backup og meta

Mga Uri Ng Stoma: Alamin

Mga Uri Ng Stoma: Alamin

Ang stoma ay isang butas kung saan lumalabas ang ihi o dumi sa katawan. Ito ay konektado sa digestive system o urinary tract, depende sa sanhi ng ostomy surgery na isinagawa sa pasyente. Alamin sa artikulong ito ang tungkol sa mga uri ng stoma at kung paano ito pangalagaan.

Kadalasang inirerekomenda ang ostomy surgery sa mga pasyenteng naiulat na may problema sa panganganak, inflammatory bowel disease, kawalan ng kakayahang magpigil, at iba pang kondisyong medikal na nakaaapekto sa digestive, bituka, at urinary tract. Isa rin ito sa mga gamutan para sa mga malulubhang problema sa tiyan. Gayundin, maaari itong kailanganin sa operasyon upang matanggal ang mga nasirang organ. Bukod pa rito, ang ilan sa mga pasyente na sumasailalim sa ganitong uri ng operasyon ay kadalasang nagkaroon ng matinding trauma sa tiyan na dulot ng mga aksidente o injury.

Mga Uri Ng Stoma

Ang lahat ng mga uri ng stoma ay mga dark pink ang kulay. Ito ay karaniwang unti-unting ganap na nagiging flat sa tiyan, ngunit may mga kaso na ito ay lumalabas. Ito ang tatlong uri ng stoma batay sa sanhi at paraan ng operasyon, at lahat ay konektado sa isang stoma bag pagkatapos.

Colostomy

Ang colostomy na stoma ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagtanggal ng isang piraso ng large intestine sa wall ng tiyan. Nagiging imbakan ng dumi ang stoma bag pagkatapos ng operasyon. Ang paraang ito ay para sa mga pasyenteng may sirang colon, na nangangailangan ng pag-alis ng isang bahagi ng rectum o ng mismong colon. Ilan sa mga sakit na kaugnay nito ay cancer, imperforate anus, at Hirschsprung’s disease.

Kinakailangan ang pansamantalang colostomy upang makapagpahinga at gumaling ang bituka. Ang pagtanggal ng colostomy ay pinapayagan kung magaling na ang bituka. Pagkatapos, ang function ng bituka ay karaniwang bumalik sa normal. Gayunpaman, kung ang bituka ay lubhang naapektuhan ng sakit, kakailanganin ang permanenteng colostomy.

Urostomy

Ito ay isang uri ng ostomy surgery na hinahayaan ang ihi na dumaan sa stoma patungo sa stoma bag. Sa kasong ito, ang ikatlong bahagi ng small intestine ay hinila sa wall ng tiyan. Ang paraang ito ay para sa mga pasyenteng may problema sa paggana ng pantog o kung kailangang alisin ang pantog. Ang iba pang mga kondisyonng nangangailangan ng urostomy ay bladder cancer at injuries sa spinal cord.

Ileostomy

Sa ganitong uri, ang pinakamababang bahagi ng small intestine ay ang piraso na tinatanggal sa tiyan. Ito ang nagiging daanan kung saan lumalabas ang mga natutunaw na pagkain at pagkatapos ay kinokolekta sa stoma bag.

Ang pansamantalang ileostomy ay kinakailangan upang hayaang gumaling ang bahagi ng digestive tract na inoperahan. Ang ganitong uri ng stoma ay karaniwan sa mga operasyon para sa cancer, diverticulitis, at iba pang mga kondisyon. Gayunpaman, ang permanenteng ileostomy ay isang opsyon kung ang large intestine ay kinakailangan tanggalin, at ang anus reconnection ay hindi maaaring isagawa. Karaniwang sanhi ng permanenteng stoma ay ang Crohn’s Disease, cancer, at ulcerative colitis.

Paano Linisan At Pangalagaan Ang Stoma

Karaniwang mamaga ang stoma pagkatapos ng operasyon, at kadalasang tumatagal ng ilang linggo bago ito mag-contract. Ang balat ay kailangang linisin nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo upang maiwasan ang pagkakaroon ng amoy at impeksyon.

Narito ang ilang tips para sa pangangalaga at paglilinis ng stoma at maging ng balat sa paligid nito:

  • Maaaring may kaunting mucus ang isang stoma at may posibilidad na dumugo nang kaunti habang nililinis ito.
  • Gumamit ng angkop na laki ng stoma bag upang maiwasan ang pagtagas ng mga dumi dahil maaari itong makairita sa balat.
  • Gumamit ng maligamgam na tubig upang hugasan ang balat at patuyuin ito nang maayos bago ito ilagay sa stoma bag.
  • Huwag gumamit ng mga produktong may langis at alkohol dahil maaari itong makasira sa balat at ang mga ito ay nagiging dahilan upang mahirap na idikit sa balat ang pouch.
  • Iwasang gumamit ng maraming produktong para sa pag-aalaga ng balat upang maiwasan ang karagdagang komplikasyon at impeksyon.
  • Obserbahan ang balat sa paligid ng stoma tuwing pinapalitan ang stoma bag. Kung ang balat sa paligid ay basa o kulay pula, nangangahulugan ito na ang bag ay hindi nakadikit nang mabuti. Ang pandikit o tape ng stoma bag ay may posibilidad ding makairita rin sa balat.
  • Kung mangyari at magkaroon ng mga impeksyon, ipagbigay-alam agad ito sa doktor.

Narito ang ilang mga senyales na kailangang obserbahan bago tumawag sa doktor:

  • Kapag ang stoma ay mas namaga kaysa sa unang linggo
  • Ang stoma ay lumubog nang mas malalim kaysa sa lebel ng balat
  • Kapag ang stoma ay masyadong dumurugo o may tumatagas na fluid
  • Ang mga dumi sa stoma bag ay mas kaunti kaysa karaniwan
  • Ang kulay ng stoma ay nagiging lila, itim, o puti
  • Nakararanas ng pagtatae at dehydration
  • May lagnat at nakararamdam ng pananakit

Key Takeaways

Ang stoma ay isang butas sa tiyan kung saan maaaring lumabas ang dumi mula sa digestive o urinary system. Karaniwang isinasagawa ang stomas ayon sa mungkahi ng doktor upang makatulong na pagalingin o kontrolin ang mga problema na may kaugnayan sa digestive tract.
Nakadepende ang mga uri ng stoma sa kondisyon ng pasyente. Kung sasailalim sa operasyon at mangangailangan ng stoma bilang bahagi ng gamutan, huwag mag-alala. Ang pagkakaroon ng stoma ay hindi nakapagpapaikli ng buhay. Kumonsulta sa doktor para sa anomang mga alalahanin.

Matuto pa tungkol sa Kalusugang Digestive dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Stoma Care, https://www.hopkinsmedicine.org/tracheostomy/living/stoma.html, Accessed June 16, 2021

Ileostomy – caring for your stoma, https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000071.htm, Accessed June 16, 2021

ILEOSTOMY FACTS, https://www.ostomy.org/ileostomy/, Accessed June 16, 2021

What Is A Stoma? https://www.bladderandbowel.org/bowel/stoma/what-is-a-stoma/, Accessed June 16, 2021

UROSTOMY FACTS, https://www.ostomy.org/urostomy/, Accessed June 16, 2021

COLOSTOMY FACTS, https://www.ostomy.org/colostomy/, Accessed June 16, 2021

WHAT IS AN OSTOMY?, https://www.ostomy.org/what-is-an-ostomy/#top, Accessed June 16, 2021

Kasalukuyang Version

02/20/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Kaalaman Tungkol sa Short Bowel Syndrome

Bakit Kumukulo ang Tiyan? Alamin sa Artikulo


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement