Nagsisimula ang kamatayan sa colon. Kung narinig mo na ang kasabihang ito dati, maaaring naitanong mo rin kung “bakit mahalaga ang colon?” Ang nakamamangha pa rito, sinabi ng father of modern medicine na si Hippocrates na lahat ng sakit ay nagsisimula sa bituka. Sa artikulong ito, aalamin natin ang mga dahilan kung bakit pinaniniwalaang nagsisimula ang kamatayan sa colon.
1. Ang Colon ay Malaking Bahagi ng Ating Immune System
Alam mo bang hindi lang sa ating panunaw may malaking ginagampanan ang colon? Malaki rin ang ginagampanan nito sa ating immune system.
Sinasabi ng mga ulat na nakatira ang maraming bacteria sa colon na puwedeng mag-ambag sa pagkakaroon ng magandang kalusugan at pag-iwas sa mga sakit. Nagbibigay ang gut microbiome ng mahahalagang sustansya, tumutulong sa panunaw, at nagpo-promote ng angiogenesis o ang pagbuo ng mga blood vessel.
Sa pangkalahatan, pinoprotektahan ng microbes ang bituka mula sa pagsalakay ng mga pathogens o mapaminsalang microorganisms. Gayunpaman, maaari ding mapanganib ang microbiota sa colon kapag nakaranas ito ng mga pagbabago na dulot ng kawalan ng balanse.
2. Puwedeng pumasok ang Toxins sa Bloodstream sa Pamamagitan ng Lining ng Colon
Isa sa maaaring dahilan kung bakit sinasabi ng mga tao na nagsisimula ang kamatayan sa colon ay dahil sa pagtaas ng gut permeability, na pwedeng magresulta sa endotoxemia.
Nangyayari ang pagtaas ng gut permeability kapag “tumagas” ang bacteria at iba pang dumi sa pamamagitan ng intestinal wall papunta sa bloodstream (endotoxemia). Tinatawag din ang kondisyong ito na “leaky gut syndrome”, ngunit marami sa mga healthcare professionals ang hindi ito ikinokonsiderang aktuwal na medical diagnosis.
Gayunman, may isang ulat na nagsabing nakaaambag ang endotoxemia sa insulin resistance at chronic low-grade inflammatory status sa metabolic syndrome, ang koleksyon ng mga kondisyon na nagpapataas ng panganib ng taong ma-stroke, magkaroon ng diabetes, at mga sakit sa puso.
At huli, ayon sa mga ulat, kapag tumagas ang dumi sa dugo, maaari itong magdulot ng chronic inflammation.
3. Nauugnay ang Colon sa Napakaraming Sakit
Sa wakas, maraming mananaliksik ang nakatukoy ng ugnayan sa pagitan ng large intestine at ng ilang mga sakit, kabilang ang:
- Inflammatory bowel disease
- Obesity
- Diabetes
- Sakit sa atay
- Chronic heart disease
- HIV
Paano Mapananatiling Malusog ang Colon
Maaaring imposibleng matukoy ang eksaktong dahilan kung bakit naniniwala ang mga taong nagsisimula ang kamatayan sa colon. Gayunpaman, nagbigay ang mga eksperto ng ilang hakbang upang matiyak na malusog ang ating large intestine.
Mas Maraming Prutas at Gulay, Bawasan ang Karne
Mas maliit ang tsansang magkaroon ng colon cancer ang mga taong kumakain ng maraming fiber sa kanilang diet, ayon sa mga eksperto. Nirekomenda rin nilang bawasan ang pagkain ng prito at karne, lalo na ang processed food. Bukod dyan, huwag ding kalimutan ang healthy fats na nakukuha sa salmon, olive oil, nuts, at avocados.
Palaging Gumalaw at Panatilihin ang Magandang Timbang
Alam mo bang ang sobrang timbang ay nakaambag sa pagkakaroon ng colon cancer? Pinatataas din ng obesity at overweight ang panganib ng breast cancer sa mga postmenopausal na babae at kanser sa esopago, bato, lapay, at tumbong (rectum).
Karamihan dito, nakatutulong sa pagpapanatili ng malusog na timbang ang pagkakaroon ng balanseng pagkain at regular na ehersisyo. Ngunit kung nais mo ng tulong upang mabawasan ang timbang, huwag magdalawang isip na makipag-usap sa doktor.
Huwag Manigarilyo at Limitahan ang Pag-inom ng Alak
Naiuugnay ang paninigarilyo sa maraming anyo ng cancer, kabilang na ang colon cancer, kaya’t pinakamabuting itigil na ito. Gaya nito, kung nais mong uminom ng alak, huwag kalimutang bawasan ito o limitahan dahil naiuugnay din ang pag-inom ng alak sa rectal cancer.
Kung nais mo ng tulong kung paano ititigil ang paninigarilyo o sobrang pag-inom ng alak, makipag-ugnayan sa iyong doktor.
Huwag Palalagpasin ang mga Screening Procedure
Depende sa edad mo, pisikal na kondisyon, at kabuoang panganib sa colon, maaaring magpayo ang iyong doktor na sumailalim sa ilang screening procedure, tulad ng colonoscopy, upang makita kung nasa panganib ka ng colon cancer.
Huwag palalampasin ang inirerekomendang colonoscopy procedure. Makikita nito ang precancerous changes (polyps), kaya’t nakaiiwas sa pagkakaroon ng cancer.
Matuto pa tungkol sa Digestive Health dito.