May iba’t ibang karamdaman na maaaring magdulot ng masakit na pagdumi. Sa ilang mga functional disorder, limitado lamang sa paraan ng pagdumi ang mga problema. Nangangahulugang hindi apektado ang kulay, laki, at texture ng dumi.
Mga medikal na kondisyong nagdudulot ng masakit na pagdumi
Naaapektuhan lamang ng karamihan sa mga functional disorder ng rectum at colon ang pagdumi, at hindi ang hitsura ng mismong dumi. Sa ibang kaso, may kasama rin na ibang sintomas ang masakit na pagdumi.
Sa parehong pagkakataong ito, madalas na hindi alam ang sanhi ng mga sintomas na ito.
Constipation
Constipation ang sanhi ng matigas at maliit na dumi na mahirap ilabas. Kadalasan, kinakailangan pa ng isang tao na magbigay ng malakas na pressure para mailabas lamang ang matigas na dumi kaya nagiging masakit na pagdumi ito.
Maaaring magdulot ng iba pang karamdaman tulad ng anal fissure o hemorrhoids ang matagal na paglabas ng matigas na dumi. May iba’t ibang dahilan kung bakit ito nangyayari, narito ang ilan sa karaniwang dahilan:
- Kulang sa iniinom na tubig at masustansyang fluid, tulad ng mga fresh fruit juice, lemonade, at iba pa.
- Hindi sapat ang mga kinakain na mataas sa fiber. Mahalaga itong mapagkukunan ng roughage na makatutulong maiwasan ang masakit na pagdumi.
- Pagpapaliban ng paggamit ng banyo.
- Kakulangan ng koordinasyon sa pagdumi na humahantong sa mabagal na paglabas ng dumi.
Irritable Bowel Syndrome (IBS)
Isa ang Irritable Bowel Syndrome (IBS) sa mga pinakakaraniwang medical condition na nagdudulot ng masakit na pagdumi. Sa mga normal na kondisyon, kinukuha ng colon ang mga hindi natunaw na pagkain, nutrients, at tubig mula sa mga hindi masyadong natunaw na pagkain na naipapasa dito galing sa maliit na bituka.
Unti-unti nagiging dumi at nilalabas ng katawan sa anus ang mga hindi natunaw. Maaaring maging “irritable” ang proseso ng pagdumi dito, o makaranas ng spasm sa colon dahil sa kawalan ng koordinasyon o paggambala sa maayos na paglabas ng dumi.
Nangyayari ito kapag hindi nakaayon ang mga muscle ng colon sa ibang bahagi ng katawan. Sa ganitong mga kaso, sensitibo ang mga bituka kaya nagsasanhi ito ng masakit na pagdumi.
Nararanasan madalas ang pananakit ng tiyan at cramps pagkatapos kumain. Karaniwan, napapawi ng masakit na pagdumi ang sakit ng tiyan. Gaya ng sinabi ni Dr. John Inadomi, MD, isang gastroenterologist na nagsasanay sa University of Washington Medical Center at Harborview Medical Center, “Kung hindi nawala ang sakit ng tiyan pagtapos ng masakit na pagdumi, hindi na ito karaniwan at dapat na natin itong suriin.” Ngunit kung magtagal ng lagpas 24 hanggang 48 na oras ang masakit na pagdumi, kinakailangan na ang pagkonsulta sa doktor. Kung sakaling sabayan ng lagnat ang nararamdamang sakit, kinakailangang pumunta kaagad sa doktor.
Narito ang iba pang sintomas ng IBS:
- Diarrhea (pagtatae)/Constipation (pagkatibe) – Nakararanas ng constipation ang ilang taong may IBS, habang may diarrhea naman ang iba. May dumaranas din nang sabay ang dalawa. Kapag nangyayari ito, napapadalas ang pagpunta ng banyo.
- Flatulence at bloating (kabag) – Karaniwang sintomas ng IBS ang pamamaga sa bahagi ng tiyan at bloating.
- Mucus o plema sa dumi – Karaniwan lang na magkaroon ng kaunting mucus ang mga tao. Ngunit mas marami nito sa kanilang dumi ang mga taong may IBS.
Inflammatory Bowel Disease (IBD)
Hindi tulad ng IBS kung saan humihinto ang pananakit ng tiyan at cramps pagkatapos mailabas ang dumi, nagpapatuloy pa rin ang mga sintomas ng IBD matapos ang masakit na pagdumi. Tumutukoy ang IBD o Inflammatory Bowel Disease sa grupo ng functional disorder ng colon at rectum tulad ng Crohn’s disease at ulcerative colitis. Karaniwang may kasamang maraming komplikasyon na nangangailangan ng treatment ang IBD. Posible din ito maging senyales ng colorectal cancer sa mga bihirang pagkakataon. Nangyayari kadalasan ang ganitong uri ng cancer sa matatanda. Gayunpaman, pinakita ng mga bagong pag-aaral na nagiging karaniwan din ito sa mga nasa edad 50.
Thrombosed external hemorrhoid
Sa ganitong kondisyon ng kalusugan, nagkakaroon ng namuong dugo sa labas ng haemorrhoid ng anal skin. Kapag lumaki ang mga namuong dugo, nagiging dahilan ito ng mahirap na pag-upo at paglakad, pati na rin ng masakit na pagdumi.
Maaari din magkaroon ng masakit na anal mass. Kapag lumala ito sa susunod na 48 na oras, at sinasabayan ng pagdurugo, magrerekomenda ng surgical o non-surgical procedure ang doktor. Kasama sa mga non-surgical treatment ang sitz baths, stool softeners, at mga gamot. Madalas na inirerekomenda ng mga eksperto na ipatanggal ang mga namuong dugo gamit ang operasyon.
Anal fissure
Ang anal fissure, na tinatawag din bilang fissure-in-ano, isa itong maliit na punit na maaaring mangyari sa anal canal lining. Madalas itong mapagkamalan bilang hemorrhoids, at nagsasanhi din ng masakit na pagdumi kasama ng iba pang mga sintomas.
Gayunpaman, kadalasang ginagamot ng mga doktor ang anal fissure sa parehong paraan ng hemorrhoids – mga non-surgical treatment tulad ng mga gamot, sitz bath, high-fiber diet, mga fiber supplement, at iba pa. Maaaring irekomenda lamang ang operasyon para sa mga chronic anal fissure.
Anal abscess
Isa pa ang anal abscess sa mga functional disorder na maaaring humantong sa masakit na pagdumi, isa itong cavity na may nana. Karaniwang tinatanggal ang nana gamit ang operasyon.
Anal fistula
Tinatawag na anal fistula ang tunnel na nagkokonekta sa anal abscess at sa balat na malapit sa anus sa pamamagitan ng apektadong glands. Karaniwan itong ginagamot sa tulong ng operasyon, nag-iiba mula sa simple hanggang sa komplikado, depende kung gaano kalala ang fistula. Maaaring kailanganin din ng maraming opersyon ang mga mas malubhang kaso.
Mga impeksyon
Maaaring maging dahilan ng masakit na pagdumi ang pananakit na nararamdaman sa rectum na dala ng mga impeksyon dahil sa mga STD o fungal infection. Iba-iba ang sakit na nararamdaman ayon sa kalubhaan ng impeksyon.
Kabilang sa mga Sexually Transmitted Disease ang herpes, gonorrhoea, chlamydia, syphilis, at iba pa. Bukod sa pananakit, may kasama ring iba pang sintomas tulad ng pangangati at kaunting pagdurugo galing sa anus. Nakatutulong ang mga gamot na topical o oral antibiotic at mga anti-fungal para gamutin ito.
Ngayong alam mo na ang mga medical condition na maaaring dahilan ng masakit na pagdumi, magiging madali na para sa iyo na mabantayan ang iyong gastrointestinal health. Agad na kumonsulta sa doktor sa oras na lumala ang mga sintomas at magdulot sa iyo ng hindi komportableng pakiramdam.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng digestive dito.