Ang acute gastroenteritis (AGE) ay maaaring dulot ng mga viruses o bacteria. Pinakakaraniwang mga sanhi nito ang rotavirus at norovirus. Mabuti na lang, karaniwang mild lang ang sintomas ng AGE ay sa nasa hustong gulang o adult. Pangkaraniwan ito at madaling maipagkamali na ibang sakit. Self-limiting ang mga viral infection at maaari lamang gamutin ng mga doktor ang mga sintomas nito. Sa kabilang banda, kailangang magamot ang mga bacterial infection ng antibiotics. Narito ang mga karaniwang sintomas ng viral at bacterial acute gastroenteritis sa nasa hustong gulang.
Sintomas ng Acute Gastroenteritis sa mga nasa hustong gulang
Pagtatae
Ang pagtatae ay isa sa pinakakaraniwang sintomas ng acute gastroenteritis sa parehong bata at matanda. Mailalarawan ito bilang paglabas ng malambot o matubig na dumi (kumpara sa karaniwang pagdumi). Ang acute episodes ng pagtatae ay tumatagal ng 1 hanggang 14 na araw. Maikokonsidera nang persistent o chronic kung mas matagal pa rito.
Bagaman kadalasan itong nawawala paglipas ng ilang araw, ang matinding pagtatae ay maaaring mauwi sa dehydration at electrolyte imbalances. Nagdudulot ito ng panghihina, pagbabago sa mood at kalagayang pangkaisipan, at maging ng kawalan ng malay.
Dagdag pa, mahalagang tandaang nakahahawa ang gastroenteritis. Madalas itong kumakalat mula sa isang tao patungo sa isa pa sa pamamagitan ng maruming kamay at kontaminadong pagkain. Upang maiwasan ang pagkalat nito, ugaliing maghugas ng kamay at lutuing mabuti ang mga pagkain.
Abdominal cramps o namimilipit na sakit ng tiyan
Maaaring mild o severe ang abdominal cramps. Ang pamumulikat na ito ay dulot ng pagbabago sa bowel movement o pagdudumi. Ang bacteria sa bituka, parehong normal flora at anumang pathogenic bacteria (nagdudulot ng sakit), ay kayang gumawa ng mga toxin at gas. Sa pagdami ng mga bacteria na ito na kumakain ng pagkain sa bituka, naglalabas ito ng mga gas na produkto ng metabolismo.
Maaaring maipon ang gas na ito sa intestinal tract na nagdudulot ng kabag, abdominal cramping, at discomfort. Makatutulong ang pag-inom ng gamot upang maibsan ang mga sintomas na ito. Ang paglabas ng hangin at pagdighay ay isang paraan upang matanggal ang sobrang gas sa tiyan.
Pagduduwal
Ang pagduduwal o nausea ay ang hindi magandang pakiramdam na parang nasusuka, bagaman maaari itong mangyari kahit hindi natutuloy ang pagsusuka. Napakakaraniwang sintomas nito sa maraming sakit at hindi lamang nararamdaman sa acute gastroenteritis ng matatanda.
Maaaring mangyari ito kahit walang sakit, dahil maraming mga gamot na maaaring magdulot ng pagduduwal at pagsusuka. Ang pagduduwal kapag may gastroenteritis ay maaaring dulot ng paglabas ng toxin mula sa bacteria o ang delay sa pagtatanggal ng laman ng tiyan matapos kumain (gastroparesis).
Naglalabas ang napinsalang mga cell at immune cell ng mga kemikal na nagdudulot ng response sa utak. Ang dami ng chemical signal na nakaaabot sa utak ang tutukoy sa tindi ng pagduduwal at pagsusuka.
Lagnat
Ang lagnat ay isa pa sa karaniwang sintomas ng maraming karamdaman. Ang pagkakaroon ng lagnat ay senyales ng impeksyon. Bagaman hindi palaging may lagnat kapag may acute gastroenteritis, maaari naman itong indikasyon ng mas malalang impeksyon.
Ang lagnat ay dulot ng likas na mekanismo ng katawan upang dumepensa laban sa mga bacteria at virus. Ang mababang lagnat ay mataas sa 37.8°C, habang ang mataas na lagnat ay nasa 38.5°C o mas mataas pa. Ang pagkakaroon ng mataas na lagnat nang matagal ay pwedeng magdulot ng masamang epekto sa tao. Maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa utak at nerve ang mataas na lagnat na higit sa 40°C sa loob ng ilang oras o araw.
Mga sintomas na may kinalaman sa dehydration
Ang dehydration ay nangyayari kapag nawawalan ng tubig ang katawan, lalo na kapag may pagtatae at pagsusuka. Nawawala hindi lamang ang tubig kundi maging ang mahahalagang sustansya sa katawan, bitamina, at electrolytes kapag madalas ang matubig na pagtatae.
Ang dehydration ay hindi isang sintomas, kundi isang natatanging kondisyon. At dahil hindi lamang tubig ang nawawala sa katawan ng tao kapag may serye ng pagtatae, mahalagang uminom ng parehong tubig at electrolytes.
Kabilang sa mild na senyales ng dehydration ang tuyo at bitak-bitak na labi, ang pakiramdam ng matinding pagkauhaw. Kasama naman sa matitinding sintomas ng dehydration ang panghihina ng mga kalamnan at pagkawala ng malay. Maaaring gamutin ang mild dehydration sa bahay habang nangangailangan ng medikal na emergency ang severe dehydration.
Tenesmus
Ang tenesmus ay medikal na salitang tumutukoy sa rectal discomfort na may pakiramdam na kailangang maglabas ng dumi, kahit katatapos mo lang dumumi. Sa kagustuhang mailabas ito, maaaring masobrahan ang pagpipilit mong makadumi na maaaring magpalala ng sitwasyon. Maaaring magdulot ng pagbagsak ng blood pressure ang sobra o matagal na pagpipilit makadumi, na puwedeng magresulta sa pagkahilo o pagkahimatay.
Ang tenesmus ay sintomas din ng inflammatory bowel diseases (IBD) tulad ng Crohn’s disease at ulcerative colitis. Gayunpaman, hindi sapat ang tenesmus lang upang masabing may IBD o gastroenteritis.
Iba pang kondisyon na may parehong mga sintomas
- Inflammatory bowel diseases (e.g. Crohn’s disease, ulcerative colitis)
- Celiac disease
- Lactose intolerance o iba pang food allergy at intolerances
- Side effect ng mga gamot o overdose
- Chemo o radiation therapy
Key Takeaways
Sa kabuoan, karaniwang mild ang mga sintomas ng acute gastroenteritis sa nasa hustong gulang at madaling gamutin. Mahalaga ang maagang gamutan at madalas na pagbabantay upang maiwasan ang malalang mga sintomas tulad ng dehydration at discomfort.
Bukod sa sapat na hydration, bed rest at gamutan, ang paghuhugas ng kamay ay mainam na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng gastroenteritis sa iba. Panghuli, kung may nararamdaman kang alinmang sintomas nito, kumonsulta sa doktor.