Ang gastroenteritis ay pamamaga ng tiyan at bituka. Sanhi ito ng virus, bacteria o parasites. Sa ilang mga kaso, ang gastroenteritis ay maaaring isang side effect mula sa isang gamot. Ang mga sintomas ng kondisyong ito ay karaniwang tumatagal ng 1-2 araw. Kaya naman, ano ba ang pagkain para sa gastroenteritis? Alamin dito.
Ang mga sintomas ay maaaring kabilang ang:
- Pagtatae
- Pagduduwal at pagsusuka
- Mga cramp ng tiyan
- Lagnat
- Pananakit ng kalamnan
- Sakit ng ulo
Pagkain Para sa Gastroenteritis
Ang gastroenteritis diet ay mga pagkain at inumin na maaaring kainin o ibigay sa isang taong may gastroenteritis. Para sa pagpapagaan ng mga sintomas, ang diet na ito ay maaaring makatulong na maiwasan ang dehydration, na karaniwan sa mga pasyente ng gastroenteritis. Kapag ang isang tao ay may gastroenteritis, ang kanilang mga sintomas ay magpapahirap sa pagkain. Ngunit kung hindi naman kakain, maaaring lumala ang kanilang kondisyon.
Hayaang makapahinga ang tiyan
Iwasaan ang mga solid food sa loob ng ilang oras mula sa pagsisimula ng gastroenteritis.
Mag-hydrate
Upang manatiling hydrated, uminom ng tubig, mga sabaw, o mga non-caffeinated na sports drink. Uminom ng mga likido nang madalas pero hindi madami. Ito ay lalo na sa unang oras ng gastroenteritis, na ang pagsusuka at pagtatae ay maaaring maging matindi.
Para sa susunod na 24 na oras, panatilihing hydrated ang iyong katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming likido.
Kung katatapos lang na sumuka, maghintay ng 2 oras bago dagdagan ang fluid intake. Simulan sa pakonti-konting pagsipsip. Mahalaga ang sapat na hydration mula sa tubig, herbal decaffeinated tea, o over-the-counter na electrolyte replacements. Ito ay lalo na kung ikaw ay dumaranas ng pagtatae o pagsusuka na dulot ng stomach flu.
Mga inumin na isasama sa iyong gastroenteritis diet
- Soft drinks na walang caffeine
- Mga decaffeinated na tsaa at kape
- Ginger ale
- Clear broth, o bouillon
- Plain o flavored na tubig
Pagkaing isasama sa iyong gastroenteritis diet
Mag-relax at dahan-dahang bumalik sa pagkain ng solid food
Unti-unting isama ang bland, madaling matunaw na pagkain sa iyong diet. Huwag sobrahan kung nagsimula kang makaramdam muli ng pagkahilo.
Ang crackers, toast, gelatin, at lugaw ay ilan sa mga pagkain na maaari mong unti-unting kainin habang gumagaling ka mula sa gastroenteritis. Siguraduhin lamang na ang kinakain ay hindi naglalaman ng maraming langis o pampalasa dahil ito ay maaaring makasira sa iyong tiyan.
Pagkaing maaari mong kainin
- Plain bread o toast
- Cereal na walang gatas
- Plain o medyo seasoned noodles
- Kanin o lugaw
- Arrozcaldo
- Mashed potatoes
- Frozen fruit bars
- Ice Pops
- Saging
- Gelatin
Kapag bumalik ang pagduduwal, maaaring bumalik sa pag-inom ng mga likido lamang.
Kumain ng mga complex carbohydrates
Ang mga patatas at grains tulad ng kanin at toast ay ilan sa mga pinakamahusay na pagkain para sa gastroenteritis kapag gumaling mula sa sakit na ito.
Kapag nawala na ang pakiramdam na nasusuka, maaaring subukan ang mga lean meat na hindi masyadong spicy o flavored. Ang arrozcaldo ay maaari na ngayong maging bahagi ng iyong pagkain para sa gastroenteritis.
Subukan mong kumain ng ice chips
Subukan ang pagsipsip ng maliliit na piraso ng yelo, o ice chips, kung nahihirapan kang kumain ng anuman. Ito ay dahil sa madalas na pagsusuka. Sa pamamagitan ng pagnguya sa ice chips nang mas matagal, maaari kang manatiling hydrated. Gayunpaman, kung ikaw ay nagsusuka pa rin, malamang kailangan mo nang pumunta sa emergency room.
Pagkaing dapat iwasan sa iyong gastroenteritis diet
Iwasan ang ilang mga pagkain
Kapag mayroon kang gastroenteritis, ang iyong pantunaw ng taba ay nababago. Kaya iwasan ang red meat o iba pang matatabang pagkain. Bukod pa rito, ang maanghang na pagkain at caffeine ay kilala na nakakairita sa mga mucous membrane ng tiyan at bituka. Hindi angkop ang mga ito para sa mga pasyente na may gastroenteritis.
Kung masakit ang iyong tiyan, iwasan ang dairy products, alkohol, caffeine, at nikotina. Hindi rin inirerekomenda ang mga processes foods, mataba na pagkain, maanghang na pagkain, o mga pagkaing sobrang malasa.
Para sa pagkain para sa gastroenteritis, maaaring isama ang ice cream. Dahil malambot at malamig ito. Gayunpaman, ang ice cream ay naglalaman ng dairy, taba, at asukal, na maaaring makairita sa iyong tiyan.
Bilang karagdagan, dapat mong iwasan ang mga fruit juice, lalo na ang mga kilalang acidic, tulad ng pineapple juice, dahil maaaring makairita sa iyong tiyan.
Pagkain na dapat iwasan
- Fatty cheeses at mga dairy product
- Inuming naglalaman ng caffeine
- Alcoholic beverages
- Mamantika at pritong pagkain
- Maanghang na pagkain o heavily seasoned na pagkain
- Matatamis na inumin
- Dried fruits
- Mga prutas sa syrup
- tsokolate
- Hilaw na pagkain
Mag-ingat sa iyong mga gamot
Hindi inirerekumenda na uminom ng mga gamot tulad ng ibuprofen nang walang pagkain lalo na kung mayroon kang gastroenteritis. Pinakamainam din na huwag inumin ang mga ito ng madalas dahil maaari itong maging sanhi ng sakit ng tiyan.
Upang maiwasan ang mga potensyal na epekto, palaging kausapin ang iyong health care provider tungkol sa iyong mga gamot.
Kumain nang dahan-dahan at huwag pilitin ang iyong sarili
Hindi mo dapat pilitin ang iyong katawan kung wala kang ganang kumain. Tiyaking nagpapahinga ka, manatiling hydrated, at mag-focus sa recovery.
Key takeaway
Ang pagkain para sa gastroenteritis ay pangunahing binubuo ng mga hindi nakakairita sa tiyan, pati na rin ng maraming likido. Kapag ang isang tao ay may gastroenteritis, dapat nilang iwasan ang paglala ng kondisyon sa pamamagitan ng pananatiling hydrated. Ang pagkain ng complex carbohydrates at unti-unting pagkain ay ilan lamang sa mga rekomendasyon kung mayroon kang gastroenteritis. Maipapayo rin na iwasan ang anumang pagkain na maaaring makairita sa iyong tiyan tulad ng alkohol, caffeine, at spices.