Sa kabila ng pagiging problema sa pantog, ang sakit ay maaaring malubha kung saan puwede mo itong maramdaman malapit sa iyong tiyan o abdomen.
Kidney stones (bato sa bato) o gallbladder stones (bato sa apdo) ang maaaring sanhi ng ganitong uri ng pagsakit ng tiyan. Kaya mainam na kumonsulta at magpagamot sa tulong ng iyong doktor.
Chronic Constipation
Hindi lamang ang mahirap na pagdumi ang dulot ng constipation dahil ang pananakit ng tiyan ay bunga rin nito.
Normal na nakararanas ng constipation ang tao. Ngunit kung ito ay regular nang nararamdaman, dapat na itong ikabahala.
May problemang dala ang constipation kung ikaw ay regular na hindi makadumi. Ang dumi ay tumitigas at naiipon sa iyong bituka. At kapag ito ang nangyari, ang iyong pagdumi ay maaaring maging sobrang sakit, na puwedeng maging nakamamatay higit lalo kung ang bituka ay pumutok na.
Tatlong beses sa isang araw o kaya naman kahit tatlong beses na pagdumi sa isang linggo ang normal na bowel movement.
Kung ikaw ay dumudumi ng mababa sa tatlong beses sa isang linggo, kailangan mo nang kumonsulta sa iyong doktor.
Upper stomach pain
Ang upper stomach pain na may kasamang mataas na lagnat, pagsusuka, at stiff neck ay maaaring sintomas ng meningococcal disease. Seryosong sakit ito na kailangan ng agarang gamot dahil sa taas ng posibilidad na ito ay nakamamatay.
Kung ikaw ay nakararanas ng upper stomach pain, o karaniwang pagsakit ng tiyan, siguraduhing bantayan ang iba pang sintomas na nararamdaman kasabay nito. Makatutulong ito sa iyong doktor upang matukoy ang iyong sakit at malaman kung paano ito gagamutin.
Biglaang pagbaba ng timbang na may kasamang pananakit ng tiyan
Minsan, ang biglaang pagbaba ng iyong timbang ay dapat nang ipag-alala. Kung may kasama itong pananakit ng tiyan, maaaring senyales ito ng mas seryosong kondisyon na dulot ng malnutrisyon.
Mabuting kumonsulta sa iyong doktor sa lalong madaling panahon upang agad na mapatingin at malunasan.
Kapag nahihirapan kang lumunok
Kung nahihirapan kang lumunok, dapat na itong ikabahala. Dahil ang hirap na paglunok ay isa sa posibleng senyales ng esophageal cancer.
Maaari ding ang ulcer, scar tissue, o impeksyon ang nagdudulot ng paghihirap na ito. Mahalagang mapatingnan ito upang matukoy ang eksaktong dahilan at malaman kung papaano ito maiiwasan sa hinaharap.
Kapag ang sakit ay hindi nawawala
Kung regular na nakararamdam ng pananakit ng tiyan, kahit pa ito ay hindi nakababahalang sakit, mabuting kumonsulta sa iyong doktor at magpatingin.
Anumang uri ng chronic pain ay dapat ikabahala, lalo pa kung ito ay may kinamalan sa pananakit ng tiyan.
Matuto pa tungkol sa digestive health, dito.